HAGAI 1
1
Iniutos ng Panginoon na Muling Itayo ang Templo
1Nang#Ezra 4:24–5:2; 6:14 ikalawang taon ni Haring Dario, nang unang araw ng ikaanim na buwan, dumating ang salita ng Panginoon sa pamamagitan ni propeta Hagai kay Zerubabel na anak ni Sealtiel, na gobernador ng Juda, at kay Josue na anak ni Jehozadak, na pinakapunong pari:
2“Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: sinasabi ng bayang ito na hindi pa dumarating ang panahon, upang muling itayo ang bahay ng Panginoon.”
3Nang magkagayo'y dumating ang salita ng Panginoon sa pamamagitan ni propeta Hagai.
4“Panahon ba para sa inyong mga sarili na manirahan sa inyong mga bahay na may kisame, samantalang ang bahay na ito ay nananatiling wasak?
5Ngayo'y ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Pag-isipan ninyo ang inyong mga lakad.
6Kayo'y naghasik ng marami ngunit umaani ng kaunti; kayo'y kumakain, ngunit hindi kayo nabubusog; kayo'y umiinom, ngunit hindi kayo nasisiyahan; kayo'y nagdaramit, ngunit walang naiinitan; at kayong tumatanggap ng sahod ay tumatanggap ng sahod upang ilagay sa supot na may mga butas.
7“Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Pag-isipan ninyo ang inyong mga lakad.
8Umahon kayo sa bundok, kumuha kayo ng kahoy, at itayo ninyo ang bahay upang kalugdan ko iyon at ako'y luwalhatiin, sabi ng Panginoon.
9Kayo'y naghanap ng marami, at nakakita ng kaunti; at nang inyong dalhin sa bahay, iyon ay aking hinipan. Bakit? sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Dahil sa aking bahay na nananatiling wasak, samantalang tumatakbo ang bawat isa sa inyo sa kanya-kanyang sariling bahay.
10Kaya't dahil sa inyo pinipigil ng langit na nasa itaas ninyo ang hamog, at ipinagkakait ng lupa ang bunga nito.
11At ako'y nagpatawag ng tagtuyot sa lupa, at sa mga burol, sa trigo, sa bagong alak, sa langis, sa mga ibinubunga ng lupa, sa mga tao at sa mga hayop, at sa lahat ng pinagpagalan.”
12Nang magkagayo'y si Zerubabel na anak ni Sealtiel, at si Josue na anak ni Jehozadak, na pinakapunong pari, pati ang lahat ng nalabi sa bayan, ay sumunod sa tinig ng Panginoon nilang Diyos, at sa mga salita ni propeta Hagai, na siyang sinugo ng Panginoon nilang Diyos; at ang bayan ay natakot sa harap ng Panginoon.
13Nang magkagayo'y nagsalita si Hagai, na sugo ng Panginoon ayon sa mensahe ng Panginoon sa bayan, “Ako'y sumasainyo, sabi ng Panginoon.”
14At kinilos ng Panginoon ang diwa ni Zerubabel na anak ni Sealtiel, na gobernador ng Juda, at ang espiritu ni Josue na anak ni Jehozadak, na pinakapunong pari, at ang diwa ng buong nalabi sa bayan. Sila'y dumating at ginawa ang bahay ng Panginoon ng mga hukbo, na kanilang Diyos,
15nang ikadalawampu't apat na araw ng ikaanim na buwan nang ikalawang taon ni Haring Dario.
Kasalukuyang Napili:
HAGAI 1: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001