MGA HUKOM 8
8
Pinatahimik ni Gideon ang Efraimita
1Sinabi ng mga lalaki ng Efraim sa kanya, “Ano itong ginawa mo sa amin at hindi mo kami tinawag nang ikaw ay makipaglaban sa Midian?” At siya'y pinagsalitaan nila nang marahas.
2At sinabi niya sa kanila, “Ano ang aking ginawa kung ihahambing sa inyo? Di ba mas mainam ang pamumulot ng ubas ng Efraim kaysa pag-aani ng Abiezer?
3Ibinigay#Awit 83:11 ng Diyos sa inyong mga kamay ang mga prinsipe ng Midian, sina Oreb at Zeeb; ano ang aking magagawa kung ihahambing sa inyo?” Nang magkagayo'y humupa ang kanilang galit sa kanya nang kanyang masabi ito.
4Si Gideon ay dumating sa Jordan at siya'y tumawid. Siya at ang tatlong daang lalaki na kasama niya ay nanghihina na ngunit nagpapatuloy pa.
5Kaya't sinabi niya sa mga lalaki sa Sucot, “Humihiling ako sa inyong bigyan ninyo ng mga tinapay ang mga taong sumusunod sa akin; sapagkat sila'y nanghihina at aking tinutugis sina Zeba at Zalmuna na mga hari ng Midian.”
6Ngunit sinabi ng mga pinuno sa Sucot, “Nasa iyo na bang kamay ngayon ang mga kamay nina Zeba at Zalmuna, upang bigyan namin ng tinapay ang iyong hukbo?”
7At sinabi ni Gideon, “Kung gayon, kapag ibinigay na ng Panginoon sina Zeba at Zalmuna sa aking kamay, ay aking yuyurakan ang inyong laman sa mga tinik sa ilang at sa mga dawag.”
8Mula roon ay umahon siya sa Penuel, at gayundin ang sinabi niya sa kanila, at sinagot siya ng mga lalaki sa Penuel na gaya ng isinagot ng mga lalaki sa Sucot.
9At sinabi naman niya sa mga lalaki sa Penuel, “Kapag ako'y bumalik nang payapa ay aking ibabagsak ang toreng ito.”
10Noon sina Zeba at Zalmuna ay nasa Karkor, kasama ang kanilang mga hukbo na may labinlimang libong lalaki. Sila ang nalabi sa buong hukbo ng mga taga-silangan, sapagkat napatay na ang isandaan at dalawampung libong lalaki na humahawak ng tabak.
11Kaya't si Gideon ay umahon sa daan ng mga naninirahan sa mga tolda sa silangan ng Noba at Jogbeha, at sinalakay ang hukbo, sapagkat ang hukbo ay hindi nagbabantay.
12Sina Zeba at Zalmuna ay tumakas; at kanyang tinugis sila at kanyang nahuli ang dalawang hari ng Midian, na sina Zeba at Zalmuna, anupa't nagkagulo ang buong hukbo.
13Nang si Gideon na anak ni Joas ay bumalik mula sa pakikipaglaban sa pamamagitan ng daang-paakyat sa Heres,
14nahuli niya ang isang kabataang lalaking taga-Sucot at siya ay inusisa ni Gideon. Itinala niya sa mga pinuno at matatanda sa Sucot, pitumpu't pitong katao.
15Pagkatapos, pumunta siya sa mga lalaki sa Sucot, at sinabi, “Narito sina Zeba at Zalmuna. Tungkol sa kanila ay inyo akong tinuya, na inyong sinasabi, ‘Nasa iyo na bang kamay ngayon ang mga kamay nina Zeba at Zalmuna, upang bigyan namin ng tinapay ang iyong mga tauhang pagod?’”
16Kanyang kinuha ang matatanda sa bayan, at kumuha siya ng mga tinik mula sa ilang at ng mga dawag, at sa pamamagitan ng mga iyon ay kanyang tinuruan ang mga lalaki sa Sucot.
17Kanyang ibinagsak ang tore ng Penuel, at pinatay ang mga lalaki sa lunsod.
