JEREMIAS 25
25
Ang Kaaway mula sa Hilaga
1Ang#2 Ha. 24:1; 2 Cro. 36:5-7; Dan. 1:1, 2 salita na dumating kay Jeremias tungkol sa buong sambayanan ng Juda, nang ikaapat na taon ni Jehoiakim na anak ni Josias, na hari ng Juda (iyon din ang unang taon ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia),
2na binigkas ni Jeremias na propeta sa buong sambayanan ng Juda, at sa lahat ng naninirahan sa Jerusalem, na sinasabi,
3“Sa loob ng dalawampu't tatlong taon, mula nang ikalabintatlong taon ni Josias, na anak ni Amon, na hari ng Juda, hanggang sa araw na ito, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, at ako'y matiyagang nagsalita sa inyo, ngunit hindi kayo nakinig.
4Hindi kayo nakinig ni ikiniling man ang inyong mga tainga upang makinig bagaman patuloy na sinugo ng Panginoon sa inyo ang lahat niyang mga lingkod na propeta,
5na nagsasabi, ‘Bawat isa sa inyo ay tumalikod mula sa kanyang masamang lakad at masasamang mga gawa, at kayo'y mananatili sa lupain na ibinigay ng Panginoon sa inyo at sa inyong mga ninuno, mula nang una at hanggang sa magpakailanman.
6Huwag kayong sumunod sa ibang mga diyos upang paglingkuran at sambahin sila, o galitin ako sa pamamagitan ng gawa ng inyong mga kamay. Kung gayo'y hindi ko kayo gagawan ng masama!’
7Gayunma'y hindi kayo nakinig sa akin, sabi ng Panginoon; kaya't ginalit ninyo ako sa pamamagitan ng gawa ng inyong mga kamay tungo sa inyong sariling kapahamakan.
8“Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Sapagkat hindi ninyo pinakinggan ang aking mga salita,
9tatawagin ko ang lahat ng mga lipi sa hilaga, at si Nebukadnezar na hari ng Babilonia, ang aking lingkod. Dadalhin ko sila laban sa lupaing ito at sa mga mamamayan nito, at laban sa lahat ng mga bansang ito sa palibot. Ganap ko silang lilipulin, at gagawin ko silang kasuklamsuklam, pagsisitsitan at isang walang hanggang kakutyaan,#25:9 o pagkawasak. sabi ng Panginoon.
10Bukod#Jer. 7:34; 16:9; Apoc. 18:22, 23 dito'y papawiin ko sa kanila ang tinig ng kasayahan at ang tinig ng katuwaan, ang tinig ng lalaking ikakasal at ang tinig ng babaing ikakasal, ang ingay ng mga batong gilingan, at ang liwanag ng ilawan.
11Ang#2 Cro. 36:21; Jer. 29:10; Dan. 9:2 buong lupaing ito ay magiging guho at katatakutan; at ang mga bansang ito ay maglilingkod sa hari ng Babilonia sa loob ng pitumpung taon.
12At pagkalipas ng pitumpung taon, parurusahan ko ang hari ng Babilonia at ang bansang iyon, ang lupain ng mga Caldeo, dahil sa kanilang kasamaan, sabi ng Panginoon, at gagawin ko iyong wasak magpakailanman.
13Dadalhin ko sa lupaing iyon ang lahat ng mga salitang aking binitiwan laban doon, ang lahat ng nakasulat sa aklat na ito na inihayag ni Jeremias laban sa lahat ng mga bansa.
14Sapagkat gagawin din silang mga alipin ng maraming bansa at mga dakilang hari, at gagantihan ko sila ayon sa kanilang mga gawa, at sa gawa ng kanilang mga kamay.”
Ang Saro ng Alak ng Kabagsikan ay Inihandog sa Lahat ng Bansa
15Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, sa akin, “Kunin mo sa aking kamay itong saro ng alak ng poot, at painumin mo ang lahat ng bansa na pinagsuguan ko sa iyo.
16Sila'y iinom at magpapagiray-giray, at mauulol dahil sa tabak na aking ibibigay sa kanila.”
