Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

HABAKUK 3:7-19

HABAKUK 3:7-19 ABTAG01

Nakita ko ang mga tolda sa Cusan na nasa pagdadalamhati. Ang mga tabing ng lupain ng Midian ay nanginig. Ang iyo bang poot ay laban sa mga ilog, O PANGINOON? Ang iyo bang galit ay laban sa mga ilog, O ang iyo bang poot ay laban sa dagat, kapag ikaw ay sumasakay sa iyong mga kabayo, sa iyong karwahe ng kaligtasan? Hubad na nilantad mo ang iyong pana, ayon sa panunumpa na tungkol sa iyong salita. Selah Iyong nilagyan ng mga ilog ang lupa. Nakita ka ng mga bundok at ang mga ito'y nanginig; ang rumaragasang tubig ay dumaan, ibinigay ng kalaliman ang kanyang tinig, at itinaas nito ang kanyang mga kamay. Ang araw at buwan ay tumigil sa kanilang mataas na lugar, sa liwanag ng iyong mga palaso sila'y umalis, sa kislap ng iyong makinang na sibat. Ikaw ay lumakad na may galit sa mga lupain, iyong tinapakan ang mga bansa sa galit. Ikaw ay lumabas upang iligtas ang iyong bayan, at iligtas ang iyong pinahiran ng langis. Iyong dinurog ang puno ng masamang sambahayan, hinubaran mo siya mula hita hanggang sa leeg. Selah Iyong tinusok ang ulo ng kanyang mga mandirigma ng kanyang sariling sibat; na dumating na parang ipu-ipo upang pangalatin ako; ang kanilang kagalakan ay sakmaling lihim ang dukha. Iyong tinapakan ang dagat ng iyong mga kabayo, ang bunton ng makapangyarihang tubig. PANGINOON Aking narinig, at ang aking katawan ay nanginginig, ang aking mga labi ay nangangatal sa tinig; ang kabuluka'y pumapasok sa aking mga buto, ang aking mga hakbang ay nanginginig. Ako'y tahimik na maghihintay sa araw ng kapahamakan, na dumating sa bayan na sumasakop sa atin. Bagama't ang puno ng igos ay hindi namumulaklak, ni magkakaroon man ng bunga sa mga puno ng ubas; ang olibo ay hindi magbubunga, at ang mga bukid ay hindi magbibigay ng pagkain; ang kawan ay aalisin sa kulungan, at hindi na magkakaroon ng bakahan sa mga silungan, gayunma'y magagalak ako sa PANGINOON, ako'y magagalak sa Diyos ng aking kaligtasan. Ang Diyos, ang PANGINOON, ay aking kalakasan; ginagawa niya ang aking mga paa na gaya ng sa mga usa, pinalalakad niya ako sa aking matataas na dako. Sa Punong Manunugtog: na may panugtog na may kuwerdas.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa HABAKUK 3:7-19