Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

JUAN 9:1-17

JUAN 9:1-17 ABTAG01

Sa kanyang paglalakad, nakita niya ang isang lalaking bulag mula pa sa kanyang pagkapanganak. Tinanong siya ng kanyang mga alagad, “Rabi, sino ang nagkasala, ang taong ito, o ang kanyang mga magulang, kaya siya'y ipinanganak na bulag?” Sumagot si Jesus, “Hindi dahil sa ang taong ito'y nagkasala, o ang kanyang mga magulang man, kundi upang mahayag sa kanya ang mga gawa ng Diyos.” Kailangan nating gawin ang mga gawa niyong nagsugo sa akin, samantalang araw pa. Dumarating ang gabi, na walang taong makakagawa. Habang ako'y nasa sanlibutan, ako ang ilaw ng sanlibutan.” Nang masabi niya ang mga bagay na ito, siya'y dumura sa lupa, at gumawa ng putik mula sa dura, at pinahiran ng putik ang mga mata ng lalaki. At sinabi sa kanya, “Humayo ka, maghugas ka sa imbakan ng tubig ng Siloam” (na ang kahulugan ay Sinugo). Humayo nga siya at naghugas at bumalik na nakakakita. Kaya't ang mga kapitbahay at ang mga nakakita sa kanya nang una, na siya'y pulubi, ay nagsabi, “Hindi ba ito ang nakaupo noon at nagpapalimos?” Sinabi ng iba, “Siya nga.” Ang sabi ng iba, “Hindi, subalit kamukha niya.” Sinabi niya, “Ako nga iyon.” Kaya't sinabi nila sa kanya, “Paanong nabuksan ang iyong mga mata?” Sumagot siya, “Ang taong tinatawag na Jesus ay gumawa ng putik, at pinahiran ang aking mga mata, at sinabi sa akin, ‘Pumunta ka sa Siloam, at maghugas ka.’ Kaya't ako'y umalis at naghugas, at nagkaroon ako ng paningin.” Sinabi nila sa kanya, “Saan siya naroon?” Sinabi niya, “Hindi ko alam.” Dinala nila sa mga Fariseo ang lalaki na dating bulag. Noon ay araw ng Sabbath nang gumawa ng putik si Jesus, at binuksan ang kanyang mga mata. Muli na naman siyang tinanong ng mga Fariseo kung paano siya nagkaroon ng paningin. At sinabi niya sa kanila, “Nilagyan niya ng putik ang aking mga mata, at hinugasan ko, at ako'y nakakita.” Kaya't sinabi ng ilan sa mga Fariseo, “Ang taong ito'y hindi mula sa Diyos, sapagkat hindi siya nangingilin ng Sabbath.” Subalit sinabi ng iba, “Paanong makakagawa ng gayong mga tanda ang isang taong makasalanan?” At nagkaroon ng pagkakahati-hati sa kanila. Muling sinabi nila sa bulag, “Ano ang masasabi mo tungkol sa kanya, sapagkat binuksan niya ang iyong mga mata?” At kanyang sinabi, “Siya'y isang propeta.”

Kaugnay na Video