Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

ISAIAS 22

22
Ang Pahayag tungkol sa Jerusalem
1Ang pahayag tungkol sa libis ng pangitain.
Anong ibig mong sabihin na ikaw ay umakyat,
kayong lahat, sa mga bubungan?
2O ikaw na punô ng mga sigawan,
magulong lunsod, masayang bayan?
Ang iyong mga patay ay hindi napatay ng tabak,
o namatay man sa pakikipaglaban.
3Lahat mong pinuno ay nagsitakas na magkakasama,
sila'y nahuli bagaman di ginamitan ng busog.
Kayong lahat na natagpuan ay nahuli,
bagaman sila'y nakatakas sa malayo.
4Kaya't sinabi ko,
“Huwag kayong tumingin sa akin,
hayaan ninyong ako'y umiyak na may kapaitan;
huwag ninyong sikaping bigyan ako ng kaaliwan,
ng dahil sa pagkawasak sa anak na babae ng aking bayan.”
5Sapagkat ang Panginoong Diyos ng mga hukbo ay may isang araw
ng pagkakagulo at pagyapak, ng pagkalito,
sa libis ng pangitain;
pagkabagsak ng mga pader
at pagsigaw sa mga bundok.
6Ang Elam ay may dalang lalagyan ng pana,
may mga karwahe at mga mangangabayo;
at inalisan ng balot ng Kir ang kalasag.
7Ang iyong mga piling libis ay punô ng mga karwahe,
at ang mga mangangabayo ay nakahanay sa mga pintuan.
8At kanyang inalis ang takip ng Juda.
Sa araw na iyon ay tumingin ka sa mga sandata sa Bahay ng Gubat.
9Inyong nakita na maraming butas ang lunsod ni David, at inyong tinipon ang tubig ng mababang tipunan ng tubig.
10At inyong binilang ang mga bahay ng Jerusalem, at inyong giniba ang mga bahay upang patibayin ang kuta.
11Kayo'y gumawa ng tipunang tubig sa pagitan ng dalawang pader para sa tubig ng dating tipunan. Ngunit hindi ninyo tiningnan ang gumawa nito, o pinahalagahan man siya na nagplano nito noon pa.
12Nang araw na iyon ay tumawag ang Panginoong Diyos ng mga hukbo,
sa pag-iyak, sa pagtangis,
sa pagkakalbo, at sa pagbibigkis ng damit-sako.
13Sa#1 Cor. 15:32 halip ay nagkaroon ng kagalakan at kasayahan,
pagpatay ng mga baka at pagpatay ng mga tupa,
pagkain ng karne, at pag-inom ng alak.
“Tayo'y kumain at uminom,
sapagkat bukas tayo ay mamamatay.”
14Ipinahayag ng Panginoon ng mga hukbo ang kanyang sarili sa aking mga pandinig:
“Tunay na ang kasamaang ito ay hindi ipatatawad sa inyo hanggang sa kayo'y mamatay,”
sabi ng Panginoong Diyos ng mga hukbo.
Babala Laban kay Sebna
15Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos ng mga hukbo, “Ikaw ay humayo, pumaroon ka sa katiwalang ito, sa Sebna, na siyang katiwala sa bahay, at iyong sabihin sa kanya:
16Anong karapatan mo rito? Sinong mga kamag-anak mo rito at gumawa ka rito ng isang libingan para sa iyo? Gumagawa ka ng libingan sa itaas, at umuukit ka ng tahanan para sa iyong sarili sa malaking bato!
17Ibabagsak kang bigla ng Panginoon, ikaw na malakas na tao. Hahawakan ka niya ng mahigpit.
18Paiikutin ka niya nang paiikutin, at itatapon ka na parang bola sa malaking lupain. Doon ka mamamatay, at doon malalagay ang iyong magagarang mga karwahe, ikaw na kahihiyan ng sambahayan ng iyong panginoon.
19At aalisin kita sa iyong katungkulan, at sa iyong kinaroroonan ay ibubuwal ka.
20Sa araw na iyon ay aking tatawagin ang aking lingkod na si Eliakim na anak ni Hilkias,
21at aking susuotan siya ng iyong balabal, at ibibigkis sa kanya ang iyong pamigkis, at aking ipagkakatiwala ang iyong kapangyarihan sa kanyang kamay; at siya'y magiging ama sa mga naninirahan sa Jerusalem at sa sambahayan ni Juda.
22Ang#Apoc. 3:7 katungkulan sa sambahayan ni David ay iaatang ko sa kanyang balikat; at siya'y magbubukas, at walang makapagsasara; at siya'y magsasara, at walang makapagbubukas.
23At aking ikakapit siya na parang tulos sa isang matibay na dako; at siya'y magiging trono ng karangalan sa sambahayan ng kanyang magulang.
24Kanilang ibibitin sa kanya ang buong bigat ng sambahayan ng kanyang magulang, ang mga anak at ang angkan, bawat maliit na sisidlan, mula sa mga tasa hanggang sa mga malalaking sisidlan.
25Sa araw na iyon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, matatanggal ang tulos na ikinabit sa matibay na dako. Ito'y puputulin at mahuhulog, at ang pasan na nasa ibabaw niyon ay maglalaho, sapagkat sinabi ng Panginoon.”

Kasalukuyang Napili:

ISAIAS 22: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in