Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

JUAN 8:13-59

JUAN 8:13-59 ABTAG01

Sinabi sa kanya ng mga Fariseo, “Nagpapatotoo ka tungkol sa iyong sarili; ang patotoo mo ay hindi totoo.” Sumagot si Jesus, “Kung ako ma'y nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, ang aking patotoo ay totoo; sapagkat nalalaman ko kung saan ako nanggaling, at kung saan ako pupunta. Subalit hindi ninyo nalalaman kung saan ako nanggaling, o kung saan ako pupunta. Humahatol kayo ayon sa laman; ako'y hindi humahatol sa kaninuman. At kung ako'y humatol man, ang hatol ko'y totoo, sapagkat hindi ako nag-iisa, kundi ako at ang Ama na nagsugo sa akin. Maging sa inyong kautusan ay nasusulat na ang patotoo ng dalawang tao ay totoo. Ako ang nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, at ang Amang nagsugo sa akin ay nagpapatotoo tungkol sa akin.” Kaya't sinabi nila sa kanya, “Nasaan ang iyong Ama?” Sumagot si Jesus, “Hindi nga ninyo ako kilala o ang aking Ama. Kung ako'y inyong kilala ay kilala rin sana ninyo ang aking Ama.” Sinabi niya ang mga salitang ito sa kabang-yaman habang nagtuturo siya sa templo. Subalit walang taong humuli sa kanya, sapagkat hindi pa dumating ang kanyang oras. Muli niyang sinabi sa kanila, “Aalis ako, at ako'y inyong hahanapin, at mamamatay kayo sa inyong kasalanan. Sa aking pupuntahan ay hindi kayo makakapunta.” Sinabi ng mga Judio, “Magpapakamatay kaya siya sapagkat kanyang sinabi, ‘Sa aking pupuntahan ay hindi kayo makakapunta.’” Sinabi niya sa kanila, “Kayo'y mga taga-ibaba, ako'y taga-itaas. Kayo'y mga taga-sanlibutang ito; ako'y hindi taga-sanlibutang ito. Kaya't sinabi ko sa inyo na kayo'y mamamatay sa inyong mga kasalanan, sapagkat malibang kayo'y sumampalataya na Ako Nga, ay mamamatay kayo sa inyong mga kasalanan.” Sinabi nila sa kanya, “Sino ka ba?” Sinabi sa kanila ni Jesus, “Bakit kailangan pang makipag-usap ako sa inyo?” Mayroon akong maraming bagay na sasabihin at hahatulan tungkol sa inyo. Subalit ang nagsugo sa akin ay totoo, at sinasabi ko sa sanlibutan ang mga bagay na narinig ko sa kanya.” Hindi nila naunawaan na siya ay nagsasalita sa kanila tungkol sa Ama. Sinabi ni Jesus, “Kapag naitaas na ninyo ang Anak ng Tao, saka ninyo makikilala na ako nga siya, at wala akong ginagawa mula sa aking sarili kundi sinasabi ko ang mga bagay ayon sa itinuro sa akin ng Ama. At siya na nagsugo sa akin ay kasama ko, hindi niya ako pinabayaang nag-iisa; sapagkat lagi kong ginagawa ang mga bagay na nakakalugod sa kanya.” Samantalang sinasabi niya ang mga bagay na ito ay marami ang sumasampalataya sa kanya. Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa mga Judiong sumasampalataya sa kanya, “Kung kayo'y mananatili sa aking salita, tunay ngang kayo'y mga alagad ko. At inyong malalaman ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” Sumagot sila sa kanya, “Kami'y mula sa binhi ni Abraham, at kailanma'y hindi pa naging alipin ng sinuman. Bakit mo sinasabing, ‘Kayo'y magiging malaya’?” Sinagot sila ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang bawat nagkakasala ay alipin ng kasalanan. Ang alipin ay walang palagiang lugar sa sambahayan. Ang anak ay may lugar doon magpakailanman. Kaya't kung kayo'y palayain ng Anak, kayo'y magiging tunay na malaya. Nalalaman ko na kayo'y binhi ni Abraham; subalit pinagsisikapan ninyong ako'y patayin, sapagkat