Tahimik kayong makinig sa akin, O mga lupain sa baybayin;
hayaang magpanibagong lakas ang mga bayan;
hayaang lumapit sila, at hayaang magsalita sila;
tayo'y sama-samang lumapit para sa kahatulan.
Sinong nagbangon ng matuwid sa silangan,
na kaniyang tinawag sa kanyang paanan?
Siya'y nagbibigay ng mga bansa sa harap niya,
pinasusuko niya ang mga hari;
kanyang ginagawa silang parang alabok sa kanyang tabak,
na parang pinaspas na dayami ng kanyang busog.
Kanyang hinahabol sila at lumalampas na payapa
sa mga daang hindi dinaanan ng kanyang mga paa.
Sinong nagbalak at nagsagawa nito,
na tumawag ng mga salinlahi mula nang pasimula?
Akong PANGINOON, ang una,
at kasama ng huli, Ako nga.
Nakita ng mga pulo, at natakot,
ang mga dulo ng lupa ay nanginig;
sila'y lumapit, at pumarito.
Bawat tao'y tumutulong sa kanyang kapwa,
at sinasabi sa kanyang kapatid, “Ikaw ay magpakatapang!”
Pinasisigla ng karpintero ang platero,
at pinasisigla ng gumagamit ng pamukpok ang pumupukpok ng palihan,
na sinasabi tungkol sa paghinang, “Mabuti”;
at kanyang inilalapat ng mga pako, upang huwag makilos.
PANGINOON
Ngunit ikaw, Israel, lingkod ko,
Jacob, na siyang aking pinili,
na binhi ni Abraham na aking kaibigan;
ikaw na aking kinuha mula sa mga dulo ng lupa,
at tinawag kita mula sa mga pinakamalayong sulok niyon,
na sinasabi sa iyo, “Ikaw ay aking lingkod,
aking pinili ka at hindi kita itinakuwil”;
huwag kang matakot, sapagkat ako'y kasama mo,
huwag kang mabalisa, sapagkat ako'y Diyos mo;
aking palalakasin ka, oo, ikaw ay aking tutulungan;
oo, ikaw ay aking aalalayan ng kanang kamay ng aking katuwiran.