Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

JOB 17

17
1Ang aking espiritu ay nanlulumo, ang aking mga araw ay natatapos,
ang libingan ay nakahanda para sa akin.
2Tunay na may mga manunuya sa aking paligid,
at ang aking mata ay nakatuon sa kanilang panggagalit.
3“Ibigay mo ngayon ang iyong sarili sa sangla;
sinong mananagot para sa akin?
4Yamang iyong sinarhan ang kanilang isipan sa pag-unawa,
kaya't hindi mo sila hahayaang magtagumpay.
5Ang nagsasabi laban sa kanyang mga kaibigan na kunin ang bahagi ng kanilang ari-arian,
ang mga mata nga ng kanyang mga anak ay manlalabo.
6“Ngunit ginawa rin niya akong katatawanan ng bayan,
at ako yaong sa mukha ay kanilang niluluraan.
7Ang aking mata naman ay nanlabo dahil sa kalungkutan,
at ang lahat ng mga bahagi ko ay parang isang anino.
8Mga matuwid na tao ay matitigilan dito,
at ang walang sala ay babangon laban sa masama.
9Gayunma'y magpapatuloy ang matuwid sa kanyang lakad,
at ang may malinis na mga kamay ay lalakas nang lalakas.
10Ngunit tungkol sa inyong lahat, pumarito kayo ngayong muli,
at hindi ako makakatagpo ng isang taong pantas sa gitna ninyo.
11Ang aking mga araw ay lumipas, ang aking mga plano ay nasira,
ang mga naisin ng aking puso.
12Kanilang ginawang araw ang gabi,
‘Ang liwanag,’ wika nila, ‘ay malapit sa kadiliman.’
13Kung aking hanapin ang Sheol na parang aking bahay;
kung aking ilatag ang aking higaan sa kadiliman,
14kung sabihin ko sa hukay, ‘Ikaw ay aking ama,’
at sa uod, ‘Aking kapatid na babae,’ o ‘Aking ina,’
15nasaan nga ang aking pag-asa?
Sinong makakakita ng aking pag-asa?
16Lulusong ba ang mga ito sa mga rehas ng Sheol,
magkasama ba kaming bababa sa alabok?”

Kasalukuyang Napili:

JOB 17: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in