Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

GENESIS 43:15-34

GENESIS 43:15-34 ABTAG01

Kaya't dinala ng mga lalaki ang handog at ang dobleng dami ng salapi at si Benjamin. Sila'y pumunta sa Ehipto, at humarap kay Jose. Nang makita ni Jose si Benjamin na kasama nila, ay sinabi niya sa katiwala ng kanyang bahay, “Dalhin mo ang mga lalaking iyan sa bahay, magpatay ka ng hayop, at ihanda mo; sapagkat ang mga lalaking iyan ay manananghaliang kasalo ko.” Dinala ng katiwala ang mga lalaking iyon sa bahay ni Jose. Ang mga lalaki ay natakot sapagkat sila'y dinala sa bahay ni Jose, at sinabi nila, “Dinala tayo rito dahil sa salaping isinauli sa ating mga sako noon, upang magkaroon siya ng pagkakataong dakpin tayo, at tayo'y kunin bilang mga alipin, pati ang ating mga asno.” Kaya't sila'y lumapit sa katiwala ng bahay ni Jose at kinausap nila sa pintuan ng bahay. Sinabi nila, “O panginoon ko, talagang kami ay bumaba noong una upang bumili ng pagkain. Nang dumating kami sa tuluyan, binuksan namin ang aming mga sako, at naroon ang salapi ng bawat isa na nasa ibabaw ng kanya-kanyang sako, ang salapi namin sa tunay nitong timbang; kaya't ito ay muli naming dinala. Nagdala rin kami ng karagdagang salapi upang ibili ng pagkain. Hindi namin nalalaman kung sino ang naglagay ng aming salapi sa aming mga sako.” Siya'y sumagot, “Huwag kayong mag-alala o matakot man. Ang Diyos ninyo at ang Diyos ng inyong ama ang nagbigay sa inyo ng kayamanang nasa inyong mga sako; tinanggap ko ang inyong salapi.” Pagkatapos ay dinala niya si Simeon sa kanila. Nang dalhin ng katiwala ang mga lalaki sa bahay ni Jose, at sila'y mabigyan ng tubig, at makapaghugas ng kanilang mga paa, at mabigyan ng pagkain ang kanilang mga asno, ay inihanda nila ang regalo sa pagdating ni Jose sa tanghali, sapagkat kanilang narinig na doon sila magsisikain. Nang dumating si Jose sa bahay, dinala nila sa kanya ang regalo na dinala nila sa loob ng bahay at sila'y nagpatirapa sa harapan niya. Kanyang tinanong sila tungkol sa kanilang kalagayan, at sinabi, “Mayroon bang kapayapaan ang inyong ama, ang matanda na inyong sinabi? Buháy pa ba siya?” Kanilang sinabi, “Mayroong kapayapaan sa iyong lingkod, sa aming ama, siya ay buháy pa.” Sila'y nagsiyuko at nagpatirapa. Tumingin siya at nakita niya ang kanyang kapatid na si Benjamin, ang anak ng kanyang ina, at kanyang sinabi, “Ito ba ang inyong bunsong kapatid na inyong sinabi sa akin?” Kanyang sinabi, “Pagpalain ka nawa ng Diyos, anak ko.” Pagkatapos ay nagmadaling lumabas si Jose sapagkat nanaig ang kanyang pagmamahal sa kanyang kapatid. Humanap siya ng lugar na maiiyakan, pumasok sa loob ng silid, at umiyak doon. Pagkatapos ay naghilamos siya, lumabas, nagpigil sa sarili, at nagsabi, “Maghain kayo ng pagkain.” Kanilang hinainan siya nang bukod, at sila naman ay bukod din, at ang mga Ehipcio na kumakaing kasama niya ay bukod, sapagkat ang mga Ehipcio ay hindi kumakaing kasalo ng mga Hebreo; sapagkat ito ay kasuklamsuklam sa mga Ehipcio. Sila'y umupo sa harapan niya, ang panganay ayon sa kanyang pagkapanganay, at ang bunso ayon sa kanyang pagkabunso. At ang mga lalaki ay nagtinginan sa isa't isa na may pagkamangha. Mula sa hapag ni Jose ay dinalhan sila ng mga pagkain, subalit ang pagkain ni Benjamin ay limang ulit na mas marami kaysa alinman sa kanila. Kaya't sila'y nag-inuman at nagkatuwaang kasama niya.