17Kaya't kinuha ko ang saro mula sa kamay ng Panginoon, at pinainom ko ang lahat ng mga bansang pinagsuguan sa akin ng Panginoon:
18ang Jerusalem at ang mga bayan ng Juda, ang mga hari at mga pinuno nito, upang gawin silang giba, katatakutan, kakutyaan at sumpa gaya ng sa araw na ito;
19Si Faraon na hari ng Ehipto, ang kanyang mga lingkod, mga pinuno, at ang buong sambayanan niya;
20at ang lahat ng mga dayuhang kasama nila, ang lahat ng hari sa lupain ng Uz, at ang lahat ng hari sa lupain ng mga Filisteo, (Ascalon, Gaza, at ang Ekron, at ang nalabi sa Asdod);
21ang Edom, Moab, at ang mga anak ni Ammon;
22lahat ng mga hari ng Tiro, lahat ng mga hari ng Sidon, at ang mga hari sa baybayin sa kabila ng dagat;
23ang Dedan, Tema, Buz, at ang lahat ng nagpuputol ng mga sulok ng kanilang buhok;
24lahat ng mga hari ng Arabia at ang lahat ng mga hari ng halu-halong lipi na naninirahan sa disyerto;
25lahat ng mga hari ng Zimri, lahat ng mga hari ng Elam, lahat ng mga hari ng Media;
26lahat ng mga hari sa hilaga, malayo at malapit, na magkakasunod; at ang lahat ng mga kaharian sa daigdig, na nasa ibabaw ng lupa. Pagkatapos nila ang hari ng Sheshach#25:26 SHESHACH: Isang lihim na pangalan para sa Babilonia. ay iinom.
27“At iyong sasabihin sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Kayo'y uminom, magpakalasing, at magsuka. Mabuwal kayo at huwag nang bumangon pa, dahil sa tabak na aking ibibigay sa inyo.’
28“At kung ayaw nilang tanggapin ang saro sa iyong kamay upang inuman, sasabihin mo nga sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Kailangang uminom kayo!
29Sapagkat narito, ako'y nagsisimulang gumawa ng kasamaan sa lunsod na tinatawag sa aking pangalan, at kayo ba'y aalis na hindi mapaparusahan? Kayo'y tiyak na parurusahan sapagkat ako'y tumatawag ng tabak laban sa lahat ng naninirahan sa lupa, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.’
30“Kaya ikaw ay magsasalita ng mga salitang propesiyang ito laban sa kanilang lahat at sabihin mo sa kanila:
‘Ang Panginoon ay dadagundong mula sa itaas,
at ilalakas ang kanyang tinig mula sa kanyang banal na tahanan;
siya'y uungol nang malakas laban sa kanyang kawan;
siya'y sisigaw, gaya ng mga pumipisa ng ubas,
laban sa lahat ng naninirahan sa lupa.
31Ang ingay ay aabot hanggang sa mga dulo ng lupa;
sapagkat ang Panginoon ay may usapin laban sa mga bansa,
siya'y pumapasok sa paghatol kasama ng lahat ng laman.
Tungkol sa masasama, sila'y ibibigay niya sa tabak, sabi ng Panginoon.’
32“Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo:
Narito, ang kasamaan ay lumalaganap sa mga bansa
at isang malakas na bagyo ay namumuo
mula sa pinakamalayong bahagi ng daigdig!
33“At ang mapapatay ng Panginoon sa araw na iyon ay magiging mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo. Sila'y hindi tataghuyan, o titipunin, o ililibing man; sila'y magiging dumi sa ibabaw ng lupa.
34“Humagulhol kayo, mga pastol, at sumigaw;
at gumulong kayo sa abo, kayong mga panginoon ng kawan;
sapagkat ang mga araw ng pagkatay sa inyo at pangangalat ninyo ay dumating na,
at kayo'y babagsak na parang piling sisidlan.
35Walang daang matatakbuhan ang mga pastol,
o pagtakas man para sa mga panginoon ng kawan.
36Pakinggan ninyo ang sigaw ng mga pastol,
at ang hagulhol ng mga panginoon ng kawan!
Sapagkat sinisira ng Panginoon ang kanilang pastulan,
37at ang payapang mga kulungan ay nasasalanta
dahil sa mabangis na galit ng Panginoon.
38Gaya ng leon ay iniwan niya ang kanyang kublihan,
sapagkat ang kanilang lupain ay nasira
dahil sa tabak ng manlulupig,
at dahil sa kanyang mabangis na galit.”
Kasalukuyang Napili:
JEREMIAS 25: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001