Sina Zeba at Zalmuna ay Nahuli at Pinatay
18Pagkatapos ay kanyang sinabi kina Zeba at Zalmuna, “Nasaan ang mga lalaking inyong pinatay sa Tabor?” Sila'y sumagot, “Kung ano ikaw ay gayon sila; bawat isa sa kanila; kahawig sila ng mga anak ng hari.”
19At kanyang sinabi, “Sila'y aking mga kapatid, mga anak na lalaki ng aking ina; buháy ang Panginoon, kung inyong iniligtas silang buháy, hindi ko sana kayo papatayin.”
20Kaya't sinabi niya kay Jeter na kanyang panganay, “Tumindig ka at patayin mo sila.” Ngunit ang binata ay hindi bumunot ng tabak, sapagkat siya'y natakot, dahil siya'y bata pa.
21Nang magkagayo'y sinabi nina Zeba at Zalmuna, “Tumindig ka, at sugurin mo kami, sapagkat kung ano ang lalaki ay gayon ang kanyang lakas.” Tumindig nga si Gideon at pinatay sina Zeba at Zalmuna, at kanyang kinuha ang mga hiyas na may hugis kalahating buwan na nasa mga leeg ng kanilang mga kamelyo.
22Pagkatapos ay sinabi ng mga lalaki ng Israel kay Gideon, “Mamuno ka sa amin, ikaw, ang iyong anak at ang iyong apo, sapagkat iniligtas mo kami sa kamay ng Midian.”
23Sinabi ni Gideon sa kanila, “Hindi ako mamumuno sa inyo, o mamumuno man ang aking anak sa inyo. Ang Panginoon ang mamumuno sa inyo.”
24Sinabi ni Gideon sa kanila, “Mayroon akong kahilingan sa inyo. Ibigay ng bawat isa sa inyo sa akin ang mga hikaw na kanyang samsam.” (Sapagkat sila'y may mga gintong hikaw, dahil sa sila'y mga Ismaelita.)
25At sumagot sila, “Ibibigay namin nang kusa ang mga ito.” Sila'y naglatag ng isang balabal, at inilagay roon ng bawat isa ang mga hikaw na kanyang samsam.
26Ang timbang ng mga gintong hikaw na kanyang hiniling ay isanlibo at pitong daang siklong ginto, bukod pa ang mga hiyas na may anyong kalahating buwan, at ang mga hikaw at ang mga damit na kulay-ube na suot ng mga hari ng Midian, at bukod pa ang mga tanikala na nasa leeg ng kanilang mga kamelyo.
27Ginawa ito ni Gideon na isang efod at inilagay sa kanyang lunsod, sa Ofra; at ang buong Israel ay naging babaing haliparot na sumusunod doon at ito'y naging bitag kay Gideon at sa kanyang sambahayan.
28Gayon napasuko ang Midian sa harap ng mga anak ni Israel, at hindi na nila nakaya pang lumaban.#8:28 Sa Hebreo ay hindi na nila itinaas pa ang kanilang ulo. At ang lupain ay nagpahinga ng apatnapung taon sa mga araw ni Gideon.
29Si Jerubaal na anak ni Joas ay humayo at nanirahan sa kanyang sariling bahay.
30Nagkaroon si Gideon ng pitumpung anak, mga sarili niyang binhi, sapagkat marami siyang asawa.
31Ang kanyang asawang-lingkod na nasa Shekem ay nagkaanak naman sa kanya ng isang lalaki, at kanyang tinawag ang pangalan niya na Abimelec.
32Si Gideon na anak ni Joas ay namatay na may katandaan at inilibing sa libingan ni Joas na kanyang ama, sa Ofra ng mga Abiezerita.
33Pagkamatay ni Gideon, ang mga anak ni Israel ay bumalik at sumamba sa mga Baal, at kanilang ginawang diyos nila ang Baal-berit.
34At hindi naalala ng mga anak ni Israel ang Panginoon nilang Diyos na nagligtas sa kanila sa kamay ng lahat nilang mga kaaway sa buong palibot.
35Hindi sila nagpakita ng kabutihan sa sambahayan ni Jerubaal, samakatuwid ay si Gideon, bilang ganti sa lahat ng kabutihan na kanyang ipinakita sa Israel.
Kasalukuyang Napili:
MGA HUKOM 8: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001