Nang ibalita kay Tamar na “Ang iyong biyenang lalaki ay umaahon sa Timna upang pagupitan ang kanyang mga tupa,”
siya'y nagpalit ng kasuotan ng balo, tinakpan ang sarili ng isang belo, nagbalatkayo at naupo sa pasukan ng Enaim na nasa daan ng Timna. Kanyang nakikita na si Shela ay malaki na ngunit hindi ibinibigay sa kanya bilang asawa.
Nang makita siya ni Juda ay inakalang siya'y upahang babae, sapagkat nagtakip ng kanyang mukha.
Lumapit siya sa kanya sa tabi ng daan, at sinabi, “Halika, sisiping ako sa iyo;” sapagkat siya'y hindi niya nakilalang kanyang manugang. Sinabi niya, “Anong ibibigay mo sa akin upang ikaw ay makasiping sa akin?”
Kanyang sinabi, “Padadalhan kita ng isang anak ng kambing na mula sa kawan.” At kanyang sinabi, “Bibigyan mo ba ako ng sangla hanggang sa maipadala mo ito?”
Sinabi niya, “Anong sangla ang ibibigay ko sa iyo?” Sumagot siya, “Ang iyong singsing, ang iyong pamigkis, at ang tungkod na nasa iyong kamay.” Kaya't ang mga iyon ay ibinigay sa kanya, at siya'y sumiping sa kanya, at siya'y naglihi sa pamamagitan niya.
Pagkatapos siya'y bumangon, umalis at pagkahubad ng kanyang belo, ay isinuot ang mga kasuotan ng kanyang pagiging balo.
Nang ipadala ni Juda ang anak ng kambing sa pamamagitan ng kanyang kaibigang Adullamita, upang tanggapin ang sangla mula sa kamay ng babae, siya ay hindi niya natagpuan.
Kaya't tinanong niya ang mga tao sa lugar na iyon, “Saan naroon ang upahang babae na nasa tabi ng daan sa Enaim?” At kanilang sinabi, “Walang upahang babae rito.”
Kaya't nagbalik siya kay Juda, at sinabi, “Hindi ko siya natagpuan; at sinabi rin ng mga tao sa lugar na iyon, ‘Walang upahang babae rito.’”
Sinabi ni Juda, “Pabayaan mong ariin niya ang mga iyon, baka tayo'y pagtawanan. Tingnan mo, ipinadala ko itong anak ng kambing at hindi mo siya natagpuan.”
Pagkaraan ng halos tatlong buwan, ibinalita kay Juda na sinasabi, “Ang iyong manugang na si Tamar ay nagpaupa, at siya'y buntis sa pagpapaupa.” Sinabi ni Juda, “Ilabas siya upang sunugin.”