Ang PANGINOON ay maaawa sa Jacob, at muling pipiliin ang Israel, at ilalagay sila sa kanilang sariling lupain. Ang dayuhan ay makikisama sa kanila, at sila'y mapapasama sa sambahayan ni Jacob. At kukunin sila ng mga tao, at dadalhin sila sa kanilang dako; at aariin sila ng sambahayan ng Israel sa lupain ng PANGINOON bilang mga aliping lalaki at babae. Kanilang bibihagin sila na bumihag sa kanila at mamumuno sa kanila na umapi sa kanila. Kapag bibigyan ka na ng PANGINOON ng kapahingahan mula sa iyong kahirapan, kabagabagan, at sa mabigat na paglilingkod na ipinapaglingkod mo, ay iyong dadalhin ang pagkutyang ito laban sa hari ng Babilonia: “Huminto na ang pang-aapi! Huminto na ang matinding kalapastanganan! Binali ng PANGINOON ang tungkod ng masama, ang setro ng mga pinuno; na nagpahirap sa mga tao sa pamamagitan ng poot ng walang tigil na bugbog, na namuno sa mga bansa sa galit, na may walang tigil na pag-uusig. Ang buong lupa ay tiwasay at tahimik; sila'y biglang nagsisiawit. Ang mga puno ng sipres ay nagagalak dahil sa iyo, at ang mga sedro sa Lebanon, na nagsasabi, ‘Mula nang ikaw ay ibagsak, wala nang mamumutol na umaahon laban sa amin.’ Ang Sheol sa ibaba ay kinilos upang salubungin ka sa iyong pagdating; pinupukaw nito ang mga lilim upang batiin ka, ang lahat na mga pinuno ng lupa; itinatayo nito mula sa kanilang mga trono, ang lahat na hari ng mga bansa. Silang lahat ay magsasalita at magsasabi sa iyo: ‘Pati ba ikaw ay naging mahinang gaya namin? Ikaw ba'y naging gaya namin?’ Ang iyong kahambugan ay ibinaba sa Sheol pati na ang tunog ng iyong mga alpa; ang uod ay higaan sa ilalim mo, at ang mga uod ang iyong pantakip. “Ano't nahulog ka mula sa langit, O Tala sa Umaga, anak ng Umaga! Paanong ikaw ay lumagpak sa lupa, ikaw na siyang nagpabagsak sa mga bansa! Sinabi mo sa iyong puso, ‘Ako'y aakyat sa langit; sa itaas ng mga bituin ng Diyos aking itatatag ang aking trono sa itaas; ako'y uupo sa bundok na pinagtitipunan, sa malayong hilaga. Ako'y aakyat sa itaas ng mga kaitaasan ng mga ulap, gagawin ko ang aking sarili na gaya ng Kataas-taasan.’
Basahin ISAIAS 14
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: ISAIAS 14:1-14
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas