Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

GENESIS 31

31
Tumakas si Jacob kay Laban
1Narinig ni Jacob ang mga salita ng mga anak ni Laban, na nagsasabi, “Kinuha ni Jacob ang lahat ng sa ating ama. Mula sa ating ama ay tinamo niya ang lahat ng kanyang kayamanan.”
2Nakita ni Jacob na ang pagturing sa kanya ni Laban ay hindi na kagaya nang dati.
3Kaya't sinabi ng Panginoon kay Jacob, “Bumalik ka sa lupain ng iyong mga ninuno at sa iyong kamag-anak, at ako'y kasama mo.”
4Kaya't si Jacob ay nagsugo at tinawag sina Raquel at Lea sa bukid na kinaroroonan ng kanyang kawan,
5at sinabi sa kanila, “Nakikita ko na ang pagturing sa akin ng inyong ama ay hindi na gaya nang dati; subalit ang Diyos ng aking ama ay kasama ko.
6Nalalaman ninyo na ang aking buong lakas ay ipinaglingkod ko sa inyong ama.
7Subalit dinaya ako ng inyong ama at binago ang aking sahod ng sampung ulit subalit hindi siya pinahintulutan ng Diyos na gawan ako ng masama.
8Kapag sinabi niya ang ganito, ‘Ang mga may batik ang magiging sahod mo;’ kung magkagayo'y nanganganak ang lahat ng kawan ng mga may batik. At kapag sinabi niya ang ganito, ‘Ang mga may guhit ang magiging sahod mo;’ kung magkagayon, ang lahat ng kawan ay nanganganak ng mga may guhit.
9Sa gayon inalis ng Diyos ang mga hayop ng inyong ama, at ibinigay sa akin.
10Sa panahong ang kawan ay nagtatalik, ako ay nanaginip at nakita ko na ang mga kambing na lalaki na nakipagtalik#31:10 Sa Hebreo ay lumundag. sa kawan ay may mga guhit, may batik at may dungis.
11Ang anghel ng Diyos ay nagsalita sa akin sa panaginip, ‘Jacob,’ at sinabi ko, ‘Narito ako.’
12At kanyang sinabi, ‘Tingnan mo at iyong makikita na ang lahat ng kambing na nakikipagtalik sa kawan ay may guhit, may batik at may dungis; sapagkat nakita ko ang lahat na ginagawa sa iyo ni Laban.
13Ako#Gen. 28:18-22 ang Diyos ng Bethel na doon mo pinahiran ng langis ang haligi at doon ka gumawa ng panata sa akin. Tumayo ka ngayon, lumabas ka sa lupaing ito, at bumalik ka sa lupain na iyong sinilangan.’”
14Nagsisagot sina Raquel at Lea, at sinabi sa kanya, “Mayroon pa bang natitirang bahagi at mana para sa amin sa bahay ng aming ama?
15Hindi ba niya kami itinuring na mga taga-ibang bayan? Sapagkat ipinagbili niya kami at inubos na rin niya ang aming salapi.
16Lahat ng kayamanang inalis ng Diyos sa aming ama ay para sa amin at para sa aming mga anak. Ngayon nga, gawin mo ang lahat ng sinabi sa iyo ng Diyos.”
17Nang magkagayo'y tumayo si Jacob, at pinasakay sa mga kamelyo ang kanyang mga anak at asawa.
18At kanyang dinala ang lahat niyang mga hayop, at ang lahat na pag-aari na kanyang natipon, ang hayop na kanyang natipon sa Padan-aram, upang pumunta sa lupain ng Canaan, kay Isaac na kanyang ama.
19Si Laban ay humayo upang gupitan ang kanyang mga tupa; at ninakaw naman ni Raquel ang mga diyos ng sambahayan ng kanyang ama.
20At dinaya ni Jacob si Laban na Arameo, sapagkat hindi sinabi sa kanya na siya'y tatakas.
21Kaya't tumakas siya dala ang lahat niyang ari-arian. Siya ay tumawid sa Ilog Eufrates, at pumunta sa maburol na lupain ng Gilead.
Hinabol ni Laban si Jacob
22Nang ikatlong araw ay nabalitaan ni Laban na tumakas na si Jacob.
23Kaya't ipinagsama niya ang kanyang mga kamag-anak, at hinabol siya sa loob ng pitong araw hanggang sa kanyang inabutan siya sa bundok ng Gilead.
24Subalit dumating ang Diyos kay Laban na Arameo sa panaginip sa gabi, at sinabi sa kanya, “Ingatan mong huwag kang magsalita kay Jacob ng mabuti o masama man.”
25Inabutan ni Laban si Jacob. Naitirik na ni Jacob ang kanyang tolda sa bundok; at si Laban pati ng kanyang mga kamag-anak ay nagtirik din sa bundok ng Gilead.
26Sinabi ni Laban kay Jacob, “Anong ginawa mo? Dinaya mo ako at dinala ang aking mga anak na babae na parang mga bihag ng tabak?
27Bakit ka lihim na tumakas at dinaya mo ako at hindi ka nagsabi sa akin? Naihatid sana kita na may pagsasaya at awitan, may tambol at may alpa.
28Hindi mo man lamang ipinahintulot sa akin na mahalikan ang aking mga anak na lalaki at babae? Ang ginawa mo'y isang kahangalan.
29Nasa aking kapangyarihan ang gawan kayo ng masama. Ngunit ang Diyos ng inyong ama ay nagsalita sa akin kagabi, na sinasabi, ‘Ingatan mong huwag kang magsalita kay Jacob ng mabuti o masama man.’
30Kahit kailangan mong umalis sapagkat nasasabik ka na sa bahay ng iyong ama, bakit mo ninakaw ang aking mga diyos?”
