Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

JOB 40:1-14

JOB 40:1-14 ABTAG01

At sumagot ang PANGINOON kay Job at sinabi: “Ang mapaghanap ng kamalian ay makikipagtalo ba sa Makapangyarihan sa lahat? Siyang nakikipagtalo sa Diyos, ay sagutin niya ito.” Nang magkagayo'y sumagot si Job sa PANGINOON, at nagsabi, “Narito, ako'y walang kabuluhan; anong isasagot ko sa iyo? Aking inilalagay ang aking kamay sa bibig ko, minsan ay nagsalita ako, at hindi ako tutugon; makalawa, at hindi na ako magpapatuloy.” Nang magkagayo'y sumagot ang PANGINOON kay Job mula sa ipu-ipo: “Tulad sa isang lalaki'y magbigkis ka ng iyong baywang; tatanungin kita, at sa akin ay iyong ipaalam. Pati ba ako'y ilalagay mo sa kamalian? Upang ikaw ay ariing ganap, ako ba'y iyong hahatulan? Mayroon ka bang kamay na tulad sa Diyos? Makakapagpakulog ka ba ng tinig na gaya niya? “Maggayak ka ngayon ng karilagan at karangalan, magbihis ka ng kaluwalhatian at karingalan. Ang pag-uumapaw ng iyong galit ay ibuhos mong lahat, tunghayan mo ang bawat palalo, at siya'y gawin mong hamak. Masdan mo ang bawat mayabang, at pababain mo siya; at yapakan mo ang masama sa kinatatayuan nila. Silang lahat sa alabok ay sama-samang itago mo; talian mo ang kanilang mukha sa lihim na dako. Kung magkagayo'y kikilalanin ko sa iyo, na mabibigyan ka ng tagumpay ng kanang kamay mo.