“Huwag mabagabag ang inyong puso. Sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya rin naman kayo sa akin.
Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan. Kung hindi gayon, sasabihin ko ba sa inyo na ako'y paparoon upang ihanda ko ang lugar para sa inyo?
At kung ako'y pumunta roon at maihanda ko ang isang lugar para sa inyo, ako'y babalik at kayo'y tatanggapin ko sa aking sarili, upang kung saan ako naroroon, kayo rin ay naroroon.
Nalalaman ninyo ang daan patungo sa lugar na aking pupuntahan.”
Sinabi sa kanya ni Tomas, “Panginoon, hindi namin alam kung saan ka pupunta. Paano namin malalaman ang daan?”
Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay. Sinuman ay hindi makakarating sa Ama kundi sa pamamagitan ko.
Kung ako'y kilala ninyo ay makikilala rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon siya'y inyong nakikilala at siya'y inyong nakita.”
Sinabi sa kanya ni Felipe, “Panginoon, ipakita mo sa amin ang Ama, at kami ay masisiyahan na.”
Sinabi sa kanya ni Jesus, “Mahabang panahon nang ako'y kasama ninyo, at hindi mo ako nakikilala, Felipe? Ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama. Paano mong nasabi, ‘Ipakita mo sa amin ang Ama?’
Hindi ka ba sumasampalataya na ako'y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? Ang mga salitang aking sinasabi sa inyo'y hindi ko sinasabi mula sa aking sarili, kundi ang Ama na nananatili sa akin ang gumagawa ng kanyang mga gawa.
Sumampalataya kayo sa akin na ako'y nasa Ama at ang Ama ay nasa akin. Subalit kung hindi ay sumampalataya kayo sa akin dahil sa mga gawa.
Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang sumasampalataya sa akin ay gagawin din ang mga gawang aking ginagawa, at lalong dakilang mga gawa kaysa rito ang gagawin niya, sapagkat ako'y pupunta sa Ama.
At anumang hingin ninyo sa aking pangalan ay aking gagawin, upang ang Ama ay maluwalhati sa Anak.
Kung kayo'y humingi ng anuman sa pangalan ko ay gagawin ko.
“Kung ako'y inyong minamahal ay tutuparin ninyo ang aking mga utos.
At hihingin ko sa Ama, at kayo'y bibigyan niya ng isa pang Mang-aaliw, upang makasama ninyo siya magpakailanman.
Ito ang Espiritu ng katotohanan na hindi kayang tanggapin ng sanlibutan; sapagkat siya'y hindi nito nakikita o nakikilala man. Siya'y nakikilala ninyo, sapagkat siya'y nananatiling kasama ninyo at siya ay mapapasa inyo.
Hindi ko kayo iiwang nag-iisa, ako'y darating sa inyo.
Kaunti pang panahon at hindi na ako makikita ng sanlibutan, ngunit makikita ninyo ako; sapagkat ako'y nabubuhay ay mabubuhay rin kayo.
Sa araw na iyon ay malalaman ninyong ako'y nasa aking Ama, at kayo'y nasa akin, at ako'y nasa inyo.
Siyang mayroon ng aking mga utos at tinutupad ang mga iyon ay siyang nagmamahal sa akin, at ang nagmamahal sa akin ay mamahalin ng aking Ama, at siya'y mamahalin ko, at ihahayag ko ang aking sarili sa kanya.”
Si Judas (hindi ang Iscariote) ay nagsabi sa kanya, “Panginoon, paano mong ihahayag ang iyong sarili sa amin, at hindi sa sanlibutan?”
Sumagot si Jesus sa kanya, “Kung ang isang tao ay nagmamahal sa akin, ay kanyang tutuparin ang aking salita, at siya'y mamahalin ng aking Ama, at kami'y lalapit sa kanya, at kami'y gagawa ng tahanang kasama siya.
Ang hindi nagmamahal sa akin ay hindi tumutupad ng aking mga salita, at ang salitang inyong narinig ay hindi akin, kundi sa Amang nagsugo sa akin.
Ang mga bagay na ito'y sinabi ko sa inyo, samantalang ako'y nananatiling kasama pa ninyo.