31At sumagot si Jacob kay Laban, “Sapagkat ako'y natakot; iniisip ko na baka kunin mo nang sapilitan sa akin ang iyong mga anak.
32Ngunit kanino mo man matagpuan ang iyong mga diyos ay hindi mabubuhay. Sa harapan ng ating mga kamag-anak, ituro mo kung anong iyo na nasa akin, at kunin mo iyon.” Hindi nalalaman ni Jacob na si Raquel ang nagnakaw noon.
33Kaya pumasok si Laban sa tolda nina Jacob, Lea, at ng dalawang alilang babae, subalit hindi niya natagpuan. Lumabas siya sa tolda ni Lea at pumasok sa tolda ni Raquel.
34Nakuha nga ni Raquel ang mga diyos ng sambahayan at inilagay ang mga ito sa mga dala-dalahan ng kamelyo at kanyang inupuan. Hinalughog ni Laban ang buong palibot ng tolda, ngunit hindi niya natagpuan.
35At sinabi ni Raquel sa kanyang ama, “Huwag magalit ang aking panginoon na ako'y hindi makatayo sa harap mo; sapagkat dinatnan ako ngayon.” Kaya't kanyang hinanap, ngunit hindi natagpuan ang mga diyos ng sambahayan.
Ang Galit na Sagot ni Jacob
36At si Jacob ay nagalit at nakipagtalo kay Laban. Sinabi ni Jacob kay Laban, “Ano ang aking paglabag at ang aking kasalanan, at habulin mo ako na may pag-iinit?
37Kahit hinalughog mo ang lahat ng aking kasangkapan, anong natagpuan mong kasangkapan ng iyong bahay? Ilagay mo rito sa harapan ng aking mga kamag-anak at ng iyong mga kamag-anak at hayaan mong magpasiya sila sa ating dalawa.
38Ako'y kasama mo sa loob ng dalawampung taon; ang iyong mga babaing tupa at ang iyong mga babaing kambing ay hindi nakunan, at hindi ako kumain ng mga tupang lalaki ng iyong kawan.
39Ang nilapa ng mababangis na hayop ay hindi ko dinala sa iyo; ako mismo ang nagpasan ng pagkawala. Sa aking kamay mo hiningi iyon, maging ninakaw sa araw o sa gabi.
40Naging ganoon ako; sa araw ay pinahihirapan#31:40 Sa Hebreo ay inuubos. ako ng init, at sa gabi ay ng lamig; at ako ay nalipasan na ng antok.
41Nitong dalawampung taon ay nakatira ako sa iyong bahay. Pinaglingkuran kita ng labing-apat na taon dahil sa iyong dalawang anak, at anim na taon dahil sa iyong kawan, at sampung ulit na binago mo ang aking sahod.
42Kung ang Diyos ng aking ama, ang Diyos ni Abraham, at ang Kinatatakutan ni Isaac ay wala sa aking panig, tiyak na palalayasin mo ako ngayon na walang dala. Nakita ng Diyos ang aking kapighatian, ang aking pagpapagod, at sinaway ka niya kagabi.”
Ang Tipan nina Jacob at Laban
43Sumagot si Laban kay Jacob, “Ang mga anak na babae ay aking mga anak at ang mga anak ay mga anak ko, at ang mga kawan ay aking mga kawan at ang lahat ng iyong nakikita ay akin. Subalit anong magagawa ko ngayon sa mga anak kong babae, o sa kanilang mga anak na ipinanganak nila?
44Halika ngayon, gumawa tayo ng isang tipan, ako at ikaw; at hayaang iyon ay maging saksi sa akin at sa iyo.”
45Kaya't kumuha si Jacob ng isang bato, at iyon ay itinayo bilang isang bantayog.
46At sinabi ni Jacob sa kanyang mga kamag-anak, “Magtipon kayo ng mga bato,” at kumuha sila ng mga bato at kanilang ginawang isang bunton at sila'y nagkainan doon sa malapit sa bunton.
47Tinawag ito ni Laban na Jegarsahadutha, subalit tinawag ito ni Jacob na Gilead.#31:47 Sa Hebreo ay Ang bunton ng saksi.
48Sinabi ni Laban, “Ang buntong ito ay saksi sa akin at sa iyo ngayon.” Kaya't tinawag niya ito sa pangalang Gilead;
49at ang bantayog ay Mizpa#31:49 o Bantayan. sapagkat sinabi niya, “Bantayan ng Panginoon ako at ikaw, kapag tayo'y hindi magkasama sa isa't isa.
50Kapag pinahirapan mo ang aking mga anak, o kung mag-asawa ka sa iba bukod sa aking mga anak, kahit wala tayong kasama, alalahanin mo, ang Diyos ay saksi sa akin at sa iyo.”
51At sinabi ni Laban kay Jacob, “Tingnan mo ang buntong ito at ang haligi na aking inilagay sa gitna natin.
52Ang buntong ito ay isang saksi, at ang haligi ay isang saksi na hindi ako lalampas sa buntong patungo sa inyo, at hindi ka lalampas sa buntong ito at sa haligi patungo sa akin upang saktan ako.
53Nawa'y ang Diyos ni Abraham at ang Diyos ni Nahor, ang Diyos ng kanilang ama ang humatol sa atin.” At si Jacob ay sumumpa ng ayon sa Kinatatakutan ng kanyang amang si Isaac.
54At naghandog si Jacob ng handog sa bundok, at tinawag ang kanyang mga kamag-anak upang kumain ng tinapay; at sila'y kumain ng tinapay, at nanatili sa bundok.
55Kinaumagahan, maagang bumangon si Laban, hinagkan ang kanyang mga anak na lalaki at babae, at binasbasan sila; at umalis siya at bumalik sa kanyang tahanan.

Kasalukuyang Napili:

GENESIS 31: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya