at sa kanya ay ibinahagi ni Abraham ang ikasampung bahagi ng lahat. Una, ang kahulugan ng kanyang pangalan ay hari ng katuwiran; ikalawa, siya rin ay hari ng Salem, na ang kahulugan ay hari ng kapayapaan.
Walang ama, walang ina, walang talaan ng angkan, ni walang pasimula ng mga araw o katapusan ng buhay, subalit ginawang katulad ng Anak ng Diyos, siya ay nananatiling pari magpakailanman.
Talagang napakadakila ang taong ito! Maging si Abraham na patriyarka ay nagbigay sa kanya ng ikasampung bahagi ng mga samsam.
At ang mga anak ni Levi na tumanggap ng katungkulang pari ay mayroong utos ayon sa kautusan na maglikom ng ikasampung bahagi mula sa taong-bayan, samakatuwid ay sa kanilang mga kapatid, bagaman ang mga ito ay mga nagmula sa balakang ni Abraham.
Ngunit ang taong ito na hindi mula sa kanilang lahi ay tumanggap ng mga ikasampung bahagi mula kay Abraham, at binasbasan ang tumanggap ng mga pangako.
Hindi mapapabulaanan na ang nakabababa ay binabasbasan ng nakatataas.
At dito, ang mga taong may kamatayan ay tumatanggap ng ikasampung bahagi, subalit sa kabilang dako ay ang isa na pinatutunayang nabubuhay.
Maaaring sabihin na maging si Levi, na siyang tumatanggap ng mga ikasampung bahagi ay nagbayad ng ikasampung bahagi sa pamamagitan ni Abraham,
sapagkat siya'y nasa mga balakang pa ng kanyang ninuno nang siya'y salubungin ni Melquizedek.
Ngayon, kung may kasakdalan sa pamamagitan ng pagkapari ng mga Levita, (sapagkat batay dito ay tinanggap ng bayan ang kautusan), ano pa ang karagdagang pangangailangan upang lumitaw ang isa pang pari, ayon sa pagkapari ni Melquizedek, sa halip na ayon sa pagkapari ni Aaron?
Sapagkat nang palitan ang pagkapari ay kailangan din namang palitan ang kautusan.
Sapagkat ang tinutukoy ng mga bagay na ito ay kabilang sa ibang angkan, na doon ang sinuma'y hindi naglingkod sa dambana.
Sapagkat maliwanag na ang ating Panginoon ay nagmula sa Juda at tungkol sa liping iyon ay walang sinabing anuman si Moises tungkol sa mga pari.
At ito ay lalo pang naging maliwanag nang lumitaw ang ibang pari, na kagaya ni Melquizedek,
na naging pari, hindi ayon sa itinatakda ng batas na ukol sa laman, kundi ayon sa kapangyarihan ng isang buhay na hindi mapupuksa.
Sapagkat pinatotohanan,
“Ikaw ay pari magpakailanman,
ayon sa pagkapari ni Melquizedek.”
Sa kabilang dako, mayroong pagpapawalang-bisa sa naunang utos, sapagkat ito ay mahina at walang pakinabang
(sapagkat ang kautusan ay walang pinasasakdal), sa gayon ay ipinapakilala ang isang higit na mabuting pag-asa, na sa pamamagitan nito ay lumalapit tayo sa Diyos.