ISAIAS 57
57
Hinatulan ang Pagsamba sa Diyus-diyosan
1Ang matuwid ay namamatay,
at walang taong nagdaramdam;
ang mga taong tapat ay pumapanaw,
samantalang walang nakakaunawa.
Sapagkat ang matuwid na tao ay inilalayo sa kasamaan.
2Siya'y pumapasok sa kapayapaan;
sila'y nagpapahinga sa kanilang mga higaan
bawat isa'y lumalakad sa kanyang katuwiran.
3Ngunit kayo, magsilapit kayo rito,
kayong mga anak ng babaing manghuhula,
mga supling ng masamang babae#57:3 o babaing nagbibili ng panandaliang aliw. at mangangalunya.
4Sino ang inyong tinutuya?
Laban kanino kayo nagbubukas ng bibig,
at naglalawit ng dila?
Hindi ba kayo'y mga anak ng pagsuway,
supling ng pandaraya,
5kayong mga nag-aalab na may pagnanasa sa gitna ng mga ensina,
sa ilalim ng bawat luntiang punungkahoy;
na pumapatay ng inyong mga anak sa mga libis,
sa mga bitak ng mga bato sa mga bangin?
6Sa gitna ng mga makinis na bato sa libis ang iyong bahagi;
sila, sila ang iyong bahagi;
sa kanila ka nagbuhos ng inuming handog,
ikaw ay nag-alay ng handog na butil.
Mapapayapa ba ako sa mga bagay na ito?
7Sa isang mataas at matayog na bundok
ay inilagay mo ang iyong higaan;
doon ka naman sumampa upang maghandog ng alay.
8At sa likod ng mga pintuan at ng mga hamba
ay itinaas mo ang iyong sagisag;
sapagkat hinubaran mo ang iyong sarili sa iba kaysa akin,
at ikaw ay sumampa roon,
iyong pinaluwang ang iyong higaan;
at nakipagtipan ka sa kanila,
iyong inibig ang kanilang higaan,
minasdan mo ang kanilang pagkalalaki.
9Ikaw ay naglakbay sa hari na may dalang langis,
at pinarami mo ang iyong mga pabango;
at iyong ipinadala ang iyong mga sugo sa malayo,
at iyong pinababa hanggang sa Sheol.
10Ikaw ay napagod sa kahabaan ng iyong lakad,
gayunma'y hindi mo sinabi, “Ito'y walang pag-asa”;
ikaw ay nakasumpong ng bagong buhay para sa iyong lakas,
kaya't hindi ka nanlupaypay.
11At kanino ka nangilabot at natakot,
anupa't ikaw ay nagsinungaling,
at hindi mo ako inalaala,
o inisip mo man?
Hindi ba ako tumahimik nang matagal na panahon,
at hindi mo ako kinatatakutan?
12Aking ipahahayag ang iyong katuwiran at ang iyong mga gawa,
ngunit hindi mo mapapakinabangan.
13Kapag ikaw ay sumigaw, iligtas ka nawa ng mga diyus-diyosang iyong tinipon!
Ngunit tatangayin sila ng hangin,
isang hinga ang tatangay sa kanila.
Ngunit siyang nanganganlong sa akin ay mag-aari ng lupain,
at magmamana ng aking banal na bundok.
Ang Pangakong Tulong at Pagpapagaling ng Diyos
14At kanyang sasabihin,
“Inyong patagin, inyong patagin, ihanda ninyo ang lansangan,
inyong alisin ang bawat sagabal sa lansangan ng aking bayan.”
15Sapagkat ganito ang sabi ng Mataas at Matayog
na tumatahan sa walang hanggan, na ang pangalan ay Banal:
“Ako'y naninirahan sa mataas at banal na dako,
at gayundin sa may pagsisisi at mapagpakumbabang-loob,
upang buhayin ang loob ng mapagpakumbaba,
at upang buhayin ang puso ng may pagsisisi.
16Sapagkat hindi ako makikipagtalo magpakailanman,
o magagalit man akong lagi;
sapagkat ang espiritu ay manlulupaypay sa harap ko,
at ang mga kaluluwa na aking ginawa.
17Dahil sa kasamaan ng kanyang kasakiman ay nagalit ako,
sinaktan ko siya, ikinubli ko ang aking mukha at ako'y nagalit;
ngunit nagpatuloy siya sa pagtalikod sa lakad ng kanyang puso.
18Aking nakita ang kanyang mga lakad, ngunit pagagalingin ko siya;
aking papatnubayan siya, at panunumbalikin ko sa kanya ang kaaliwan,
at sa mga nananangis sa kanya.
19Aking#Ef. 2:17 nilikha ang bunga ng mga labi.
Kapayapaan, kapayapaan, sa kanya na malayo at sa kanya na malapit, sabi ng Panginoon;
at aking pagagalingin siya.
20Ngunit ang masama ay parang maunos na dagat;
sapagkat hindi matatahimik,
at ang kanyang tubig ay naglalabas ng burak at dumi.
21Walang#Isa. 48:22 kapayapaan, sabi ng aking Diyos, para sa masasama.”
Kasalukuyang Napili:
ISAIAS 57: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001