pagkatapos ay idinagdag niya, “Narito, ako'y dumating upang gawin ang iyong kalooban.” Inalis niya ang una, upang maitatag ang ikalawa,
at sa pamamagitan ng kalooban niya tayo'y ginawang banal sa pamamagitan ng pag-aalay ng katawan ni Cristo minsan magpakailanman.
At bawat pari ay tumatayo araw-araw na naglilingkod at paulit-ulit na nag-aalay ng gayunding mga handog na kailanman ay hindi nakapag-aalis ng mga kasalanan.
Ngunit nang makapaghandog si Cristo ng isa lamang alay para sa mga kasalanan para sa lahat ng panahon, siya ay umupo sa kanan ng Diyos,
at buhat noon ay naghihintay hanggang sa ang kanyang mga kaaway ay maging tuntungan ng kanyang mga paa.
Sapagkat sa pamamagitan ng isang pag-aalay ay kanyang pinasakdal para sa lahat ng panahon ang mga pinababanal.
At ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo rin sa atin, sapagkat pagkatapos niyang sabihin,
“Ito ang tipan na aking gagawin sa kanila,
pagkatapos ng mga araw na iyon, sabi ng Panginoon;
ilalagay ko ang aking mga kautusan sa kanilang mga puso,
at isusulat ko ang mga iyon sa kanilang pag-iisip,”
sinabi rin niya,
“At ang kanilang mga kasalanan at mga kasamaan ay hindi ko na aalalahanin pa.”
Kung saan may kapatawaran ng mga ito, ay wala ng pag-aalay para sa kasalanan.
Kaya, mga kapatid, yamang mayroon tayong pagtitiwala na pumasok sa santuwaryo sa pamamagitan ng dugo ni Jesus,
na kanyang binuksan para sa atin ang isang bago at buháy na daan, sa pamamagitan ng tabing, samakatuwid ay sa kanyang laman,
at yamang mayroon tayong isang pinakapunong pari sa bahay ng Diyos,
tayo'y lumapit na may tapat na puso sa lubos na katiyakan ng pananampalataya, na ang mga puso ay winisikang malinis mula sa isang masamang budhi at nahugasan ang ating katawan ng dalisay na tubig.
Panghawakan nating matatag ang pagpapahayag ng ating pag-asa nang walang pag-aalinlangan, sapagkat siya na nangako ay tapat.
At ating isaalang-alang kung papaano gigisingin ang isa't isa sa pag-ibig at sa mabubuting gawa,
na huwag nating pabayaan ang ating pagtitipon, gaya ng ugali ng iba, kundi palakasin ang loob ng isa't isa, lalung-lalo na kapag inyong nakikita na papalapit na ang Araw.
Sapagkat kung sinasadya nating magkasala, matapos nating tanggapin ang lubos na pagkakilala sa katotohanan, ay wala ng natitira pang alay para sa mga kasalanan,
kundi isang kakilakilabot na paghihintay sa paghuhukom, at isang naglalagablab na apoy na tutupok sa mga kaaway.
Ang sumuway sa kautusan ni Moises, sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi, ay walang awang namamatay.
Gaano pa kayang higpit na parusa sa akala ninyo, ang nararapat sa kanila na yumurak sa Anak ng Diyos at lumapastangan sa dugo ng tipan na nagpabanal sa kanila, at umalipusta sa Espiritu ng biyaya?
Sapagkat kilala natin ang nagsabi, “Akin ang paghihiganti, ako ang gaganti.” At muli, “Huhukuman ng Panginoon ang kanyang bayan.”
Isang kakilakilabot na bagay ang mahulog sa mga kamay ng Diyos na buháy.
Subalit alalahanin ninyo ang mga nakaraang araw, na pagkatapos na kayo'y maliwanagan, ay nagtiis kayo ng matinding pakikipaglaban na may pagdurusa,
na kung minsan ay hayagang inilalantad sa pag-alipusta at pag-uusig, at kung minsan ay nagiging mga kabahagi ng mga nagdaranas ng gayon.
Sapagkat kayo'y nahabag sa mga bilanggo, at tinanggap ninyo nang buong galak ang pagkasamsam sa inyong mga ari-arian, palibhasa'y inyong nalalamang mayroon kayong isang pag-aaring higit na mabuti at tumatagal.
Kaya't huwag ninyong itakuwil ang inyong pagtitiwala na may dakilang gantimpala.
Sapagkat kailangan ninyo ng pagtitiis, upang kapag inyong nagampanan ang kalooban ng Diyos ay tanggapin ninyo ang pangako.