Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

HEBREO 9:2-10

HEBREO 9:2-10 ABTAG01

Sapagkat inihanda ang unang tabernakulo na kinaroroonan ng ilawan, dulang, at ng mga tinapay na handog; ito ay tinatawag na Dakong Banal. Sa likod ng ikalawang tabing ay ang tabernakulo na tinatawag na Dakong Kabanal-banalan. Dito ay nakatayo ang isang gintong dambana ng insenso at ang kaban ng tipan na ang paligid ay nababalutan ng ginto, na siyang kinaroroonan ng sisidlang-ginto na kinalalagyan ng manna at ng tungkod ni Aaron na namulaklak, at ang mga tapyas na bato ng tipan. Sa ibabaw nito ay ang mga kerubin ng kaluwalhatian na lumililim sa trono ng awa. Ang mga bagay na ito ay hindi namin masasabi ngayon ng isa-isa. Pagkatapos magawa ang ganitong pagkahanda, ang mga pari ay patuloy na pumapasok sa unang tabernakulo upang gawin ang kanilang katungkulan sa paglilingkod; subalit sa ikalawa ay nag-iisang pumapasok ang pinakapunong pari, minsan sa isang taon, na may dalang dugo bilang handog niya para sa kanyang sarili at sa mga kasalanang nagawa nang di sinasadya ng taong-bayan. Sa pamamagitan nito, itinuturo ng Espiritu Santo na hindi pa naihahayag ang daan patungo sa santuwaryo, habang nakatayo pa ang unang tabernakulo. Iyon ay isang sagisag ng panahong kasalukuyan, na sa panahong yaon ang mga kaloob at ang mga alay na inihahandog ay hindi makapagpapasakdal sa budhi ng sumasamba, kundi tungkol lamang sa mga pagkain at mga inumin at iba't ibang paghuhugas, na mga alituntunin tungkol sa katawan na ipinatutupad hanggang sa ang panahon ay dumating upang maisaayos ang mga bagay.