Narito ang aking lingkod, na aking inaalalayan; ang aking hinirang, na kinalulugdan ng aking kaluluwa. Inilagay ko ang aking Espiritu sa kanya; siya'y maglalapat ng katarungan sa mga bansa. Siya'y hindi sisigaw, o maglalakas man ng tinig, o ang kanyang tinig man sa lansangan ay iparirinig. Ang gapok na tambo ay hindi niya babaliin, ni ang mitsa na bahagyang nagniningas ay hindi niya papatayin; siya'y tapat na maglalapat ng katarungan. Siya'y hindi manlulupaypay o madudurog man, hanggang sa maitatag niya sa lupa ang katarungan; at ang mga pulo ay maghihintay sa kanyang kautusan. Ganito ang sabi ng Diyos, ang PANGINOON, na lumikha ng langit, at nagladlad ng mga iyon; siyang naglatag ng lupa at ang nagmula rito, siyang nagbibigay ng hininga sa mga tao nito, at ng espiritu sa kanila na nagsisilakad dito: “Ako ang PANGINOON, tinawag ko kayo sa katuwiran, kinuha ko kayo sa pamamagitan ng kamay, at kayo'y iniingatan, at ibinigay kita sa bayan bilang tipan, isang liwanag sa mga bayan, upang imulat ang mga bulag na mata, upang ilabas ang mga bilanggo sa bilangguan, at silang nakaupo sa kadiliman mula sa bilangguan. Ako ang PANGINOON, iyon ang aking pangalan; hindi ko ibibigay sa iba ang aking kaluwalhatian, o ang akin mang kapurihan sa mga larawang inanyuan. Narito, ang mga dating bagay ay lumipas na, at ang mga bagong bagay ay ipinahahayag ko; bago sila lumitaw ay sinasabi ko sa inyo ang tungkol sa kanila.”
Basahin ISAIAS 42
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: ISAIAS 42:1-9
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas