Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

HEBREO 10:10-23

HEBREO 10:10-23 ABTAG01

at sa pamamagitan ng kalooban niya tayo'y ginawang banal sa pamamagitan ng pag-aalay ng katawan ni Cristo minsan magpakailanman. At bawat pari ay tumatayo araw-araw na naglilingkod at paulit-ulit na nag-aalay ng gayunding mga handog na kailanman ay hindi nakapag-aalis ng mga kasalanan. Ngunit nang makapaghandog si Cristo ng isa lamang alay para sa mga kasalanan para sa lahat ng panahon, siya ay umupo sa kanan ng Diyos, at buhat noon ay naghihintay hanggang sa ang kanyang mga kaaway ay maging tuntungan ng kanyang mga paa. Sapagkat sa pamamagitan ng isang pag-aalay ay kanyang pinasakdal para sa lahat ng panahon ang mga pinababanal. At ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo rin sa atin, sapagkat pagkatapos niyang sabihin, “Ito ang tipan na aking gagawin sa kanila, pagkatapos ng mga araw na iyon, sabi ng Panginoon; ilalagay ko ang aking mga kautusan sa kanilang mga puso, at isusulat ko ang mga iyon sa kanilang pag-iisip,” sinabi rin niya, “At ang kanilang mga kasalanan at mga kasamaan ay hindi ko na aalalahanin pa.” Kung saan may kapatawaran ng mga ito, ay wala ng pag-aalay para sa kasalanan. Kaya, mga kapatid, yamang mayroon tayong pagtitiwala na pumasok sa santuwaryo sa pamamagitan ng dugo ni Jesus, na kanyang binuksan para sa atin ang isang bago at buháy na daan, sa pamamagitan ng tabing, samakatuwid ay sa kanyang laman, at yamang mayroon tayong isang pinakapunong pari sa bahay ng Diyos, tayo'y lumapit na may tapat na puso sa lubos na katiyakan ng pananampalataya, na ang mga puso ay winisikang malinis mula sa isang masamang budhi at nahugasan ang ating katawan ng dalisay na tubig. Panghawakan nating matatag ang pagpapahayag ng ating pag-asa nang walang pag-aalinlangan, sapagkat siya na nangako ay tapat.

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya