JEREMIAS 27
27
Nagsuot ng Pamatok si Jeremias
1Nang#2 Ha. 24:18-20; 2 Cro. 36:11-13 pasimula ng paghahari ni Zedekias#27:1 Sa ibang kasulatan ay Jehoiakim. na anak ni Josias, hari ng Juda, dumating ang salitang ito kay Jeremias mula sa Panginoon, na sinasabi,
2Ganito ang sabi ng Panginoon sa akin: “Gumawa ka para sa iyo ng mga panggapos at mga pamatok, at ilagay mo sa iyong batok.
3At magpasabi ka sa hari ng Edom, sa hari ng Moab, sa hari ng mga anak ni Ammon, sa hari ng Tiro, at sa hari ng Sidon, sa pamamagitan ng kamay ng mga sugo na nagtungo sa Jerusalem kay Zedekias na hari ng Juda.
4Ipagbilin mo para sa kanilang mga panginoon na sinasabi: ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Ganito ang inyong sasabihin sa inyong mga panginoon:
5“Ako ang gumawa ng lupa, pati ng tao at hayop na nasa ibabaw ng lupa, sa pamamagitan ng aking dakilang kapangyarihan at nakaunat na bisig; at ibinibigay ko ito sa kaninumang marapatin ko.
6Ngayon ay ibinigay ko ang lahat ng lupaing ito sa kamay ni Nebukadnezar, ang hari ng Babilonia, na aking lingkod, at ibinigay ko rin sa kanya ang mga hayop sa parang upang maglingkod sa kanya.
7Lahat ng mga bansa ay maglilingkod sa kanya, sa kanyang anak at sa kanyang apo, hanggang dumating ang panahon ng kanyang sariling lupain; at kung magkagayo'y gagawin siyang alipin ng maraming bansa at ng mga dakilang hari.
8At mangyayari na alinmang bansa o kaharian na hindi maglilingkod kay Nebukadnezar na hari ng Babilonia, at hindi maglalagay ng kanilang leeg sa ilalim ng pamatok ng hari ng Babilonia, parurusahan ko ang bansang iyon sa pamamagitan ng tabak, ng taggutom, at ng salot, sabi ng Panginoon, hanggang sa malipol ko sila sa pamamagitan ng kanyang kamay.
9Ngunit tungkol sa iyo, huwag kayong makinig sa inyong mga propeta, sa inyong mga manghuhula, sa inyong mga tagapanaginip, sa inyong mga salamangkero, o sa inyong mga manggagaway, na nagsasalita sa inyo, na sinasabi, ‘Hindi kayo maglilingkod sa hari ng Babilonia!’
10Sapagkat kasinungalingan ang kanilang propesiya sa inyo, upang ilayo kayo sa inyong lupain; at palalayasin ko kayo at kayo'y malilipol.
11Ngunit ang bansang maglalagay ng kanyang leeg sa ilalim ng pamatok ng hari ng Babilonia at maglilingkod sa kanya, ay hahayaan kong manatili sa kanyang sariling lupain, at kanilang bubungkalin iyon at maninirahan doon, sabi ng Panginoon.”’”
12Kay Zedekias na hari ng Juda ay nagsalita ako ng mga ganito ring salita, na sinasabi, “Ipailalim ninyo ang inyong mga leeg sa pamatok ng hari ng Babilonia, at inyong paglingkuran siya at ang kanyang sambayanan, at kayo'y mabubuhay.
13Bakit kayo mamamatay, ikaw at ang iyong bayan sa pamamagitan ng tabak, ng taggutom at ng salot, gaya ng sinabi ng Panginoon tungkol sa bansang hindi maglilingkod sa hari ng Babilonia?
14Kaya't huwag kayong makinig sa mga salita ng mga propeta na nagsasalita sa inyo, na sinasabi, ‘Hindi kayo maglilingkod sa hari ng Babilonia,’ sapagkat kasinungalingan ang propesiya nila sa inyo.
15Hindi ko sila sinugo, sabi ng Panginoon, kundi sila'y nagsasalita ng propesiya na may kasinungalingan sa aking pangalan upang palayasin ko kayo at kayo'y malipol, kayo at ang mga propeta na nagsasalita ng propesiya sa inyo.”
16Pagkatapos ay nagsalita ako sa mga pari at sa buong sambayanang ito, na nagsasabi, “Ganito ang sabi ng Panginoon: Huwag kayong makinig sa mga salita ng inyong mga propeta na nagsasalita ng propesiya sa inyo, na nagsasabi, ‘Narito, ang mga sisidlan ng bahay ng Panginoon ay malapit nang ibalik mula sa Babilonia,’ sapagkat kasinungalingan ang propesiya nila sa inyo.
17Huwag kayong makinig sa kanila. Maglingkod kayo sa hari ng Babilonia, at kayo'y mabubuhay. Bakit kailangang mawasak ang lunsod na ito?
18Kung sila'y mga propeta, at kung ang salita ng Panginoon ay nasa kanila, magsumamo sila ngayon sa Panginoon ng mga hukbo, upang ang mga sisidlan na naiwan sa bahay ng Panginoon, at sa bahay ng hari ng Juda, at sa Jerusalem ay huwag mapapunta sa Babilonia.
19Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo tungkol sa mga haligi, sa tangke ng tubig,#27:19 Sa Hebreo ay dagat. tungkol sa mga patungan, at sa iba pang mga kagamitan na naiwan sa lunsod na ito,
20na hindi tinangay ni Nebukadnezar, na hari ng Babilonia, nang kanyang dalhing bihag mula sa Jerusalem hanggang sa Babilonia si Jeconias na anak ni Jehoiakim na hari ng Juda, pati ang lahat ng maharlika ng Juda at Jerusalem—
21oo, ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel, tungkol sa mga kagamitang naiwan sa bahay ng Panginoon, sa bahay ng hari ng Juda, at sa Jerusalem:
22Ang mga iyon ay dadalhin sa Babilonia at mananatili roon hanggang sa araw na dalawin ko ang mga iyon, sabi ng Panginoon. Kung magkagayo'y ibabalik ko ang mga iyon at isasauli ko sa dakong ito.”
Kasalukuyang Napili:
JEREMIAS 27: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001