Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

GENESIS 43:1-14

GENESIS 43:1-14 ABTAG01

Noon ay matindi ang taggutom sa lupain. Nang maubos na nilang kainin ang trigo na kanilang dinala mula sa Ehipto, sinabi sa kanila ng kanilang ama, “Bumalik kayo, bumili kayo ng kaunting pagkain para sa atin.” Subalit sinabi ni Juda sa kanya, “Ang lalaking iyon ay mahigpit na nagbabala sa amin, na sinasabi, ‘Hindi ninyo makikita ang aking mukha malibang kasama ninyo ang inyong kapatid.’ Kung pasasamahin mo sa amin ang aming kapatid, bababa kami at ibibili ka namin ng pagkain. Subalit kapag hindi mo siya pinasama ay hindi kami bababa; sapagkat sinabi sa amin ng lalaki, ‘Hindi ninyo ako makikita malibang kasama ninyo ang inyong kapatid.’” Sinabi naman ni Israel, “Bakit ninyo ako ginawan ng ganitong kasamaan, na inyong sinabi sa lalaki na mayroon pa kayong ibang kapatid?” Sila'y sumagot, “Ang lalaki ay masusing nagtanong tungkol sa amin at sa ating pamilya, na sinasabi, ‘Buháy pa ba ang inyong ama? May kapatid pa ba kayo?’ Sumagot kami sa kanyang mga tanong. Paano namin malalaman na kanyang sasabihin, ‘Dalhin ninyo rito ang inyong kapatid?’” Sinabi ni Juda kay Israel na kanyang ama. “Pasamahin mo sa akin ang bata at hayaan mong kami ay makaalis na upang tayo'y mabuhay at huwag mamatay—kami, ikaw, at ang aming mga anak. Ako mismo ang mananagot para sa kanya. Maaari mo akong panagutin para sa kanya. Kapag hindi ko siya naibalik sa iyo at naiharap sa iyo, ako ang magpapasan ng sisi magpakailanman. Sapagkat kung hindi sana tayo naantala, dalawang ulit na sana kaming nakabalik.” Sinabi naman sa kanila ng kanilang amang si Israel, “Kung talagang gayon, gawin ninyo ito: magdala kayo sa inyong sisidlan ng mga piling bunga ng lupain, at dalhan ninyo ng handog ang lalaki ng kaunting mabangong langis at kaunting pulot, pabango, mira, mga pili at almendras. Magdala rin kayo ng dobleng dami ng salapi; dalhin ninyong pabalik ang salaping isinauli nila sa ibabaw ng inyong mga sako. Marahil iyon ay hindi napansin. Dalhin din ninyo ang inyong kapatid, at muli kayong maglakbay pabalik sa lalaking iyon. Pagkalooban nawa kayo ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat ng awa sa harapan ng lalaking iyon upang ibalik sa inyo ang inyong isa pang kapatid at si Benjamin. At ako, kung ako'y mangulila, ako'y mangungulila.”