Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA HUKOM 11:11-40

MGA HUKOM 11:11-40 ABTAG01

Kaya't si Jefta ay umalis na kasama ng matatanda sa Gilead, at ginawa nila siyang pinuno at sinabi ni Jefta sa Mizpa ang lahat ng kanyang salita sa harap ng PANGINOON. At nagpadala si Jefta ng mga sugo sa hari ng mga anak ni Ammon, na nagsasabi, “Anong mayroon ka laban sa akin, na ikaw ay naparito sa akin upang lumaban sa aking lupain?” Sinagot ng hari ng mga anak ni Ammon ang mga sugo ni Jefta, “Sapagkat sinakop ng Israel ang aking lupain nang siya'y umahon galing sa Ehipto, mula sa Arnon hanggang sa Jaboc, at hanggang sa Jordan. Kaya't ngayo'y isauli mo nang payapa ang mga lupaing iyon.” Muling nagpadala si Jefta ng mga sugo sa hari ng mga anak ni Ammon. At kanyang sinabi sa kanya, “Ganito ang sabi ni Jefta, Hindi inagaw ng Israel ang lupain ng Moab, o ang lupain ng mga anak ni Ammon; kundi nang sila'y umahon mula sa Ehipto, ang Israel ay naglakad sa ilang hanggang sa Dagat na Pula, at dumating sa Kadesh, Nagpadala noon ang Israel ng mga sugo sa hari sa Edom, na nagsasabi, ‘Ipinapakiusap ko sa iyong paraanin mo ako sa iyong lupain,’ ngunit hindi ito pinakinggan ng hari ng Edom. Nagsugo siya sa hari ng Moab. Ngunit tumanggi siya at ang Israel ay tumahan sa Kadesh. Nang magkagayo'y naglakad sila sa ilang at lumigid sa lupain ng Edom at Moab. Dumaan sila sa dakong silangan ng lupain ng Moab, at sila'y humantong sa kabilang dako ng Arnon, ngunit hindi sila pumasok sa hangganan ng Moab sapagkat ang Arnon ay siyang hangganan ng Moab. Nagpadala noon ang Israel ng mga sugo kay Sihon na hari ng mga Amoreo, na hari sa Hesbon; at sinabi ng Israel sa kanya, ‘Ipinapakiusap namin sa iyo na paraanin mo kami sa iyong lupain hanggang sa aming dakong patutunguhan.’ Ngunit si Sihon ay hindi nagtiwala na paraanin ang Israel sa kanyang nasasakupan, kaya't pinisan ni Sihon ang kanyang buong bayan, at nagkampo sa Jahaz, at lumaban sa Israel. At ibinigay ng PANGINOON, ng Diyos ng Israel si Sihon at ang kanyang buong bayan sa kamay ng Israel, at kanilang tinalo sila. Sa gayo'y inangkin ng Israel ang buong lupain ng mga Amoreo na nanirahan sa lupaing iyon. Kanilang inangkin ang buong nasasakupan ng mga Amoreo, mula sa Arnon hanggang sa Jaboc, at mula sa ilang hanggang sa Jordan. Kaya ngayon ang ari-arian ng mga Amoreo sa harap ng bayang Israel ay inalis ng PANGINOON, ang Diyos ng Israel, at iyo bang aariin ang mga iyan? Hindi mo ba aangkinin upang maging sa iyo ang ibinigay sa iyo ni Cemos na iyong diyos? Kaya sinumang inalisan ng PANGINOON naming Diyos ng ari-arian sa harap namin ay aming aangkinin. At ngayo'y mas magaling ka pa ba sa anumang paraan kay Balak na anak ni Zipor, na hari sa Moab? Siya ba'y nakipagdigma kailanman sa Israel o lumaban kaya sa kanila? Samantalang ang Israel ay naninirahan ng tatlong daang taon sa Hesbon at sa mga nayon nito, sa Aroer at sa mga nayon nito, at sa lahat ng mga bayang nasa pampang ng Arnon, bakit hindi ninyo binawi ang mga iyon sa loob ng panahong iyon? Hindi ako ang nagkasala laban sa iyo, kundi ikaw ang gumagawa ng masama sa pamamagitan ng pakikidigma mo sa akin. Ang PANGINOON, na siyang Hukom ang hahatol sa araw na ito sa mga anak ni Israel at sa mga anak ni Ammon.” Ngunit hindi dininig ng hari ng mga Ammonita ang mga salita ni Jefta na ipinaabot sa kanya. Pagkatapos ang Espiritu ng PANGINOON ay dumating kay Jefta, at siya'y nagdaan sa Gilead at Manases, at nagdaan sa Mizpa ng Gilead, at mula sa Mizpa ng Gilead ay nagdaan siya sa mga Ammonita. At nagbitaw si Jefta ng isang panata sa PANGINOON, at nagsabi, “Kung iyong ibibigay ang mga Ammonita sa aking kamay, ay mangyayari na sinumang lumabas sa mga pintuan ng aking bahay upang sumalubong sa akin, sa aking pagbalik na mapayapa galing sa mga anak ni Ammon ay magiging sa PANGINOON, at iaalay ko iyon bilang handog na sinusunog.” Sa gayo'y tinawid ni Jefta ang mga anak ni Ammon upang lumaban sa kanila; at sila'y ibinigay ng PANGINOON sa kanyang kamay. Sila'y pinagpapatay niya mula sa Aroer hanggang sa Minit, na may dalawampung lunsod, at hanggang sa Abel-keramim. Sa gayo'y nagapi ang mga anak ni Ammon sa harap ng mga anak ni Israel. Pagkatapos si Jefta ay umuwi sa kanyang bahay sa Mizpa. Ang kanyang anak na babae ay lumabas upang salubungin siya ng alpa at ng sayaw. Siya ang kanyang kaisa-isang anak at liban sa kanya'y wala na siyang anak na lalaki o babae man. Pagkakita niya sa kanya, kanyang pinunit ang kanyang damit at sinabi, “Anak ko! Pinababa mo akong lubos, at ikaw ay isa sa mga bumabagabag sa akin; sapagkat gumawa na ako ng panata sa PANGINOON, at hindi ko na mababawi.” At sinabi niya sa kanya, “Ama ko, kung iyong ibinuka ang iyong bibig sa PANGINOON, gawin mo sa akin ang ayon sa lumabas sa iyong bibig; yamang ipinaghiganti ka ng PANGINOON sa iyong mga kaaway, samakatuwid ay sa mga Ammonita.” Sinabi niya sa kanyang ama, “Hayaan mong gawin ang bagay na ito sa akin. Hayaan mo lamang ako ng dalawang buwan, upang ako'y humayo't gumala sa mga bundok at tangisan ko at ng aking mga kasama ang aking pagkabirhen.” At kanyang sinabi, “Humayo ka.” At siya'y kanyang pinaalis nang dalawang buwan. Siya at ang kanyang mga kasama ay umalis, at tinangisan ang kanyang pagkabirhen sa mga bundok. Sa katapusan ng dalawang buwan, siya'y nagbalik sa kanyang ama, at ginawa sa kanya ang ayon sa kanyang panata na kanyang binitiwan. Siya'y hindi kailanman nasipingan ng lalaki. At naging kaugalian sa Israel, na ang mga anak na babae ng Israel ay pumupunta taun-taon upang alalahanin ang anak ni Jefta na Gileadita, apat na araw sa loob ng isang taon.