Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

ISAIAS 55:1-13

ISAIAS 55:1-13 ABTAG01

“O lahat ng nauuhaw, pumarito kayo sa tubig at siyang walang salapi, pumarito kayo, kayo'y bumili at kumain! Pumarito kayo, kayo'y bumili ng alak at gatas ng walang salapi at walang halaga. Ano't kayo'y gumugugol ng salapi sa hindi pagkain, at ng inyong sahod sa hindi nakakabusog? Pakinggan ninyo akong mabuti, at kainin ninyo kung ano ang mabuti, at malugod kayo sa katabaan. Ang inyong tainga ay inyong ikiling, at pumarito kayo sa akin; kayo'y makinig upang ang inyong kaluluwa ay mabuhay. Ako'y makikipagtipan sa inyo ng walang hanggan, ayon sa tapat na kahabagang ipinakita kay David. Narito, ginawa ko siyang saksi sa mga bayan, isang pinuno at punong-kawal para sa mga bayan. Narito, ang mga bansa na hindi mo nakikilala ay tatawagin mo, at ang bansa na hindi ka nakikilala ay tatakbo sa iyo, dahil sa PANGINOON mong Diyos, at para sa Banal ng Israel; sapagkat kanyang niluwalhati ka. “Inyong hanapin ang PANGINOON habang siya'y matatagpuan, tumawag kayo sa kanya habang siya'y malapit. Lisanin ng masama ang kanyang lakad, at ng liko ang kanyang mga pag-iisip; at manumbalik siya sa PANGINOON, at kanyang kaaawaan siya; at sa aming Diyos, sapagkat siya'y magpapatawad ng sagana. Sapagkat ang aking mga pag-iisip ay hindi ninyo mga pag-iisip, ni ang inyong mga pamamaraan ay aking mga pamamaraan, sabi ng PANGINOON. Sapagkat kung paanong ang langit ay higit na mataas kaysa lupa, gayon ang aking mga pamamaraan ay higit na mataas kaysa inyong mga pamamaraan, at ang aking mga pag-iisip kaysa inyong mga pag-iisip. “Sapagkat kung paanong ang ulan at ang niyebe ay bumabagsak mula sa langit, at hindi bumabalik doon kundi dinidilig ang lupa, at ito'y pinasisibulan at pinatutubuan, at nagbibigay ng binhi sa maghahasik at pagkain sa kumakain, magiging gayon ang aking salita na lumalabas sa bibig ko; hindi ito babalik sa akin na walang bunga, kundi gaganapin ang ayon sa layunin ko, at magtatagumpay sa bagay na kung saan ay sinugo ko ito. “Sapagkat kayo'y lalabas na may kagalakan, at papatnubayang may kapayapaan. Ang mga bundok at ang mga burol sa harapan ninyo ay magbubulalas ng pag-awit, at ipapalakpak ng lahat ng punungkahoy sa parang ang kanilang mga kamay. Sa halip na tinik, puno ng sipres ang tutubo; sa halip na dawag, tutubo ang punong mirtol; at ito'y magiging sa PANGINOON bilang isang alaala, para sa walang hanggang tanda na hindi maglalaho.”