Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

JEREMIAS 12

12
Tinanong ni Jeremias ang Panginoon
1Ikaw ay matuwid, O Panginoon,
kapag ako'y maghaharap ng paratang sa iyo;
gayunma'y hayaan mong ilahad ko ang aking panig sa harapan mo.
Bakit nagtatagumpay ang lakad ng masama?
Bakit lumalago ang lahat ng mga taksil?
2Itinatanim mo sila, oo, at sila'y nagkakaugat;
sila'y lumalaki, oo, at sila'y nagbubunga;
ikaw ay malapit sa kanilang bibig,
at malayo sa kanilang mga puso.
3Ngunit ikaw, O Panginoon, kilala mo ako;
nakikita mo ako, at sinusubok mo ang aking isipan tungkol sa iyo.
Hilahin mo silang gaya ng mga tupa para sa katayan,
at ihanda mo sila para sa araw ng pagkatay.
4Hanggang kailan tatangis ang lupain,
at matutuyo ang mga damo sa buong lupain?
Dahil sa kasamaan ng mga naninirahan doon,
ang mga hayop at ang mga ibon ay nawala,
sapagkat sinasabi ng mga tao, “Hindi niya makikita ang ating huling wakas.”
5Kung ikaw ay nakitakbo sa mga mananakbo, at kanilang pinagod ka,
paano ka makikipag-unahan sa mga kabayo?
At kung sa isang tiwasay na lupain ay nabubuwal ka,
paano ka na sa kagubatan ng Jordan?
6Sapagkat maging ang iyong mga kapatid at ang sambahayan ng iyong ama
ay nagtaksil sa iyo;
sila'y sumisigaw ng malakas sa hulihan mo;
huwag mo silang paniwalaan,
bagaman sila'y nagsasalita ng kaaya-ayang salita sa iyo.”
Ang Hatol ng Panginoon sa Juda at sa Kanyang mga Kaaway
7“Pinabayaan ko ang aking bahay,
tinalikuran ko ang aking mana;
ibinigay ko ang pinakamamahal ng aking kaluluwa
sa kamay ng kanyang mga kaaway.
8Ang aking mana para sa akin
ay naging parang leon sa gubat;
inilakas niya ang kanyang tinig laban sa akin,
kaya't kinamumuhian ko siya.
9Ang akin bang mana ay naging parang batik-batik na ibong mandaragit?
Laban ba sa kanya ang mga ibong mandaragit na nakapaligid sa kanya?
Humayo kayo, tipunin ninyo ang lahat ng mababangis na hayop,
dalhin ninyo sila upang sakmalin siya.
10Sinira ng maraming pastol ang aking ubasan,
kanilang niyurakan ang aking bahagi,
ginawa nilang ilang na wasak
ang aking kalugud-lugod na bahagi.
11Winasak nila ito, ito'y wasak,
ito'y tumatangis sa akin.
Ang buong lupain ay nawawasak,
gayunma'y walang taong nakakapansin nito.
12Ang mga manglilipol ay dumating sa lahat ng lantad na kaitaasan sa ilang;
sapagkat ang tabak ng Panginoon ay nananakmal
mula sa isang dulo ng lupain hanggang sa kabilang dulo ng lupain;
walang taong may kapayapaan.
13Sila'y naghasik ng trigo at nagsiani ng mga tinik;
pinagod nila ang kanilang mga sarili ngunit walang napalâ.
Ikahihiya nila ang inyong mga ani,
dahil sa mabangis na galit ng Panginoon.”
14Ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa lahat ng aking masasamang kapwa na gumalaw sa mana na aking ipinamana sa aking bayang Israel: “Narito, bubunutin ko sila sa kanilang lupain, at aking bubunutin ang sambahayan ng Juda mula sa kanila.
15At mangyayari, pagkatapos na aking mabunot sila, ako'y babalik at maaawa sa kanila; at muli ko silang ibabalik sa kani-kanilang mana at sa kani-kanilang lupain.
16At mangyayari, kung kanilang masikap na pag-aaralan ang mga lakad ng aking bayan, na sumumpa sa pamamagitan ng pangalan ko, ‘Habang buháy ang Panginoon;’ gaya ng kanilang itinuro sa bayan ko na pagsumpa sa pamamagitan ng pangalan ni Baal, ay maitatayo nga sila sa gitna ng aking bayan.
17Ngunit kung ang alinmang bansa ay hindi makikinig, kung gayo'y lubos ko itong bubunutin at lilipulin, sabi ng Panginoon.”

Kasalukuyang Napili:

JEREMIAS 12: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya