Pagkaraan nito ay nagkaroon ng pista ang mga Judio, at umahon si Jesus patungo sa Jerusalem.
Sa Jerusalem nga'y may isang tipunan ng tubig sa tabi ng Pintuan ng mga Tupa, na sa wikang Hebreo ay tinatawag na Bet-zatha na may limang portiko.
Sa mga ito ay nakahiga ang maraming maysakit, mga bulag, mga pilay, at mga lumpo.
[Sapagkat lumulusong ang isang anghel ng Panginoon sa mga tanging panahon sa tipunan ng tubig at kinakalawkaw ang tubig; at ang unang manaog sa tipunan ng tubig, pagkatapos na makalawkaw ang tubig ay gumagaling sa anumang sakit na dinaramdam.]
Naroon ang isang lalaki na may tatlumpu't walong taon nang maysakit.
Nang makita ni Jesus na siya'y nakahiga at nalamang siya'y matagal nang may sakit, ay sinabi niya sa kanya, “Ibig mo bang gumaling?”
Sumagot sa kanya ang lalaking may sakit, “Ginoo, walang taong maglusong sa akin sa tipunan ng tubig kapag kinakalawkaw ang tubig; at samantalang ako'y lumalapit ay nakalusong na muna ang iba bago ako.”
Sinabi sa kanya ni Jesus, “Bumangon ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.”
At kaagad gumaling ang lalaki, binuhat ang kanyang higaan at lumakad. Noon nga'y araw ng Sabbath.
Kaya't sinabi ng mga Judio sa taong pinagaling, “Ngayo'y araw ng Sabbath, at hindi ipinahihintulot na buhatin mo ang iyong higaan.”
Ngunit sila'y sinagot niya, “Ang nagpagaling sa akin ang siyang nagsabi sa akin, ‘Buhatin mo ang iyong higaan, at lumakad ka.’”
Siya'y kanilang tinanong, “Sino ang taong nagsabi sa iyo, ‘Buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka?’”
Ngunit hindi nakilala ng taong pinagaling kung sino iyon, sapagkat si Jesus ay umalis na sa maraming tao na naroroon.
Pagkatapos ay natagpuan siya ni Jesus sa templo, at sinabi sa kanya, “Tingnan mo, ikaw ay gumaling na; huwag ka nang magkasala, baka may mangyari pa sa iyo na lalong masama.”
Umalis ang lalaki at ibinalita sa mga Judio na si Jesus ang nagpagaling sa kanya.
Dahil dito'y inusig ng mga Judio si Jesus sapagkat ginagawa niya ang mga bagay na ito sa araw ng Sabbath.
Subalit sinagot sila ni Jesus, “Hanggang ngayo'y patuloy sa paggawa ang aking Ama, at ako'y patuloy rin sa paggawa.”
Dahil dito ay lalong pinagsikapan ng mga Judio na siya'y patayin sapagkat hindi lamang nilabag niya ang araw ng Sabbath, kundi tinatawag din na kanyang sariling Ama ang Diyos, at ginagawa ang sarili niya na kapantay ng Diyos.