Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

JOB 13

13
Ipinilit ni Job na Wala Siyang Kasalanan
1“Narito, nakita ang lahat ng ito ng aking mata,
ang aking tainga ay nakarinig at nakaunawa.
2Kung ano ang iyong nalalaman, ay nalalaman ko rin naman:
Hindi ako mababa sa inyo.
3Ngunit ako'y magsasalita sa Makapangyarihan sa lahat,
at nais kong ipagtanggol ang aking usapin sa Diyos.
4Ngunit kayo'y mapagkatha ng mga kabulaanan,
kayong lahat ay mga manggagamot na walang kabuluhan.
5Nawa ay tumahimik kayong lahat,
at magiging inyong karunungan!
6Dinggin ninyo ngayon ang aking pangangatuwiran,
at ang mga pakikiusap ng aking mga labi ay inyong pakinggan.
7Kayo ba'y magsasalita ng kabulaanan para sa Diyos,
at mangungusap na may pandaraya para sa kanya?
8Kayo ba'y magpapakita ng pagpanig sa kanya?
Ipapakiusap ba ninyo ang usapin para sa Diyos?
9Makakabuti ba sa inyo kapag siniyasat niya kayo?
O madadaya mo ba siya tulad ng pandaraya sa isang tao?
10Walang pagsalang sasawayin niya kayo,
kung sa lihim ay magpapakita kayo ng pagtatangi.
11Hindi ba kayo tatakutin ng kanyang kamahalan,
at ang sindak sa kanya ay sasainyo?
12Ang inyong mga di-malilimot na kasabihan ay kawikaang abo,
ang inyong mga sanggalang ay mga sanggalang na putik.
13“Bigyan ninyo ako ng katahimikan, at ako'y magsasalita,
at hayaang dumating sa akin ang anuman.
14Bakit kakagatin ng aking mga ngipin ang aking laman,
at ilalagay ko ang aking buhay sa aking kamay?
15Bagaman ako'y patayin niya, ako'y aasa pa rin sa kanya,
gayunma'y ipagtatanggol ko ang aking mga lakad sa harapan niya.
16Ito ang aking magiging kaligtasan,
na ang isang masamang tao ay hindi haharap sa kanya.
17Pakinggan ninyong mabuti ang mga salita ko,
at sumainyong mga pakinig ang pahayag ko.
18Narito ngayon, inihanda ko ang aking usapin;
alam ko na ako'y mapapawalang sala.
19Sino ang makikipagtalo sa akin?
Sapagkat kung gayo'y tatahimik ako at mamamatay.
20Dalawang bagay lamang ang ipagkaloob mo sa akin,
kung magkagayo'y hindi ako magkukubli sa iyong mukha:
21iurong mo nang malayo sa akin ang kamay mo;
at huwag akong takutin ng sindak sa iyo.
22Kung magkagayo'y tumawag ka, at ako'y sasagot;
o papagsalitain mo ako, at sa akin ikaw ay sumagot.
23Ilan ang aking mga kasamaan at mga kasalanan?
Ipakilala mo sa akin ang aking pagsalangsang at ang aking kasalanan.
24Bakit mo ikinukubli ang iyong mukha,
at itinuturing mo akong iyong kaaway?
25Iyo bang tatakutin ang isang dahong pinapaspas ng hangin,
at ang tuyong ipa ay iyo bang hahabulin?
26Sapagkat ikaw ay sumusulat laban sa akin ng mapapait na bagay,
at ipinamamana mo sa akin ang mga kasamaan ng aking kabataan.
27Iyo#Job 33:11 ring inilalagay ang aking mga paa sa kadenahan,
at minamanmanan mo ang lahat kong daan,
ikaw ay naglalagay ng hangganan sa aking talampakan.
28Bagaman ako'y parang bagay na bulok na natutunaw,
na parang damit na kinakain ng bukbok.

Kasalukuyang Napili:

JOB 13: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in