Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

HEBREO 12:1-13

HEBREO 12:1-13 ABTAG01

Kaya't yamang napapalibutan tayo ng gayong kakapal na bilang ng mga saksi, itabi natin ang bawat pabigat at ang pagkakasalang madaling bumibitag sa atin, at tumakbo tayong may pagtitiis sa takbuhing inilagay sa harapan natin. Pagmasdan natin si Jesus na siyang nagtatag at nagpasakdal ng ating pananampalataya, na dahil sa kagalakang inilagay sa kanyang harapan ay tiniis niya ang krus, hindi inalintana ang kahihiyan, at siya'y umupo sa kanan ng trono ng Diyos. Isaalang-alang ninyo siya na nagtiis ng gayong pagsalungat ng mga makasalanan laban sa kanyang sarili, upang kayo'y huwag manghina o manlupaypay. Sa inyong pakikipaglaban sa kasalanan, hindi pa kayo humantong sa pagdanak ng inyong dugo. At nakalimutan na ninyo ang pangaral na sinasabi niya sa inyo bilang mga anak, “Anak ko, huwag mong ipagwalang-bahala ang disiplina ng Panginoon; huwag kang manlupaypay kung ikaw ay sinasaway niya; sapagkat dinidisiplina ng Panginoon ang kanyang minamahal, at pinarurusahan ang bawat itinuturing na anak.” Magtiis kayo alang-alang sa disiplina. Kayo ay pinapakitunguhan ng Diyos bilang mga anak, sapagkat ano ngang anak ang hindi dinidisiplina ng ama? Ngunit kung kayo ay hindi dinidisiplina, na siyang naranasan ng lahat, kung gayon kayo'y mga anak sa labas, at hindi mga tunay na anak. Bukod dito, tayo'y nagkaroon ng mga ama sa laman upang tayo'y disiplinahin, at sila'y ating iginagalang. Hindi ba dapat na tayo'y lalong pasakop sa Ama ng mga espiritu upang tayo'y mabuhay? Sapagkat tayo'y kanilang dinidisiplina nang maikling panahon ayon sa kanilang minamabuti, ngunit dinidisiplina niya tayo alang-alang sa ikabubuti natin, upang tayo'y makabahagi sa kanyang kabanalan. Subalit ang lahat ng disiplina sa kasalukuyan ay tila hindi kanais-nais kundi masakit, subalit sa hinaharap ay magdudulot ng mapayapang bunga ng katuwiran sa mga nasanay sa pamamagitan nito. Kaya't itaas ninyo ang mga kamay na nanghihina at muling palakasin ang mga tuhod na nanlulupaypay, at gumawa kayo ng matuwid na landas para sa inyong mga paa, upang huwag malinsad ang pilay, kundi bagkus ay gumaling.