Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA HUKOM 16:23-30

MGA HUKOM 16:23-30 ABTAG01

Nagtitipon noon ang mga pinuno ng mga Filisteo upang maghandog ng isang dakilang alay kay Dagon na kanilang diyos at upang magsaya, sapagkat kanilang sinabi, “Ibinigay ng ating diyos sa ating kamay si Samson na ating kaaway.” Nang makita siya ng taong-bayan, pinuri nila ang kanilang diyos, sapagkat kanilang sinabi, “Ibinigay ng ating diyos sa atin ang ating kaaway, ang tagawasak sa ating lupain, na pumatay ng marami sa atin.” At nangyari, nang natutuwa na ang kanilang puso, ay kanilang sinabi, “Tawagin si Samson, upang siya'y ating mapaglaruan.” At tinawag nga si Samson mula sa bilangguan; at siya'y pinaglaruan nila. Siya'y kanilang inilagay sa pagitan ng mga haligi. Sinabi ni Samson sa batang lalaki na umaakay sa kanya sa kamay, “Ipahawak mo sa akin ang mga haliging kinasasaligan ng bahay upang aking mahiligan.” Noon ang bahay nga ay puno ng mga lalaki at babae, at ang lahat ng mga pinuno ng mga Filisteo ay naroon. Sa bubungan ay may tatlong libong lalaki at babae na nanonood samantalang pinagkakatuwaan si Samson. Pagkatapos ay tumawag si Samson sa PANGINOON, at sinabi, “O Panginoong DIYOS, idinadalangin ko sa iyo na alalahanin mo ako, at idinadalangin ko sa iyong palakasin mo ako, na minsan na lamang, O Diyos, upang maipaghiganti kong minsan sa mga Filisteo ang aking dalawang mata.” Si Samson ay humawak sa dalawang gitnang haligi na kinasasaligan ng bahay, at inihilig ang kanyang mga bigat sa mga iyon, ang kanyang kanang kamay sa isa, at ang kanyang kaliwa sa kabila. Sinabi ni Samson, “Hayaan mo akong mamatay na kasama ng mga Filisteo.” Ibinuhos niya ang kanyang buong lakas, at ang bahay ay bumagsak sa mga pinuno at sa lahat ng mga taong nasa loob. Sa gayo'y ang mga namatay na kanyang pinatay sa kanyang kamatayan ay higit kaysa pinatay niya noong siya'y buháy pa.

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya