Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

HEBREO 6:1-20

HEBREO 6:1-20 ABTAG01

Kaya't iwan na natin ang mga unang simulain ng aral ni Cristo, at tayo'y magpatuloy sa kasakdalan, na huwag nating muling ilagay ang saligan ng pagsisisi mula sa mga patay na gawa at pananampalataya sa Diyos, ng aral tungkol sa mga bautismo, pagpapatong ng mga kamay, muling pagkabuhay ng mga patay, at ng walang hanggang paghuhukom. At ating gagawin ito, kung ipahihintulot ng Diyos. Sapagkat hindi mangyayari na ang mga dating naliwanagan na, at nakalasap ng kaloob ng kalangitan, at mga naging kabahagi ng Espiritu Santo, at nakalasap ng kabutihan ng salita ng Diyos, at ng mga kapangyarihan ng panahong darating, at pagkatapos ay tumalikod ay muling panumbalikin sa pagsisisi, yamang sa kanilang sarili ay muli nilang ipinapako sa krus ang Anak ng Diyos, at itinataas sa kahihiyan. Sapagkat ang lupang umiinom ng ulang madalas na pumapatak sa kanya, at tinutubuan ng mga halamang angkop doon na dahil sa kanila ito ay binungkal, ay tumatanggap ng pagpapalang mula sa Diyos. Subalit kung ito'y tinutubuan ng mga tinik at dawag, ito ay walang kabuluhan at malapit nang sumpain, at ang kanyang kahihinatnan ay ang pagkasunog. Ngunit, mga minamahal, kami ay lubos na naniniwala sa mga mabubuting bagay tungkol sa inyo, at sa mga bagay na may kinalaman sa kaligtasan, bagama't kami ay nagsasalita ng ganito. Sapagkat ang Diyos ay hindi masama; hindi niya kaliligtaan ang inyong gawa at ang pag-ibig na inyong ipinakita sa kanyang pangalan, sa inyong paglilingkod sa mga banal, gaya ng ginagawa ninyo ngayon. At nais namin na ang bawat isa sa inyo ay magpakita ng gayunding sigasig upang inyong malaman ang ganap na katiyakan ng pag-asa hanggang sa katapusan; upang kayo'y huwag maging mga tamad, kundi mga taga-tulad kayo sa kanila na sa pamamagitan ng pananampalataya at ng pagtitiis ay nagmamana ng mga pangako. Nang mangako ang Diyos kay Abraham, palibhasa'y walang sinumang higit na dakila na kanyang panunumpaan, siya ay nanumpa sa kanyang sarili, na sinasabi, “Tiyak na pagpapalain at pararamihin kita.” Kaya't si Abraham, nang makapaghintay na may pagtitiis, ay tumanggap ng pangako. Nanunumpa ang mga tao sa harap ng higit na mataas sa kanila, at ang sumpang binitawan bilang katibayan ay nagwawakas ng bawat usapin. Gayundin naman, sa pagnanais ng Diyos na maipakita sa mga tagapagmana ng pangako na hindi maaaring mabago ang kanyang pasiya, pinagtibay niya ito sa pamamagitan ng isang sumpa; upang sa pamamagitan ng dalawang bagay na di-mababago, na dito'y hindi maaaring magsinungaling ang Diyos, tayong nagtungo sa kanlungan ay magkaroon ng higit na katiyakang panghawakan ang pag-asang nakalagay sa harapan natin. Taglay natin ito bilang isang tiyak at matibay na angkla ng kaluluwa, isang pag-asa na pumapasok sa loob ng santuwaryo, sa kabila ng tabing, na doo'y naunang pumasok para sa atin si Jesus, na naging pinakapunong pari magpakailanman ayon sa pagkapari ni Melquizedek.