Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

JOB 15

15
Pinagsabihan ni Elifaz si Job
1Nang magkagayo'y sumagot si Elifaz na Temanita, at sinabi,
2“Sasagot ba ang isang pantas ng may mahanging kaalaman,
at pupunuin ang kanyang sarili ng hanging silangan?
3Makikipagtalo ba siya sa walang kabuluhang pag-uusap,
o ng mga salita na hindi siya makakagawa ng mabuti?
4Ngunit inaalis mo ang takot sa Diyos,
at iyong pinipigil ang pagbubulay-bulay sa harap ng Diyos.
5Sapagkat ang iyong kasamaan ang nagtuturo sa bibig mo,
at iyong pinipili ang dila ng tuso.
6Ang iyong sariling bibig ang humahatol sa iyo, at hindi ako;
ang iyong sariling mga labi ang nagpapatotoo laban sa iyo.
7“Ikaw ba ang unang tao na ipinanganak?
O lumabas ka bang una kaysa mga burol?
8Nakinig ka na ba sa lihim na payo ng Diyos?
At iyo bang hinahangganan ang karunungan sa iyong sarili?
9Anong nalalaman mo na di namin nalalaman?
Anong nauunawaan mo na sa amin ay hindi malinaw?
10Kasama namin kapwa ang mga may uban at ang matatanda,
mas matanda pa kaysa iyong ama.
11Ang mga pag-aliw ba ng Diyos ay napakaliit para sa iyo,
o ang salitang napakabuti sa iyo?
12Bakit ka napadadala sa iyong puso,
at bakit kumikindat ang iyong mga mata,
13na lumalaban sa Diyos ang iyong espiritu,
at binibigkas mo ang ganyang mga salita sa bibig mo?
14Ano#Job 25:4-6 ang tao na siya'y magiging malinis?
O siyang ipinanganak ng babae, na siya'y magiging matuwid?
15Ang Diyos ay hindi nagtitiwala sa kanyang mga banal;
at ang langit ay hindi malinis sa kanyang paningin.
16Gaano pa nga kaliit ang karumaldumal at hamak,
ang taong umiinom ng kasamaan na parang tubig!
17“Ipapakilala ko sa iyo, dinggin mo ako;
at ang aking nakita ay ipahahayag ko.
18(Ang isinaysay ng mga pantas,
at hindi inilingid ng kanilang mga magulang,
19sa mga iyon lamang ibinigay ang lupain,
at walang dayuhan na dumaan sa gitna nila.)
20Ang masamang tao ay nagdaramdam ng sakit sa lahat ng kanyang araw,
sa lahat ng mga taon na itinakda sa malulupit.
21Ang mga nakakatakot na ugong ay nasa kanyang mga pakinig;
sa kaginhawahan ay daratnan siya ng mangwawasak.
22Siya'y hindi naniniwala na babalik siya mula sa kadiliman,
at siya'y nakatakda para sa tabak.
23Siya'y lumalaboy dahil sa tinapay, na nagsasabi: ‘Nasaan iyon?’
Kanyang nalalaman na ang araw ng kadiliman ay handa sa kanyang kamay;
24kahirapan at dalamhati ang tumatakot sa kanya;
sila'y nananaig laban sa kanya, na gaya ng isang hari na handa sa pakikipaglaban.
25Sapagkat iniunat niya ang kanyang kamay laban sa Diyos,
at hinamon ang Makapangyarihan sa lahat;
26tumatakbo na may katigasan laban sa kanya
na may makapal na kalasag;
27sapagkat tinakpan niya ang kanyang mukha ng kanyang katabaan,
at nagtipon ng taba sa kanyang mga pigi;
28at siya'y tumahan sa mga sirang bayan,
sa mga bahay na walang taong dapat tumahan,
na nakatakdang magiging mga bunton ng guho;
29hindi siya yayaman, o mamamalagi man ang kanyang kayamanan,
ni di lalawak sa lupa ang kanyang mga ari-arian.
30Siya'y hindi tatakas sa kadiliman;
tutuyuin ng apoy ang kanyang mga sanga,
at ang kanyang bulaklak ay tatangayin ng hangin.
31Huwag siyang magtiwala sa kawalang kabuluhan, na dinadaya ang sarili;
sapagkat ang kahungkagan ay magiging ganti sa kanya.
32Ganap itong mababayaran bago dumating ang kanyang kapanahunan,
at ang kanyang sanga ay hindi mananariwa.
33Lalagasin niya ang kanyang mga hilaw na ubas na gaya ng puno ng ubas,
at lalagasin ang kanyang bulaklak na gaya ng punong olibo.
34Sapagkat ang pulutong ng masasama ay baog,
at tutupukin ng apoy ang mga toldang suhulan.
35Sila'y nag-iisip ng kapilyuhan at naglalabas ng kasamaan,
at naghahanda ng pandaraya ang kanilang kalooban.”

Kasalukuyang Napili:

JOB 15: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in