Pagkatapos, si Jerubaal, samakatuwid ay si Gideon, at ang lahat ng mga taong kasama niya ay maagang bumangon, at nagkampo sa tabi ng bukal ng Harod. Ang kampo ng Midian ay nasa dakong hilaga nila, sa may burol ng More, sa libis.
Sinabi ng PANGINOON kay Gideon, “Ang mga taong kasama mo ay lubhang napakarami upang aking ibigay ang mga Midianita sa kanilang kamay. Baka ang Israel ay magmalaki laban sa akin, na sinasabi, ‘Ang sarili kong kamay ang nagligtas sa akin.’
Kaya't ngayo'y ipahayag mo sa pandinig ng mga tao, ‘Sinumang matatakutin at nanginginig ay umuwi na sa bahay.’” At sinubok sila ni Gideon, umuwi ang dalawampu't dalawang libo, at naiwan ang sampung libo.
Sinabi ng PANGINOON kay Gideon, “Napakarami pa rin ng tao, dalhin mo sila sa tubig at doo'y aking susubukin sila para sa iyo. Sinumang aking sabihin sa iyo, ‘Ang taong ito ay sasama sa iyo;’ iyon ang sasama sa iyo; at ang sinumang sabihin ko sa iyo, ‘Ang taong ito ay hindi sasama sa iyo,’ iyon ay hindi sasama sa iyo.”
Kaya't kanyang dinala ang mga tao sa tubig; at sinabi ng PANGINOON kay Gideon, “Bawat uminom ng tubig sa pamamagitan ng kanyang dila, gaya ng pag-inom ng aso, ay iyong ihihiwalay; gayundin ang bawat lumuhod upang uminom.”
Ang bilang ng mga uminom, na inilagay ang kanilang kamay sa kanilang bibig, ay tatlong daang lalaki; ngunit ang lahat ng nalabi sa mga tao ay lumuhod upang uminom ng tubig.
At sinabi ng PANGINOON kay Gideon, “Sa pamamagitan ng tatlong daang lalaking uminom ay ililigtas ko kayo, at ibibigay ko ang mga Midianita sa iyong kamay; at ang iba ay pauwiin mo na sa kanya-kanyang bahay.”
Kaya't kumuha ang mga tao ng mga pagkain at ng kanilang mga trumpeta at kanyang sinugo ang lahat ng mga lalaki sa Israel sa kanya-kanyang tolda, ngunit itinira ang tatlong daang lalaki. Ang kampo ng Midian ay nasa ibaba niya sa libis.
Nang gabing iyon ay sinabi ng PANGINOON sa kanya, “Bumangon ka, lusungin mo ang kampo, sapagkat aking ibinigay na ito sa iyong kamay.
Ngunit kung natatakot kang lumusong, lumusong ka sa kampo na kasama si Pura na iyong lingkod.
Iyong maririnig kung ano ang kanilang sinasabi, at pagkatapos ang iyong mga kamay ay palalakasin upang masalakay mo ang kampo.” Nang magkagayo'y lumusong siyang kasama si Pura na kanyang lingkod sa himpilan ng mga lalaking may sandata na nasa kampo.
Ang mga Midianita at ang mga Amalekita at ang lahat ng mga taga-silangan ay nakakalat sa libis na parang balang sa dami; at ang kanilang mga kamelyo ay di mabilang na gaya ng buhangin sa tabi ng dagat.
Nang dumating si Gideon, may isang lalaki na nagsasalaysay ng isang panaginip sa kanyang kasama, at kanyang sinabi, “Nagkaroon ako ng isang panaginip. May isang munting tinapay na sebada na gumulong patungo sa kampo ng Midian at umabot sa tolda. Tinamaan ang tolda at iyon ay bumagsak, bumaliktad, at ito'y nawasak.”
At sumagot ang kanyang kasama, “Ito'y wala nang iba kundi ang tabak ni Gideon, na anak ni Joas. Siya'y isang lalaking Israelita at sa kanyang kamay ibinigay ng Diyos ang Midian at ang buong hukbo.”
Nang marinig ni Gideon ang salaysay tungkol sa panaginip, at ang kahulugan niyon, siya'y bumalik sa kampo ng Israel, at sinabi, “Tumindig kayo! Ibinigay na ng PANGINOON sa inyong kamay ang hukbo ng Midian.”
Hinati niya ang tatlong daang lalaki sa tatlong pulutong, at kanyang nilagyan ang mga kamay nilang lahat ng mga trumpeta, at mga bangang walang laman at mga sulo sa loob ng mga banga.
At kanyang sinabi sa kanila, “Masdan ninyo ako, at gayundin ang inyong gawin. Pagdating ko sa may hangganan ng kampo, ay gawin ninyo kung ano ang aking gagawin.
Kapag hinipan ko at ng lahat ng kasama ko ang trumpeta, ang mga trumpeta sa lahat ng panig ng kampo ay hihipan din, at isigaw ninyo, ‘Para sa PANGINOON at para kay Gideon.’”
Kaya't si Gideon at ang isandaang lalaking kasama niya ay nakarating sa mga hangganan ng kampo sa pasimula ng pagbabantay sa hatinggabi nang halos kahahalili pa lamang ng bantay. Kanilang hinipan ang mga trumpeta at binasag ang mga banga na nasa kanilang mga kamay.
Hinipan ng tatlong pulutong ang mga trumpeta at binasag ang mga banga, na hawak ang mga sulo sa kanilang kaliwang kamay, at ang mga trumpeta sa kanilang kanang kamay na kanilang hinihipan, at sila'y nagsigawan, “Ang tabak para sa PANGINOON at kay Gideon!”
Bawat isa ay nakatayo sa kanya-kanyang lugar sa palibot ng kampo, at ang buong hukbo ay nagtakbuhan; sila'y sumigaw at tumakas.
Nang kanilang hipan ang tatlong daang trumpeta, pinapaglaban ng PANGINOON ang mga kaaway laban sa isa't-isa, at laban sa buong hukbo; at tumakas ang hukbo hanggang sa Bet-sita sa dakong Zerera, hanggang sa hangganan ng Abel-mehola, sa tabi ng Tabat.
At ang hukbo ng Israel ay tinipon mula sa Neftali, sa Aser, at sa buong Manases, at kanilang hinabol ang Midian.
Nagpadala si Gideon ng mga sugo sa lahat ng lupaing maburol ng Efraim, na sinasabi, “Lusungin ninyo ang Midian, at abangan ninyo sila sa tubig, hanggang sa Bet-bara, at gayundin ang Jordan.” Sa gayo'y ang lahat ng mga lalaki ng Efraim ay tinipon, at inagapan ang tubig hanggang sa Bet-bara, at ang Jordan.
Kanilang hinuli ang dalawang prinsipe ng Midian, sina Oreb at Zeeb. Sa kanilang pagtugis sa Midian, pinatay nila si Oreb sa bato ni Oreb at si Zeeb sa pisaan ng ubas ni Zeeb. Kanilang dinala ang mga ulo nina Oreb at Zeeb kay Gideon sa kabila ng Jordan.