Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

GENESIS 41:41-57

GENESIS 41:41-57 ABTAG01

Sinabi ng Faraon kay Jose, “Ikaw ay inatasan ko upang mamahala sa buong lupain ng Ehipto.” Inalis ng Faraon sa kamay niya ang kanyang singsing at inilagay sa kamay ni Jose, at siya'y sinuotan ng pinong lino at inilagay ang isang kuwintas na ginto sa kanyang leeg. Siya'y pinasakay niya sa karwahe na para sa ikalawang pinakamataas na pinuno; at sila'y sumisigaw sa unahan niya, “Lumuhod kayo!” Sa gayo'y inilagay siya bilang puno sa buong lupain ng Ehipto. Sinabi ng Faraon kay Jose, “Ako ang Faraon, at kung walang pagsang-ayon mula sa iyo ay hindi magtataas ang sinumang tao ng kanyang kamay o ng kanyang paa sa buong lupain ng Ehipto.” Pinangalanan ng Faraon si Jose na Zafenat-panea, at ibinigay bilang asawa niya si Asenat, na anak ni Potifera, na pari sa On. Sa gayo'y nagkaroon si Jose ng kapangyarihan sa lupain ng Ehipto. Si Jose ay tatlumpung taong gulang na nang magsimulang maglingkod sa Faraon na hari ng Ehipto. Si Jose ay umalis sa harapan ng Faraon, at nilibot ang buong lupain ng Ehipto. Ang lupa ay nagbunga ng sagana sa loob ng pitong taon ng kasaganaan, at tinipon niya ang lahat ng pagkain sa loob ng pitong taon na may kasaganaan sa lupain ng Ehipto, at inimbak ang pagkain sa mga bayan. Ang pagkain sa mga bukid na nasa palibot ng bawat bayan ay inimbak sa bawat bayan. Si Jose ay nag-imbak ng napakaraming trigo na gaya ng buhangin sa dagat, hanggang sa huminto siya sa pagtatala nito, sapagkat hindi na ito mabilang. Bago dumating ang taon ng taggutom ay ipinanganak kay Jose ang dalawang lalaki, na ipinanganak sa kanya ni Asenat na anak ni Potifera, na pari sa On. Tinawag ni Jose ang pangalan ng panganay na Manases, sapagkat sinabi niya, “Ipinalimot ng Diyos sa akin ang lahat ng aking paghihirap at ang buong sambahayan ng aking ama.” At ang ipinangalan sa ikalawa ay Efraim sapagkat sinabi niya, “Ako'y pinalago ng Diyos sa lupain ng aking pagdadalamhati.” Ang pitong taon ng kasaganaan na nasa lupain ng Ehipto ay natapos. Nang ang pitong taon ng taggutom ay nagpasimulang dumating, ayon sa sinabi ni Jose, nagkagutom sa lahat ng lupain subalit sa buong lupain ng Ehipto ay may pagkain. Nang ang buong lupain ng Ehipto ay nagutom, ang taong-bayan ay humingi ng pagkain sa Faraon. Kaya't sinabi ng Faraon sa lahat ng mga Ehipcio, “Pumunta kayo kay Jose; ang kanyang sabihin sa inyo ay inyong gawin.” Yamang ang taggutom ay lumaganap sa buong lupain, binuksan ni Jose ang lahat ng kamalig at ipinagbili sa mga Ehipcio, sapagkat matindi ang taggutom sa lupain ng Ehipto. Bukod dito, lahat ng mga taga-ibang lupain ay dumating upang bumili ng trigo kay Jose sapagkat matindi ang taggutom sa buong daigdig.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa GENESIS 41:41-57