Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

GENESIS 40:1-23

GENESIS 40:1-23 ABTAG01

Pagkatapos ng mga bagay na ito, ang katiwala ng kopa ng hari at ang kanyang panadero ay nagkasala laban sa kanilang panginoon na hari ng Ehipto. Nagalit ang Faraon laban sa kanyang dalawang tagapamahala, sa puno ng mga katiwala ng kopa at sa puno ng mga panadero. Sila'y ibinilanggo sa bahay ng kapitan ng bantay, sa bilangguang kinapipiitan ni Jose. Si Jose ay inatasan ng kapitan ng bantay na mamahala sa kanila at sila'y kanyang pinaglingkuran. Sila'y nasa bilangguan nang maraming mga araw. Isang gabi, ang katiwala ng kopa at ang panadero ng hari sa Ehipto na nasa bilangguan ay kapwa nanaginip, at ang bawat panaginip ay may kanya-kanyang kahulugan. Kinaumagahan, dumating si Jose sa kanila. Siya'y tumingin sa kanila at nakita niyang sila'y balisa. Kaya't tinanong niya ang mga tagapamahala ng Faraon na mga kasama niya sa bilangguan sa bahay ng kanyang panginoon, “Bakit balisa kayo ngayon?” Kanilang sinabi sa kanya, “Kami ay nanaginip at walang sinumang makapagpaliwanag.” Sinabi sa kanila ni Jose, “Hindi ba mula sa Diyos ang mga paliwanag? Sabihin ninyo sa akin.” Kaya't isinalaysay ng puno ng mga katiwala ng kopa ang kanyang panaginip kay Jose at sinabi sa kanya, “Sa aking panaginip ay may isang puno ng ubas sa aking harapan. Sa puno ng ubas ay may tatlong sanga. Sa pagsipot ng dahon nito, ito ay namulaklak at ang mga buwig niyon ay naging mga ubas na hinog. Ang kopa ng Faraon ay nasa aking kamay; at kinuha ko ang mga ubas at aking piniga ang mga ito sa kopa ng Faraon, at ibinigay ko ang kopa sa kamay ng Faraon.” At sinabi ni Jose sa kanya, “Ito ang kahulugan niyon: ang tatlong sanga ay tatlong araw. Sa loob ng tatlong araw ay itataas ng Faraon ang iyong ulo, at ibabalik ka sa iyong katungkulan, at ibibigay mo ang kopa ni Faraon sa kanyang kamay, gaya ng karaniwang dati mong ginagawa nang ikaw ay kanyang katiwala. Subalit alalahanin mo ako kapag ikaw ay napabuti na, at hinihiling ko sa iyo na gumawa ka ng mabuti sa akin, at banggitin mo ako sa Faraon, at ako'y ilabas mo sa bahay na ito. Ako'y tunay na ninakaw sa lupain ng mga Hebreo, at dito naman ay wala akong ginagawang anuman upang ako'y ilagay nila sa bilangguan.” Nang makita ng puno ng mga panadero na ang kahulugan ay mabuti ay sinabi niya kay Jose, “Ako'y nanaginip din, at may tatlong kaing ng maputing tinapay ang nasa ibabaw ng aking ulo. Sa ibabaw ng kaing ay naroon ang lahat ng uri ng pagkain para sa Faraon. Subalit ito ay kinakain ng mga ibon mula sa kaing na nasa ibabaw ng aking ulo.” Si Jose ay sumagot, “Ito ang kahulugan niyon: ang tatlong kaing ay tatlong araw. Sa loob ng tatlong araw ay itataas ng Faraon ang iyong ulo, at ibibitin ka sa isang punungkahoy, at kakainin ng mga ibon ang iyong laman.” Nang ikatlong araw, na siyang kapanganakan ng Faraon, gumawa siya ng isang handaan para sa lahat ng kanyang mga lingkod. Ipinatawag niya ang puno ng mga katiwala ng kopa, at ang puno ng mga panadero. At ibinalik niya ang puno ng mga katiwala ng kopa sa kanyang pagiging katiwala ng kopa, at ibinigay niya ang kopa sa kamay ng Faraon. Subalit ang puno ng mga panadero ay ibinitin niya, gaya ng ipinakahulugan sa kanila ni Jose. Gayunma'y hindi na naalala si Jose ng puno ng mga katiwala ng kopa, kundi nakalimutan siya.