JOB 30
30
Idinaing ni Job ang Kanyang Kalagayan
1“Ngunit ngayo'y pinagtatawanan nila ako,
mga kalalakihang mas bata kaysa akin,
na ang mga magulang ay di ko ilalagay
na kasama ng mga aso ng kawan ko.
2Ano ang mapapakinabang ko sa lakas ng kanilang mga kamay?
Lumipas na ang kanilang lakas.
3Dahil sa matinding gutom at kasalatan,
nginunguya nila pati ang tuyo at lupang tigang.
4Kanilang pinupulot ang halaman sa dawagan sa tabi ng mabababang puno,
at pinaiinit ang sarili sa pamamagitan ng ugat ng enebro.
5Sila'y itinataboy papalabas sa lipunan,
sinisigawan sila ng taong-bayan na gaya ng isang magnanakaw.
6Kailangan nilang manirahan sa mga nakakatakot na daluyan,
sa mga lungga ng lupa at ng mga batuhan.
7Sa gitna ng mabababang puno ay nagsisiangal,
sa ilalim ng mga tinikan ay nagsisiksikan.
8Isang lahing walang bait at kapurihan,
mula sa lupain sila'y ipinagtabuyan.
9“At ngayon ako ay naging awit nila,
oo, ako'y kawikaan sa kanila.
10Ako'y kanilang kinasusuklaman, ako'y kanilang nilalayuan,
hindi sila nag-aatubiling lumura kapag ako'y namamataan.
11Sapagkat kinalag ng Diyos ang aking panali, at ginawa akong mababang-loob,
inalis na nila ang pagpipigil sa harapan ko.
12Sa aking kanan ay tumatayo ang gulo,
itinutulak nila ako,
at sila'y gumagawa ng mga daan para sa ikapapahamak ko.
13Kanilang sinisira ang aking daraanan,
ang aking kapahamakan ay kanilang isinusulong,
at wala namang sa kanila'y tumutulong.
14Tila pumapasok sila sa isang maluwang na pasukan;
at gumugulong sila sa gitna ng kasiraan.
15Ang mga pagkasindak sa akin ay dumadagan,
hinahabol na gaya ng hangin ang aking karangalan,
at lumipas na parang ulap ang aking kasaganaan.
16“At ngayo'y nanlulupaypay ang kaluluwa ko sa aking kalooban,
pinapanghina ako ng mga araw ng kapighatian.
17Pinahihirapan ng gabi ang aking mga buto,
at ang kirot na ngumangatngat sa akin ay hindi humihinto.
18May dahas nitong inaagaw ang aking kasuotan,
sa kuwelyo ng aking damit ako'y kanyang sinunggaban.
19Inihagis ako ng Diyos sa lusak,
at ako'y naging parang alabok at abo.
20Ako'y dumadaing sa iyo, at hindi mo ako sinasagot;
ako'y tumatayo, at hindi mo ako pinapakinggan.
21Sa akin ikaw ay naging malupit,
sa kapangyarihan ng kamay mo, ako'y iyong inuusig.
22Itinataas mo ako sa hangin, doon ako'y pinasasakay mo,
sinisiklot mo ako sa dagundong ng bagyo.
23Oo, alam ko na dadalhin mo ako sa kamatayan,
at sa bahay na itinalaga para sa lahat ng nabubuhay.
24“Gayunma'y di dapat tumalikod laban sa nangangailangan,
kapag sila'y humihingi ng tulong dahil sa kapahamakan.
25Hindi ko ba iniyakan yaong nasa kabagabagan?
Hindi ba ang aking kaluluwa ay tumangis para sa mga dukha?
26Ngunit nang ako'y humanap ng mabuti, ang dumating ay kasamaan;
nang ako'y naghintay ng liwanag, ang dumating ay kadiliman.
27Ang aking puso'y nababagabag at hindi natatahimik,
ang mga araw ng kapighatian ay dumating upang ako'y salubungin.
28Ako'y humahayong nangingitim, ngunit hindi sa araw;
ako'y tumatayo sa kapulungan at humihingi ng pagdamay.
29Ako'y kapatid ng mga asong-gubat,
at kasama ng mga avestruz.
30Ang aking balat ay nangingitim at natutuklap,
at ang aking mga buto sa init ay nagliliyab.
31Kaya't ang aking lira ay naging panangis,
at ang aking plauta ay naging tinig ng umiiyak.
Kasalukuyang Napili:
JOB 30: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001