Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

GENESIS 41:25-40

GENESIS 41:25-40 ABTAG01

Kaya't sinabi ni Jose sa Faraon, “Ang panaginip ng Faraon ay iisa; ipinakita ng Diyos sa Faraon ang malapit na niyang gawin. Ang pitong malulusog na baka ay pitong taon; at ang pitong mabibintog na uhay ay pitong taon. Ito ay iisang panaginip. At ang pitong payat at pangit na baka na umahong kasunod ng mga iyon ay pitong taon, gayundin ang pitong uhay na tinuyo ng hanging silangan; ang mga iyon ay pitong taong taggutom. Ito ang aking sinabi sa Faraon. Ang malapit nang gawin ng Diyos ay ipinaalam niya sa Faraon. Magkakaroon ng pitong taong kasaganaan sa buong lupain ng Ehipto. Pagkatapos ng mga iyon, magkakaroon ng pitong taong taggutom at ang lahat ng kasaganaan sa lupain ng Ehipto ay malilimutan at sasalantain ng taggutom ang lupain. Ang kasaganaan sa lupain ay hindi maaalala dahil sa taggutom na susunod; sapagkat ito'y magiging napakatindi. Tungkol sa pag-uulit ng panaginip sa Faraon na makalawa, ito ay nangangahulugan na ang bagay ay itinatag ng Diyos, at iyon ay madali nang gawin ng Diyos. Ngayon nga'y pahanapin ang Faraon ng isang taong matalino at pantas at pamahalain siya sa lupain ng Ehipto. Gawin ng Faraon na maglagay ng mga tagapamahala sa lupain, at kunin ang ikalimang bahagi ng bunga ng lupain ng Ehipto sa loob ng pitong taong kasaganaan. Tipunin nilang lahat ang mga pagkain nitong dumarating na masasaganang taon, at ikamalig ang mga trigo sa ilalim ng kamay ng Faraon, bilang pagkain sa mga bayan, at itabi ang mga ito. Ang pagkain ay maging laan para sa lupain sa pitong taong taggutom na mangyayari sa lupain ng Ehipto, upang huwag mapuksa ang lupain dahil sa taggutom.” Ang mungkahi ay ikinatuwa ng Faraon at ng kanyang mga lingkod. Kaya't sinabi ng Faraon sa kanyang mga lingkod, “Makakakita kaya tayo ng isang taong kagaya nito, na kinakasihan ng espiritu ng Diyos?” Sinabi ng Faraon kay Jose, “Yamang itinuro sa iyo ng Diyos ang lahat ng ito, ay walang matalino o pantas na gaya mo. Ikaw ang magiging pinuno sa aking bahay, at ayon sa iyong salita ay susunod ang aking buong bayan; tanging tungkol lamang sa pagkahari magiging mataas ako kaysa iyo.”

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa GENESIS 41:25-40