Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

JOB 28

28
Papuri sa Karunungan
1“Tunay na para sa pilak ay may minahan,
at sa ginto ay may dakong dalisayan.
2Ang bakal ay kinukuha sa lupa,
at sa tinunaw na mahalagang bato, ang tanso ay nagmumula.
3Ang tao'y naglalagay ng wakas sa kadiliman,
at hinahanap hanggang sa pinakamalayong hangganan
ang mga bato sa kalungkutan at pusikit na kadiliman.
4Sila'y nagbubukas ng lagusan sa libis na malayo sa tinatahanan ng mga tao;
sila'y nalimutan ng mga manlalakbay,
sila'y nakabitin na malayo sa mga tao, sila'y umuugoy na paroo't parito.
5Tungkol sa lupa, ang tinapay ay dito nanggagaling,
ngunit waring tinutuklap ng apoy sa ilalim.
6Ang mga bato nito'y kinaroroonan ng mga zafiro,
at ito ay may alabok na ginto.
7“Yaong landas na walang ibong mandaragit na nakakaalam,
at hindi pa nakita maging ng mata ng falkon man.
8Ang mga palalong hayop dito'y di pa nakakatuntong
ni nadaanan man ng mabangis na leon.
9“Inilalagay ng tao ang kanyang kamay sa batong kiskisan,
at binabaligtad sa mga ugat ang mga kabundukan.
10Sa gitna ng mga bato'y gumagawa siya ng daluyan,
at nakikita ng kanyang mata ang bawat mahalagang bagay.
11Kanyang tinatalian ang mga batis upang huwag lumagaslas,
at ang bagay na nakakubli, sa liwanag ay kanyang inilalabas.
12“Ngunit saan matatagpuan ang karunungan?
At saan ang kinaroroonan ng kaunawaan?
13Hindi nalalaman ng tao ang daan patungo roon,#28:13 Sa Hebreo ay ang halaga nito.
at hindi nasusumpungan sa lupain ng mga buháy.
14Sinasabi ng kalaliman, ‘Wala sa akin,’
at sinasabi ng dagat, ‘Hindi ko kapiling.’
15Hindi ito mabibili ng ginto,
ni matitimbangan man ng pilak bilang halaga nito.
16Hindi mahahalagahan ng ginto ng Ofir,
ng mahalagang onix, o ng zafiro.
17Ginto at salamin dito ay hindi maipapantay,
ni maipagpapalit man sa mga hiyas na gintong dalisay.
18Hindi babanggitin ang tungkol sa coral o sa cristal;
higit kaysa mga perlas ang halaga ng karunungan.
19Ang topacio ng Etiopia doon ay hindi maipapantay,
ni mahahalagahan man sa gintong lantay.
20“Saan nanggagaling kung gayon, ang karunungan?
At saan ang kinaroroonan ng kaunawaan?
21Nakakubli ito sa mga mata ng lahat ng nabubuhay,
at natatago sa mga ibon sa kalangitan.
22Ang Abadon at Kamatayan ay nagsasabi,
‘Narinig ng aming mga tainga ang bulung-bulungan tungkol doon!’
23“Nauunawaan ng Diyos ang daan patungo roon,
at nalalaman niya ang kinaroroonan niyon.
24Sapagkat tumitingin siya hanggang sa mga dulo ng daigdig,
at nakikita niya ang lahat ng bagay sa silong ng langit.
25Nang ibinigay niya sa hangin ang kanyang bigat,
at ipinamahagi ang tubig ayon sa sukat,
26nang siya'y gumawa ng utos para sa ulan,
at para sa kidlat ng kulog ay ang kanyang daan;
27nang magkagayo'y nakita niya ito, at inihayag;
ito'y kanyang itinatag, at siniyasat.
28At#Awit 111:10; Kaw. 1:7; 9:10 sa tao ay sinabi niya,
‘Narito, ang takot sa Panginoon ay siyang karunungan;
at ang paghiwalay sa kasamaan ay kaunawaan.’”

Kasalukuyang Napili:

JOB 28: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in