JOB 10
10
Siya ay Tumututol sa Kalabisang Parusa ng Panginoon
1“Kinasusuklaman ko ang aking buhay;
malaya kong bibigkasin ang aking karaingan;
ako'y magsasalita sa kapaitan ng aking kaluluwa.
2Sasabihin ko sa Diyos, Huwag mo akong hatulan;
ipaalam mo sa akin kung bakit mo ako kinakalaban.
3Mabuti ba sa iyo na ikaw ay magpahirap,
na iyong hamakin ang gawa ng iyong mga kamay
at iyong sang-ayunan ang mga pakana ng masama?
4Ikaw ba'y may mga matang laman?
Ikaw ba'y nakakakita tulad ng pagkakita ng tao?
5Ang iyo bang mga araw ay gaya ng mga araw ng tao,
o ang iyong mga taon ay gaya ng mga taon ng tao,
6upang ikaw ay maghanap ng kasamaan ko,
at mag-usisa ng kasalanan ko,
7bagaman iyong nalalaman na ako'y hindi nagkasala,
at walang makapagliligtas mula sa iyong kamay?
8Ang iyong mga kamay ang humugis at gumawa sa akin,
at ngayo'y pumipihit ka at pinupuksa ako.
9Iyong alalahanin, na ako'y ginawa mo mula sa luwad,
at ibabalik mo ba akong muli sa alabok?
10Hindi mo ba ako ibinuhos na parang gatas,
at binuo mo akong parang keso?
11Ako'y dinamitan mo ng balat at laman,
at ako'y hinabi mo ng mga buto at mga litid.
12Ako'y pinagkalooban mo ng buhay at tapat na pag-ibig,
at ang iyong kalinga ang nag-ingat ng aking espiritu.
13Gayunma'y ang mga bagay na ito ay iyong ikinubli sa iyong puso;
alam ko na ito ang layunin mo.
14Kung ako'y magkasala, ako nga'y iyong tinatandaan,
at hindi mo ako pinawawalang-sala sa aking kasamaan.
15Kung ako'y masama, kahabag-habag ako!
Kung ako'y matuwid, hindi ko maitaas ang aking ulo;
sapagkat ako'y puspos ng kahihiyan,
at tingnan mo ang aking kahirapan.
16At kung itaas ko ang aking sarili, tinutugis mo akong parang leon;
at ipinapakita mong muli ang iyong kapangyarihan sa akin.
17Pinanunumbalik mo ang iyong mga pagsaksi laban sa akin,
at dinaragdagan mo ang iyong galit sa akin;
nagdadala ka ng mga bagong hukbo laban sa akin.
18“Bakit mo pa ako inilabas sa sinapupunan?
Namatay na sana ako bago pa ako nakita ng alinmang mata.
19Ako sana'y naging parang hindi nabuhay;
nadala sana ako mula sa sinapupunan hanggang sa libingan.
20Hindi ba iilan ang mga araw ng aking buhay? Tapusin mo na nga!
Bayaan mo na ako, upang ako'y makatagpo ng kaunting kaginhawahan,
21bago ako magtungo na mula roo'y hindi ako makakabalik,
sa lupain ng kapanglawan at ng pusikit na kadiliman,
22sa lupain ng kapanglawan gaya ng kadiliman ng malalim na anino na walang kaayusan,
na doon ay nagliliwanag na gaya ng kadiliman.”
Kasalukuyang Napili:
JOB 10: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001