Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

JEREMIAS 49:1-6

JEREMIAS 49:1-6 ABTAG01

Tungkol sa mga anak ni Ammon. Ganito ang sabi ng PANGINOON: “Wala bang mga anak na lalaki ang Israel? Wala ba siyang tagapagmana? Kung gayo'y bakit inagawan ni Malcam ang Gad, at ang kanyang taong-bayan ay nakatira sa mga bayan niyon? Kaya't, narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng PANGINOON, na aking iparirinig ang sigaw ng digmaan laban sa Rabba ng mga anak ni Ammon. Ito'y magiging isang bunton ng guho, at ang kanyang kabayanan ay susunugin ng apoy. Kung magkagayo'y aagawan ng Israel ang mga nang-agaw sa kanya, sabi ng PANGINOON. “Tumangis ka, O Hesbon, sapagkat nawasak ang Ai! Umiyak kayo, mga anak na babae ng Rabba! Kayo'y magbigkis ng damit-sako, kayo'y tumaghoy at tumakbong paroo't parito sa gitna ng mga tinikan! Sapagkat si Malcam ay patungo sa pagkabihag, kasama ang kanyang mga pari at mga pinuno. Bakit mo ipinagmamalaki ang iyong mga libis, ang iyong libis ay inaanod, ikaw na taksil na anak na babae na nagtitiwala sa kanyang mga kayamanan, na sinasabi, ‘Sinong darating laban sa akin?’ Narito, dadalhan kita ng takot, sabi ng Panginoong DIYOS ng mga hukbo, mula sa lahat ng nasa palibot mo; at kayo'y itataboy bawat isa sa harapan niya, at walang magtitipon sa mga takas. Ngunit pagkatapos ay panunumbalikin ko ang mga kayamanan ng mga anak ni Ammon, sabi ng PANGINOON.”