Kaya't nang dumating si Jesus, ay naratnan niyang apat na araw nang nakalibing si Lazaro.
Ang Betania ay malapit sa Jerusalem, na may layong tatlong kilometro.
At maraming mga Judio ang pumunta kina Marta at Maria, upang sila'y aliwin dahil sa kanilang kapatid.
Nang marinig ni Marta na si Jesus ay dumarating, siya ay pumunta at sinalubong siya, samantalang si Maria ay naiwan sa bahay.
Sinabi ni Marta kay Jesus, “Panginoon, kung narito ka sana hindi sana namatay ang kapatid ko.
Subalit kahit ngayon ay nalalaman ko, na anumang hingin mo sa Diyos ay ibibigay sa iyo ng Diyos.”
Sinabi sa kanya ni Jesus, “Muling mabubuhay ang iyong kapatid.”
Sinabi ni Marta sa kanya, “Alam kong siya'y muling mabubuhay sa muling pagkabuhay sa huling araw.”
Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang sumasampalataya sa akin, bagama't siya'y mamatay, ay mabubuhay.
At ang bawat nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay magpakailanman. Pinaniniwalaan mo ba ito?”
Sinabi niya sa kanya, “Opo, Panginoon. Sumasampalataya ako na ikaw ang Cristo, ang Anak ng Diyos, ang siyang darating sa sanlibutan.
Nang masabi na niya ito ay umalis siya, at tinawag ang kapatid niyang si Maria at palihim na sinabi, “Ang Guro ay narito at tinatawag ka.”
Nang marinig niya ito, dali-dali siyang tumayo at pumunta sa kanya.
(Hindi pa noon dumarating si Jesus sa nayon, kundi naroroon pa sa lugar kung saan siya sinalubong ni Marta.)
Nakita ng mga Judio, na kanyang mga kasama sa bahay at umaaliw sa kanya, na si Maria ay dali-daling tumindig at lumabas. Sila ay sumunod sa kanya sa pag-aakalang pupunta siya sa libingan upang doo'y umiyak.
Pagdating ni Maria sa kinaroroonan ni Jesus, at nang makita siya ni Maria, lumuhod ito sa kanyang paanan, na sinasabi sa kanya, “Panginoon, kung ikaw sana'y narito, hindi sana namatay ang aking kapatid.”
Kaya't nang makita ni Jesus na siya'y umiiyak, pati na ang mga Judiong dumating na kasama niya, siya ay nabagabag sa espiritu at nabahala,
at sinabi, “Saan ninyo siya inilagay?” Sinabi nila sa kanya, “Panginoon, halika at tingnan mo.”
Umiyak si Jesus.
Sinabi ng mga Judio, “Tingnan ninyo kung gaano ang pagmamahal niya sa kanya!”
Subalit ang ilan sa kanila'y nagsabi, “Hindi ba siya na nagbukas ng mga mata ng bulag ay napigilan sana niya ang taong ito na mamatay?”
Si Jesus na lubhang nabagabag na muli ay pumunta sa libingan. Iyon ay isang yungib at mayroong isang batong nakatakip doon.
Sinabi ni Jesus, “Alisin ninyo ang bato.” Si Marta, na kapatid ng namatay, ay nagsabi sa kanya, “Panginoon, nangangamoy na siya ngayon, sapagkat apat na araw na siyang patay.”
Sinabi sa kanya ni Jesus, “Hindi ba sinabi ko sa iyo, na kung ikaw ay sasampalataya, ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?”
Kaya't inalis nila ang bato. Tumingin si Jesus sa itaas at sinabi, “Ama, nagpapasalamat ako sa iyo na ako'y iyong pinakinggan.
At alam kong ako'y lagi mong pinapakinggan. Ngunit ito'y sinabi ko alang-alang sa maraming taong nasa palibot, upang sila'y sumampalataya na ako ay sinugo mo.”
At nang masabi niya ang mga ito ay sumigaw siya ng malakas na tinig, “Lazaro, lumabas ka!”
Ang taong namatay ay lumabas, na ang mga kamay at mga paa ay natatalian ng mga telang panlibing, at ang kanyang mukha ay may balot na tela. Sinabi sa kanila ni Jesus, “Siya'y inyong kalagan, at hayaan ninyong makaalis.”
Kaya't marami sa mga Judio na sumama kay Maria at nakakita ng ginawa niya ang sumampalataya sa kanya.
Subalit ang ilan sa kanila ay pumunta sa mga Fariseo, at sinabi sa kanila ang mga bagay na ginawa ni Jesus.
Kaya't ang mga punong pari at ang mga Fariseo ay nagpatawag ng pagpupulong at sinabi, “Ano ang gagawin natin? Ang taong ito'y gumagawa ng maraming tanda.
Kung siya'y ating pabayaan ng ganito, ang lahat ng mga tao ay maniniwala sa kanya. Darating ang mga Romano at wawasakin ang ating Templo at ang ating bansa.”
Ngunit ang isa sa kanila, si Caifas na pinakapunong pari nang panahong iyon ay nagsabi sa kanila, “Wala talaga kayong nalalaman.
Hindi ba ninyo nauunawaan na mas mabuti para sa inyo na ang isang tao ay mamatay alang-alang sa bayan, kaysa mapahamak ang buong bansa?”
Hindi niya ito sinabi mula sa kanyang sarili, kundi bilang pinakapunong pari nang panahong iyon siya'y nagpropesiya na si Jesus ay mamamatay para sa bansa;
at hindi para sa bansa lamang, kundi upang tipunin niya sa iisa ang mga anak ng Diyos na nagkahiwa-hiwalay.
Kaya't mula nang araw na iyon ay binalak nilang siya'y patayin.
Mula noon, si Jesus ay hindi na naglalakad nang hayagan sa gitna ng mga Judio, kundi pumunta siya sa lupaing malapit sa ilang, sa isang bayan na tinatawag na Efraim. Siya'y nanirahan doon kasama ng mga alagad.
Ang Paskuwa nga ng mga Judio ay malapit na, at maraming umahon tungo sa Jerusalem mula sa lupaing iyon bago magpaskuwa, upang linisin ang kanilang mga sarili.
Hinahanap nila si Jesus, at sinasabi sa isa't isa habang nakatayo sila sa templo, “Ano sa palagay ninyo? Hindi kaya siya pupunta sa pista?”
Ang mga punong pari at ang mga Fariseo ay nag-utos na sinumang nakakaalam ng kinaroroonan ni Jesus ay dapat ipagbigay-alam sa kanila upang siya'y kanilang madakip.