MGA HUKOM 14
14
Si Samson ay Nag-asawa ng Babaing Filisteo
1Lumusong si Samson sa Timna, at sa Timna ay nakita niya ang isa sa mga anak na babae ng mga Filisteo.
2At siya'y umahon at sinabi sa kanyang ama at ina, “Nakita ko ang isa sa mga anak na babae ng mga Filisteo sa Timna. Kunin ninyo siya ngayon upang mapangasawa ko.”
3Ngunit sinabi sa kanya ng kanyang ama at ina, “Wala na bang babae sa mga anak ng iyong kapatid, o sa ating buong bayan, na ikaw ay hahayo upang kumuha ng asawa mula sa mga di-tuling Filisteo?” At sinabi ni Samson sa kanyang ama, “Kunin ninyo siya para sa akin, sapagkat siya'y kaakit-akit sa akin.”
4Ngunit hindi alam ng kanyang ama at ng kanyang ina, na iyon ay mula sa Panginoon; sapagkat siya'y humahanap ng pagkakataon laban sa mga Filisteo. Nang panahong iyon ay nangingibabaw ang mga Filisteo sa mga Israelita.
Si Samson ay Pumatay ng Leon
5Pagkatapos si Samson at ang kanyang ama at ina ay lumusong sa Timna. Nang siya'y dumating sa mga ubasan ng Timna, may isang batang leon na umuungal laban sa kanya.
6Ang Espiritu ng Panginoon ay makapangyarihang lumukob sa kanya, at niluray niya ng kanyang kamay lamang ang leon na parang lumuluray ng isang batang kambing. Ngunit hindi niya sinabi sa kanyang ama o sa kanyang ina kung ano ang kanyang ginawa.
7Pagkatapos siya'y lumusong at nakipag-usap sa babae, at siya'y lubhang nakakalugod kay Samson.
8Pagkaraan ng ilang panahon ay bumalik siya upang pakasalan ang babae, at siya'y lumiko upang tingnan ang bangkay ng leon. May isang kawan ng pukyutan at may pulot sa loob ng katawan ng leon.
9Dinukot niya ito ng kanyang kamay at humayo na kumakain habang siya'y lumalakad. Siya'y pumunta sa kanyang ama at ina, at sila'y binigyan niya nito, at sila'y kumain nito. Ngunit hindi niya sinabi sa kanila na kanyang kinuha ang pulot sa bangkay ng leon.
Ang Bugtong ni Samson sa Kasalan
10Pinuntahan ng kanyang ama ang babae, at gumawa si Samson ng isang handaan doon gaya nang nakaugaliang gawin ng mga binata.
11Nang makita ng mga tao si Samson, sila'y nagdala ng tatlumpung kasama upang maging kasama niya.
12At sinabi ni Samson sa kanila, “Bubugtungan ko kayo ngayon. Kung masasagot at mahuhulaan ninyo sa akin sa loob ng pitong araw ng handaan, at inyong mahulaan, bibigyan ko kayo ng tatlumpung kasuotang lino at tatlumpung magarang bihisan.
13Ngunit kung hindi ninyo masasagot sa akin, ay bibigyan ninyo ako ng tatlumpung kasuotang lino at tatlumpung magarang bihisan.” At kanilang sinabi sa kanya, “Sabihin mo ang iyong bugtong upang aming marinig.”
14At sinabi niya sa kanila,
“Mula sa mangangain ay may lumabas na pagkain,
mula sa malakas ay may lumabas na matamis.”
Ngunit hindi nila masagot ang bugtong sa loob ng tatlong araw.
15Nang ikapitong araw ay kanilang sinabi sa asawa ni Samson, “Hikayatin mo ang iyong asawa, upang sabihin niya sa amin ang bugtong. Kapag hindi ay susunugin ka namin at ang bahay ng iyong ama. Inanyayahan ba ninyo kami upang papaghirapin?”
16At umiyak ang asawa ni Samson sa harapan niya, at nagsabi, “Kinapopootan mo lamang ako, at hindi mo ako iniibig. Nagbigay ka ng isang bugtong sa aking mga kababayan, at hindi mo sinabi sa akin kung ano iyon.” At sinabi niya sa kanya, “Hindi ko nga sinabi sa aking ama, o sa aking ina, sa iyo ko pa kaya sasabihin?”
17Umiyak siya sa harap niya ng pitong araw, habang hindi natatapos ang kanilang kasayahan. Nang ikapitong araw ay sinabi niya sa kanya, sapagkat kanyang pinilit siya. Pagkatapos ay sinabi ng babae ang sagot sa bugtong sa kanyang mga kababayan.
18Nang ikapitong araw, bago lumubog ang araw, sinabi ng mga lalaki ng lunsod kay Samson,
“Ano kaya ang lalong matamis kaysa pulot?
Ano pa kaya ang lalong malakas kaysa leon?”
At sinabi niya sa kanila,
“Kung hindi kayo nag-araro sa pamamagitan ng aking dumalagang baka,
hindi sana ninyo nasagot ang aking bugtong.”
19At ang Espiritu ng Panginoon ay makapangyarihang lumukob sa kanya at siya'y lumusong sa Ascalon. Pumatay siya ng tatlumpung lalaki sa kanila, at kinuha ang kanilang samsam, at ibinigay ang magagarang bihisan sa mga nakapagpaliwanag ng bugtong. Ang kanyang galit ay nagningas, at siya'y umahon sa bahay ng kanyang ama.
20Ngunit ang asawa ni Samson ay ibinigay sa kanyang kasamahan, na kanyang naging pangunahing abay.
Kasalukuyang Napili:
MGA HUKOM 14: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001