Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

JUAN 10:11-21

JUAN 10:11-21 ABTAG01

Ako ang mabuting pastol. Ibinibigay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa. Ang upahan at hindi pastol, at hindi may-ari ng mga tupa, nang makitang dumarating ang asong-gubat ay pinababayaan ang mga tupa at tumatakas. At inaagaw sila ng asong-gubat, at ikinakalat. Siya'y tumatakas sapagkat siya'y upahan, at walang malasakit sa mga tupa. Ako ang mabuting pastol. Kilala ko ang sariling akin, at kilala ako ng sariling akin. Gaya ng pagkakilala sa akin ng Ama, at ng pagkakilala ko sa Ama, at ibinibigay ko ang aking buhay para sa mga tupa. Mayroon akong ibang mga tupa na wala sa kulungang ito. Kailangan ko rin silang dalhin dito at kanilang papakinggan ang aking tinig. Kaya't magkakaroon ng isang kawan na may isang pastol. Dahil dito'y minamahal ako ng Ama, sapagkat ibinibigay ko ang aking buhay, upang ito'y kunin kong muli. Walang nag-aalis nito sa akin, kundi kusa kong ibinibigay. May kapangyarihan akong ibigay ito, at may kapangyarihan akong kunin itong muli. Tinanggap ko ang utos na ito mula sa aking Ama.” At muling nagkaroon ng pagkakabaha-bahagi sa mga Judio dahil sa mga salitang ito. At marami sa kanila ang nagsasabi, “Mayroon siyang demonyo, at siya'y nauulol, bakit ninyo siya pinapakinggan?” Sinasabi naman ng iba, “Hindi ito ang mga salita ng isang may demonyo. Kaya ba ng demonyo na magbukas ng mga mata ng bulag?”