Tungkol sa Edom.
Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo:
“Wala na bang karunungan sa Teman?
Naglaho na ba ang payo mula sa matalino?
Naparam na ba ang kanilang karunungan?
Tumakas kayo, bumalik kayo, manirahan kayo sa kalaliman,
O mga naninirahan sa Dedan!
Sapagkat dadalhin ko ang pagkasalanta ng Esau sa kanya,
sa panahon na parurusahan ko siya.
Kung ang mga nag-ani ng ubas ay dumating sa iyo,
hindi ba sila mag-iiwan ng mga napulot?
Kung mga magnanakaw ay dumating sa gabi,
hindi ba sisirain lamang nila ang sapat para sa kanilang sarili?
Ngunit aking hinubaran ang Esau,
aking inilitaw ang kanyang mga kublihan,
anupa't hindi niya maikukubli ang kanyang sarili.
Ang kanyang mga supling ay napuksa kasama ng kanyang mga kapatid,
at ng kanyang mga kapitbahay; at siya'y wala na rin.
Iwan mo ang iyong mga ulilang anak, pananatilihin ko silang buháy,
at hayaang magtiwala sa akin ang iyong mga babaing balo.”
Sapagkat ganito ang sabi ng PANGINOON: “Narito, silang hindi nahatulang uminom sa kopa ay tiyak na iinom, ikaw ba'y hahayong napawalang-sala? Ikaw ay hindi hahayong napawalang-sala, kundi tiyak na iinom ka.
Sapagkat ako'y sumumpa sa aking sarili, sabi ng PANGINOON, na ang Bosra ay magiging katatakutan, kakutyaan, guho, at sumpa; at ang lahat ng mga lunsod nito ay magiging wasak magpakailanman.”
Ako'y nakarinig ng balita mula sa PANGINOON,
at isang sugo ang ipinadala sa mga bansa:
“Kayo'y magtipun-tipon at pumaroon laban sa kanya,
at bumangon upang lumaban!”
Sapagkat, narito, ginawa kitang maliit sa gitna ng mga bansa,
at hamak sa gitna ng mga tao.
Tungkol sa iyong kakilabutan,
dinaya ka ng kapalaluan ng iyong puso,
ikaw na nakatira sa mga bitak ng bato,
na humahawak sa kataasan ng burol.
Bagaman pataasin mo ang iyong pugad na kasintaas ng sa agila,
ibababa kita mula roon, sabi ng PANGINOON.
“Ang Edom ay magiging katatakutan; bawat magdaraan doon ay mangingilabot at susutsot dahil sa lahat ng kapinsalaan nito.
Gaya ng pagbagsak ng Sodoma at Gomorra, at ng mga karatig-bayan ng mga ito, sabi ng PANGINOON, walang sinumang mananatili roon, walang anak ng tao na maninirahan doon.
Narito, gaya ng leon na umaahon sa gubat ng Jordan laban sa matibay na kulungan ng tupa, bigla ko silang patatakbuhing papalayo sa kanya; at hihirang ako ng mamamahala sa kanya ng sinumang aking piliin. Sapagkat sino ang gaya ko? Sinong magpapatawag sa akin? Sinong pastol ang tatayo sa harapan ko?
Kaya't inyong pakinggan ang panukalang ginawa ng PANGINOON laban sa Edom at ang mga layunin na kanyang binuo laban sa mga naninirahan sa Teman: Maging ang maliliit ng kawan ay kakaladkarin, tiyak na gagawin niyang wasak ang kanilang pastulan dahil sa kanila.
Ang lupa ay nayanig sa ingay ng kanilang pagbagsak. Mayroong sigaw! Ang ingay nito ay narinig sa Dagat na Pula.
Narito, siya'y aahon at mabilis na lilipad na gaya ng agila, at ibubuka ang kanyang mga pakpak laban sa Bosra, at ang puso ng mga mandirigma ng Edom sa araw na iyon ay magiging gaya ng puso ng babae sa kanyang panganganak.”
PANGINOON
Tungkol sa Damasco.
“Ang Hamat at ang Arpad ay napahiya,
sapagkat sila'y nakarinig ng masamang balita;
sila'y nanlulumo, may kabalisahan sa dagat
na hindi mapayapa.
Ang Damasco ay humina, siya'y tumalikod upang tumakas,
at sinaklot siya ng sindak;
hinawakan siya ng dalamhati at mga kalungkutan,
na gaya ng babaing manganganak.
Tunay na hindi pinabayaan ang lunsod ng kapurihan,
ang bayan ng aking kagalakan!
Kaya't ang kanyang mga binata ay mabubuwal sa kanyang mga lansangan,
at lahat ng kanyang kawal ay matatahimik sa araw na iyon, sabi ng PANGINOON ng mga hukbo.
At ako'y magpapaningas ng apoy sa pader ng Damasco,
at lalamunin niyon ang mga toreng tanggulan ni Ben-hadad.”
PANGINOON
Tungkol sa Kedar at sa mga kaharian ng Hazor na sinalakay ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia.
Ganito ang sabi ng PANGINOON:
“Bangon, sumampa kayo sa Kedar!
Lipulin ninyo ang mga anak ng silangan!
Ang kanilang mga tolda at mga kawan ay kanilang kukunin,
ang kanilang mga tabing at lahat nilang ari-arian;
ang kanilang mga kamelyo ay aagawin sa kanila,
at ang mga tao ay sisigaw sa kanila: ‘Kakilabutan sa bawat panig!’
Takbo, tumakas kayo! Manirahan kayo sa kalaliman,
O mamamayan ng Hazor, sabi ng PANGINOON:
Sapagkat si Nebukadnezar na hari ng Babilonia
ay nagpanukala laban sa inyo,
at nagpasiya laban sa inyo.
“Bangon, lusubin ninyo ang bansang tiwasay,
na naninirahang panatag, sabi ng PANGINOON;
na walang pintuan o mga halang man,
na naninirahang mag-isa.
At ang kanilang mga kamelyo ay sasamsamin,
ang kanilang maraming kawan ay tatangayin.
Aking pangangalatin sa bawat hangin
ang mga gumugupit sa mga sulok ng kanilang buhok
at dadalhin ko ang kanilang kapinsalaan
na mula sa bawat panig nila, sabi ng PANGINOON.
Ang Hazor ay magiging tirahan ng mga asong mailap,
walang-hanggang sira,
walang sinumang mananatili roon,
walang anak ng tao na maninirahan doon.”
PANGINOON
Ang salita ng PANGINOON na dumating kay propeta Jeremias tungkol sa Elam sa simula ng paghahari ni Zedekias na hari ng Juda, na sinasabi,
Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo: “Narito, aking babaliin ang pana ng Elam, ang pangunahin sa kanilang kapangyarihan;
at dadalhin ko sa Elam ang apat na hangin mula sa apat na sulok ng langit at ikakalat ko sila sa lahat ng mga hanging iyon. Walang bansang hindi mararating ng mga itinaboy mula sa Elam.
Aking tatakutin ang Elam sa harapan ng kanilang mga kaaway, at sa harapan ng mga nagtatangka sa kanilang buhay. Ako'y magdadala ng kasamaan sa kanila, ang aking mabangis na galit, sabi ng PANGINOON. Ipahahabol ko sila sa tabak, hanggang sa malipol ko sila.
Pagkatapos ay ilalagay ko ang aking trono sa Elam, at lilipulin ko ang kanilang hari at mga pinuno, sabi ng PANGINOON.
“Ngunit mangyayari sa mga huling araw ay ibabalik ko ang mga kayamanan ng Elam, sabi ng PANGINOON.”