Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

JUAN 1:29-38

JUAN 1:29-38 ABTAG01

Kinabukasan, nakita ni Juan si Jesus na lumalapit sa kanya, at kanyang sinabi, “Narito ang Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan! Siya yaong aking sinasabi, ‘Kasunod ko'y dumarating ang isang lalaki na higit pa sa akin, sapagkat siya'y nauna sa akin. Hindi ko siya nakilala, dahil dito'y naparito ako na nagbabautismo sa tubig upang siya'y mahayag sa Israel.” Nagpatotoo si Juan, “Nakita ko ang Espiritu na bumababang tulad sa isang kalapati na buhat sa langit at dumapo sa kanya. Hindi ko siya nakilala subalit ang nagsugo sa akin upang magbautismo sa tubig ay nagsabi sa akin, ‘Ang nakita mong babaan ng Espiritu at manatili sa kanya, ay siya ang nagbabautismo sa Espiritu Santo.’ Aking nakita at pinatotohanan kong ito ang Anak ng Diyos.” Kinabukasan, muling naroon si Juan kasama ng dalawa sa kanyang mga alagad. At kanyang tiningnan si Jesus samantalang siya'y naglalakad at sinabi, “Narito ang Kordero ng Diyos!” Narinig siya ng dalawang alagad na nagsalita nito, at sila'y sumunod kay Jesus. Paglingon ni Jesus at nakita silang sumusunod ay sinabi niya sa kanila, “Ano ang inyong hinahanap?” At sinabi nila sa kanya, “Rabi (na kung isasalin ang kahulugan ay Guro), saan ka nakatira?”