Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA HUKOM 3

3
Ang mga Bansang Iniwan ng Panginoon upang Subukin ang Israel
1Ito ang mga bansang iniwan ng Panginoon upang subukin ang mga Israelita na walang karanasan sa pakikipaglaban sa Canaan;
2Iyon ay upang malaman ng mga salinlahi ng mga anak ni Israel ang pakikipaglabanan, upang turuan sa pakikipaglaban ang mga hindi nakaranas nito noong una.
3Ang nabanggit ay ang limang pinuno ng mga Filisteo at ang lahat ng mga Cananeo, mga Sidonio, at mga Heveo na naninirahan sa bundok ng Lebanon, mula sa bundok ng Baal-hermon hanggang sa pasukan ng Hamat.
4Ang mga ito ay upang subukin ang Israel sa pamamagitan nila, at malaman kung kanilang papakinggan ang mga utos ng Panginoon, na kanyang iniutos sa kanilang mga magulang sa pamamagitan ni Moises.
5Kaya't ang mga anak ni Israel ay nanirahang kasama ng mga Cananeo, mga Heteo, mga Amoreo, mga Perezeo, mga Heveo, at mga Jebuseo.
6Kinuha nila ang kanilang mga anak na babae upang maging mga asawa nila, at ibinigay ang kanilang sariling mga anak na babae sa kanilang mga anak na lalaki, at naglingkod sa kanilang mga diyos.
Si Otniel ang Siyang Naging Hukom
7Ginawa ng mga anak ni Israel ang masama sa paningin ng Panginoon, at nilimot ang Panginoon nilang Diyos, at naglingkod sa mga Baal at sa mga Ashera.
8Kaya't ang galit ng Panginoon ay nagningas laban sa Israel, at kanyang ipinagbili sila sa kamay ni Cushan-risataim, na hari sa Mesopotamia; at ang mga anak ni Israel ay naglingkod kay Cushan-risataim ng walong taon.
9Ngunit nang dumaing sa Panginoon ang mga anak ni Israel, ang Panginoon ay nagbangon ng isang tagapagligtas sa mga anak ni Israel, na siyang nagligtas sa kanila, samakatuwid ay si Otniel na anak ni Kenaz, na nakababatang kapatid ni Caleb.
10Ang Espiritu ng Panginoon ay sumakanya, at siya'y naging hukom sa Israel. Siya'y lumabas sa pakikipaglaban, at ibinigay ng Panginoon sa kanyang kamay si Cushan-risataim na hari sa Mesopotamia at ang kanyang kamay ay nanaig laban kay Cushan-risataim.
11Kaya't nagpahinga ang lupain ng apatnapung taon. At si Otniel na anak ni Kenaz ay namatay.
12Muling gumawa ng masama ang mga anak ni Israel sa paningin ng Panginoon. Pinatatag ng Panginoon si Eglon na hari sa Moab laban sa Israel, sapagkat kanilang ginawa ang masama sa paningin ng Panginoon.
13Kanyang tinipon ang mga anak ni Ammon at ni Amalek at siya'y humayo at tinalo niya ang Israel, at kanilang inangkin ang lunsod ng mga puno ng palma.
14Ang mga anak ni Israel ay naglingkod kay Eglon na hari ng Moab ng labingwalong taon.
Naging Hukom si Ehud
15Ngunit nang dumaing ang mga anak ni Israel sa Panginoon, humirang para sa kanila ang Panginoon ng isang tagapagligtas, si Ehud na anak ni Gera, ang Benjaminita, na isang lalaking kaliwete. At ang mga anak ni Israel ay nagpadala ng buwis sa pamamagitan niya kay Eglon na hari ng Moab.
16Si Ehud ay gumawa ng isang tabak na may dalawang talim, na may isang siko ang haba; at kanyang ibinigkis sa loob ng kanyang suot, sa kanyang dakong kanang hita.
17Kanyang inihandog ang buwis kay Eglon na hari ng Moab; at si Eglon ay lalaking napakataba.
18Pagkatapos makapaghandog ng buwis, pinaalis niya ang mga taong nagdala ng kaloob.
19Ngunit siya ay bumalik mula sa tibagan ng bato na malapit sa Gilgal, at nagsabi, “Ako'y may isang lihim na mensahe sa iyo, O hari.” At kanyang sinabi, “Tumahimik ka.” At ang lahat ng kanyang tagapaglingkod ay umalis sa kanyang harapan.
20Si Ehud ay lumapit sa kanya habang siya'y nakaupong mag-isa sa kanyang malamig na silid sa itaas. Sinabi ni Ehud, “Ako'y may dalang mensahe sa iyo na mula sa Diyos.” Siya'y tumindig sa kanyang upuan.
21At inabot ni Ehud ng kanyang kaliwang kamay ang tabak mula sa kanyang kanang hita, at isinaksak sa tiyan ni Eglon.
22Pati ang puluhan ay sumuot na kasunod ng talim, at natikom ang taba sa tabak, sapagkat hindi niya binunot ang tabak sa kanyang tiyan; at lumabas ang dumi.
23Nang magkagayo'y lumabas si Ehud sa pintuan, at pinagsarhan niya ng mga pintuan ang silid sa itaas at ikinandado ang mga ito.
24Nang makalabas siya ay dumating ang kanyang mga katulong. Kanilang nakita na ang mga pintuan ng silid sa itaas ay nakakandado; at kanilang sinabi, “Maaaring siya ay dumudumi#3:24 Sa Hebreo ay kanyang tinatakpan ang kanyang mga paa. sa malamig na silid.”
25Sila'y naghintay hanggang sa sila'y mag-alala. Nang hindi pa niya buksan ang mga pintuan ng silid sa itaas, sila'y kumuha ng susi at binuksan ang mga ito. Nakita nilang ang kanilang panginoon ay patay na nakabulagta sa sahig.
26Tumakas si Ehud samantalang sila'y naghihintay, at siya'y dumaan sa dako roon ng tibagan ng bato at tumakas hanggang sa Seira.
27Pagdating niya ay kanyang hinipan ang trumpeta sa lupaing maburol ng Efraim, at ang mga anak ni Israel ay lumusong na kasama niya mula sa lupaing maburol, at siya'y nasa unahan nila.
28Kanyang sinabi sa kanila, “Sumunod kayo sa akin; sapagkat ibinigay ng Panginoon ang inyong mga kaaway na mga Moabita sa inyong kamay.” At sila'y lumusong na kasunod niya, sinakop ang mga tawiran sa Jordan laban sa mga Moabita, at hindi nila pinayagang tumawid doon ang sinumang tao.
29Ang kanilang napatay nang panahong iyon ay may sampung libo sa mga Moabita, lahat ng malalakas, matitipuno ang katawan; at doo'y walang nakatakas na lalaki.
30Gayon nalupig ang Moab nang araw na iyon, sa ilalim ng kamay ng Israel. At ang lupain ay nagpahinga ng walumpung taon.
Tinalo ni Shamgar ang mga Filisteo
31Kasunod niya'y dumating si Shamgar, na anak ni Anat, na nakapatay ng animnaraang Filisteo sa pamamagitan ng panundot sa baka; at kanya ring iniligtas ang Israel.

Kasalukuyang Napili:

MGA HUKOM 3: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in