Nang dumaing sa PANGINOON ang mga anak ni Israel dahil sa Midian,
nagsugo ang PANGINOON ng isang propeta sa mga anak ni Israel, at kanyang sinabi sa kanila, “Ganito ang sabi ng PANGINOON, ang Diyos ng Israel: Kayo'y aking pinangunahan mula sa Ehipto, at inilabas ko kayo sa bahay ng pagkaalipin.
Iniligtas ko kayo sa kamay ng mga Ehipcio, at sa kamay ng lahat ng mga nagpapahirap sa inyo, at aking pinalayas sila sa harap ninyo, at ibinigay ko sa inyo ang kanilang lupain.
At sinabi ko sa inyo, ‘Ako ang PANGINOON ninyong Diyos; huwag kayong magbibigay-galang sa mga diyos ng mga Amoreo, na ang kanilang lupain ay inyong tinatahanan.’ Ngunit hindi ninyo dininig ang aking tinig.”
PANGINOON
Ang anghel ng PANGINOON ay dumating at umupo sa ilalim ng ensina na nasa Ofra, na pag-aari ni Joas na Abiezerita, habang ang kanyang anak na si Gideon ay gumigiik ng trigo sa ubasan, upang itago ito sa mga Midianita.
Nagpakita ang anghel ng PANGINOON sa kanya, at sinabi sa kanya, “Ang PANGINOON ay sumasaiyo, ikaw na magiting na mandirigma.”
Sinabi ni Gideon sa kanya, “Subalit ginoo, kung ang PANGINOON ay kasama namin, bakit ang lahat ng ito ay sumapit sa amin? Nasaan ang lahat ng kanyang kamangha-manghang gawa na isinaysay sa amin ng aming mga ninuno, na sinasabi, ‘Hindi ba tayo iniahon ng PANGINOON mula sa Ehipto?’ Ngunit ngayo'y itinakuwil kami ng PANGINOON at ibinigay kami sa kamay ng Midian.”
At bumaling sa kanya ang PANGINOON, at sinabi, “Humayo ka sa kalakasan mong ito, at iligtas mo ang Israel sa kamay ng Midian. Hindi ba kita isinusugo?”
Sinabi niya sa kanya, “Ngunit ginoo, paano ko maililigtas ang Israel? Ang aking angkan ang pinakamahina sa Manases, at ako ang pinakahamak sa sambahayan ng aking ama.”
Sinabi ng PANGINOON sa kanya, “Subalit ako'y makakasama mo at iyong ibubuwal ang mga Midianita, bawat isa sa kanila.”