ISAIAS 51
51
Salitang Pang-aliw sa Zion
1Kayo'y makinig sa akin, kayong sumusunod sa katuwiran
kayong naghahanap sa Panginoon;
tumingin kayo sa malaking bato na inyong pinagtapyasan,
at sa tibagan na pinaghukayan sa inyo.
2Tingnan ninyo si Abraham na ama ninyo,
at si Sara na nagsilang sa inyo;
sapagkat nang siya'y iisa ay tinawag ko siya,
at pinagpala ko at pinarami siya.
3Sapagkat aaliwin ng Panginoon ang Zion;
kanyang aaliwin ang lahat niyang sirang dako,
at gagawin niyang parang Eden ang kanyang ilang,
ang kanyang disyerto na parang halamanan ng Panginoon;
kagalakan at kasayahan ay matatagpuan doon,
pagpapasalamat at tinig ng awit.
4“Makinig ka sa akin, bayan ko;
at pakinggan mo ako, bansa ko.
Sapagkat magmumula sa akin ang isang kautusan,
at ang aking katarungan bilang liwanag sa mga bayan.
5Ang aking katuwiran ay malapit na,
ang aking kaligtasan ay humayo na,
at ang aking mga bisig ay hahatol sa mga bayan;
ang mga pulo ay naghihintay sa akin,
at sa aking bisig ay umaasa sila.
6Itingin ninyo ang inyong mga mata sa mga langit,
at tingnan ninyo ang lupa sa ibaba;
sapagkat ang langit ay mapapawing parang usok,
at ang lupa ay malulumang parang bihisan;
at silang naninirahan doon ay mamamatay sa gayunding paraan.
Ngunit ang pagliligtas ko ay magpakailanman,
at hindi magwawakas ang aking katuwiran.
7“Makinig kayo sa akin, kayong nakakaalam ng katuwiran,
ang bayan na ang puso ay kinaroonan ng aking kautusan.
Huwag ninyong katakutan ang pagkutya ng mga tao,
at huwag kayong mabalisa sa kanilang mga paglait.
8Sapagkat sila'y lalamunin ng bukbok na parang bihisan,
at kakainin sila ng uod na parang balahibo ng tupa;
ngunit ang aking katuwiran ay magiging magpakailanman,
at ang aking pagliligtas ay sa lahat ng salinlahi.”
9Gumising ka, gumising ka, magpakalakas ka,
O bisig ng Panginoon.
Gumising ka na gaya nang araw noong una,
nang mga lahi ng mga dating panahon.
Hindi ba ikaw ang pumutol ng Rahab,
na sumaksak sa dragon?
10Hindi ba ikaw ang tumuyo sa dagat,
sa tubig ng malaking kalaliman;
na iyong ginawang daan ang kalaliman ng dagat
upang daanan ng tinubos?
11At ang mga tinubos ng Panginoon ay babalik,
at darating na may awitan sa Zion;
at nasa kanilang mga ulo ang walang hanggang kagalakan,
sila'y magtatamo ng kasayahan at kagalakan;
at tatakas ang kalungkutan at pagbubuntong-hininga.
12“Ako, ako nga, ang siyang umaaliw sa inyo.
Sino ka na natatakot sa namamatay na tao,
at sa anak ng tao na ginawang parang damo,
13at iyong kinalimutan ang Panginoon na iyong Manlalalang,
na nagladlad ng mga langit,
at siyang naglagay ng mga pundasyon ng lupa,
at ikaw ay laging natatakot sa buong araw
dahil sa bagsik ng mang-aapi,
kapag siya'y naghahanda upang mangwasak?
At saan naroon ang bagsik ng mang-aapi?
14Ang inapi ay mabilis na palalayain,
hindi siya mamamatay patungo sa Hukay,
ni magkukulang man ang kanyang tinapay.
15Sapagkat ako ang Panginoon mong Diyos,
na nagpapakilos sa dagat, na ang mga alon niyon ay umuugong—
Panginoon ng mga hukbo ang kanyang pangalan.
16At inilagay ko ang aking mga salita sa bibig mo,
at tinakpan kita sa lilim ng aking kamay
upang mailadlad ang mga langit,
at upang maitatag ang lupa,
at sinasabi sa Zion, ‘Ikaw ay aking bayan.’”
Katapusan ng Paghihirap ng Jerusalem
17Gumising#Apoc. 14:10; 16:19 ka, gumising ka,
tumayo ka, O Jerusalem.
Ikaw na uminom sa kamay ng Panginoon
sa kopa ng kanyang poot,
na iyong sinaid ang kopa ng pampasuray.
18Walang pumatnubay sa kanya
sa lahat ng anak na kanyang ipinanganak;
ni humawak man sa kanya sa kamay
sa lahat ng anak na kanyang pinalaki.
19Ang dalawang bagay na ito ay nangyari sa iyo—sinong makikiramay sa iyo?—
pagkagiba, pagkasira, taggutom at ang tabak;
sinong aaliw sa iyo?
20Ang iyong mga anak ay nanlupaypay,
sila'y nahihiga sa dulo ng bawat lansangan,
na gaya ng isang usa sa isang lambat;
sila'y puspos ng poot ng Panginoon,
ng saway ng iyong Diyos.
21Kaya't pakinggan mo ito ngayon, ikaw na nagdadalamhati,
at lasing, ngunit hindi ng alak.
22Ganito ang sabi ng iyong Panginoon, ang Panginoon,
ang iyong Diyos na nagsasanggalang ng usapin ng kanyang bayan:
“Narito, aking inalis sa iyong kamay ang kopa na pampasuray;
ang kopa ng aking poot;
hindi ka na muling iinom.
23At aking ilalagay ito sa kamay ng mga nagpapahirap sa iyo,
na nagsabi sa iyong kaluluwa,
‘Ikaw ay yumuko upang kami ay makaraan’;
at ginawa mo ang iyong likod na parang lupa,
at parang lansangan na kanilang madaraanan.”
Kasalukuyang Napili:
ISAIAS 51: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001