Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

JUAN 13:1-17

JUAN 13:1-17 ABTAG01

Bago magpista ng Paskuwa, alam na ni Jesus na dumating na ang oras ng kanyang pagpanaw sa sanlibutang ito patungo sa Ama. Yamang minamahal niya ang sariling kanya na nasa sanlibutan, sila ay kanyang minahal hanggang sa katapusan. Nang oras ng hapunan, inilagay na ng diyablo sa puso ni Judas Iscariote, na anak ni Simon, na ipagkanulo siya. Alam ni Jesus na ibinigay na ng Ama ang lahat ng mga bagay sa kanyang mga kamay, at siya'y nanggaling sa Diyos at patungo sa Diyos. Kaya tumindig siya pagkatapos maghapunan, itinabi ang kanyang damit, at siya'y kumuha ng isang tuwalya, at ibinigkis sa kanyang sarili. Pagkatapos ay nagsalin siya ng tubig sa palanggana, at nagsimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad, at pagkatapos ay pinunasan ng tuwalya na nakabigkis sa kanya. Lumapit siya kay Simon Pedro na nagtanong sa kanya, “Panginoon, huhugasan mo ba ang aking mga paa?” Sumagot si Jesus sa kanya, “Ang ginagawa ko'y hindi mo pa nauunawaan ngayon, ngunit malalaman mo pagkatapos ng mga ito.” Sinabi sa kanya ni Pedro, “Hindi mo huhugasan ang aking mga paa kailanman.” Sinagot siya ni Jesus, “Kung hindi kita huhugasan, ay hindi ka magkakaroon ng bahagi sa akin.” Sinabi sa kanya ni Simon Pedro, “Panginoon, hindi ang aking mga paa lamang, kundi pati ang aking mga kamay at ang aking ulo.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ang napaliguan na ay hindi na kailangang hugasan maliban ang kanyang mga paa, sapagkat malinis nang lubos. Kayo'y malilinis na, ngunit hindi ang lahat. Sapagkat nalalaman niya kung sino ang magkakanulo sa kanya, kaya't sinabi niya, “Hindi lahat sa inyo ay malilinis.” Kaya nang mahugasan niya ang kanilang mga paa, at makuha ang kanyang mga damit at muling maupo, ay sinabi niya sa kanila, “Nalalaman ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo? Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon at tama kayo, sapagkat ako nga. Kung ako nga, na Panginoon at Guro ay naghugas ng inyong mga paa, kayo man ay dapat ding maghugas ng mga paa ng isa't isa. Sapagkat kayo'y binigyan ko ng halimbawa, upang gawin din ninyo ayon sa ginawa ko sa inyo. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang alipin ay hindi higit na dakila kaysa kanyang panginoon, o ang sinugo ay higit na dakila kaysa nagsugo sa kanya. Kung nalalaman ninyo ang mga bagay na ito, mapapalad kayo kung inyong gagawin.