ang salita ko'y walang paglagyan sa inyo. Sinasabi ko ang mga bagay na aking nakita sa aking Ama, at kayo, ginagawa naman ninyo ang mga bagay na narinig ninyo mula sa inyong ama.” Sila'y sumagot sa kanya, “Si Abraham ang aming ama.” Sa kanila'y sinabi ni Jesus, “Kung kayo'y mga anak ni Abraham ay gagawin ninyo ang mga gawa ni Abraham. Subalit ngayo'y pinagsisikapan ninyo akong patayin, isang taong nagsasabi sa inyo ng katotohanan na aking narinig sa Diyos. Ito'y hindi ginawa ni Abraham. Ginagawa ninyo ang mga gawa ng inyong ama.” Sinabi nila sa kanya, “Hindi kami ipinanganak sa pakikiapid. Mayroon kaming isang Ama, ang Diyos.” Sinabi sa kanila ni Jesus, “Kung ang Diyos ang inyong ama, ay inibig ninyo sana ako, sapagkat ako'y nagmula sa Diyos at ngayon ay naririto ako. Hindi ako naparito mula sa aking sarili kundi sinugo niya ako. Bakit hindi ninyo nauunawaan ang aking sinasabi? Sapagkat hindi ninyo matanggap ang aking salita. Kayo'y mula sa inyong amang diyablo, at ang nais ninyong gawin ay ang kagustuhan ng inyong ama. Siya'y isang mamamatay-tao buhat pa sa simula, at hindi naninindigan sa katotohanan, sapagkat walang katotohanan sa kanya. Kapag siya ay nagsasalita ng kasinungalingan, siya ay nagsasalita ayon sa kanyang sariling likas, sapagkat siya'y isang sinungaling, at ama ng kasinungalingan. Ngunit dahil sa sinasabi ko ang katotohanan ay hindi kayo nananampalataya sa akin. Sino sa inyo ang makakasumbat sa akin tungkol sa kasalanan? Kung sinasabi ko ang katotohanan, bakit hindi kayo sumasampalataya sa akin? Ang mula sa Diyos ay nakikinig ng mga salita ng Diyos. Ang dahilan kung bakit hindi ninyo pinakikinggan ang mga ito ay sapagkat kayo'y hindi mula sa Diyos.” Sumagot ang mga Judio sa kanya, “Hindi ba tama ang aming sinabi na ikaw ay isang Samaritano at mayroon kang demonyo?” Sumagot si Jesus, “Ako'y walang demonyo, kundi pinararangalan ko ang aking Ama, at inyong sinisira ang aking karangalan. Ngunit hindi ko hinahanap ang aking sariling kaluwalhatian. Mayroong isa na humahanap nito at siya ang hukom. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, kung ang sinuman ay tutupad ng aking salita, hindi siya makakakita ng kamatayan kailanman.” Sinabi ng mga Judio sa kanya, “Ngayo'y nalalaman naming mayroon kang demonyo. Namatay si Abraham at ang mga propeta, at sinasabi mo, ‘Kung ang sinuman ay tutupad ng aking salita, ay hindi niya matitikman magpakailanman ang kamatayan.’ Mas dakila ka pa ba kaysa sa aming amang si Abraham, na namatay? At namatay ang mga propeta? Ano ang palagay mo sa iyong sarili?” Sumagot si Jesus, “Kung niluluwalhati ko ang aking sarili, ang kaluwalhatian ko ay walang kabuluhan. Ang aking Ama ang siyang lumuluwalhati sa akin, na sinasabi ninyong siya'y inyong Diyos. Subalit hindi ninyo siya kilala, ngunit kilala ko siya. Kung aking sasabihing hindi ko siya kilala ay magiging katulad ninyo ako na sinungaling. Subalit kilala ko siya, at tinutupad ko ang kanyang salita. Nagalak ang inyong amang si Abraham na makita niya ang aking araw. Nakita niya ito at siya'y nagalak.” Sinabi sa kanya ng mga Judio, “Wala ka pang limampung taon, at nakita mo na si Abraham?” Sinabi sa kanila ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, bago pa man si Abraham ay Ako Nga.” Kaya't sila'y dumampot ng mga bato upang ibato sa kanya, subalit nagtago si Jesus at lumabas sa templo.