Umalis si Jacob sa Beer-seba at pumunta sa Haran. Dumating siya sa isang lugar at nagpalipas ng magdamag doon sapagkat lumubog na ang araw. Kumuha siya ng isa sa mga bato sa lugar na iyon at inilagay sa kanyang ulunan, at nahiga roon upang matulog. Siya ay nanaginip na may isang hagdan na nakalagay sa lupa, na ang dulo ay umaabot sa langit, at ang mga anghel ng Diyos ay nagmamanhik-manaog doon. At ang PANGINOON ay tumayo sa tabi niya at nagsabi, “Ako ang PANGINOON, ang Diyos ni Abraham na iyong ama, at ang Diyos ni Isaac. Ang lupang kinahihigaan mo ay ibibigay ko sa iyo at sa iyong binhi. Ang iyong binhi ay magiging parang alabok sa lupa, at ikaw ay kakalat sa kanluran, silangan, hilaga, at sa timog at ang lahat ng angkan sa lupa ay pagpapalain sa pamamagitan mo at ng iyong binhi. Alamin mo na ako'y kasama mo at iingatan kita saan ka man pumunta, at ibabalik kita sa lupaing ito sapagkat hindi kita iiwan hanggang hindi ko nagagawa ang ipinangako ko sa iyo.” Nagising si Jacob sa kanyang panaginip at sinabi, “Tunay na ang PANGINOON ay nasa lugar na ito at hindi ko iyon nalalaman.” Siya'y natakot, at kanyang sinabi, “Kakilakilabot ang lugar na ito! Ito'y walang iba kundi ang bahay ng Diyos, at ito ang pintuan ng langit.” Kinaumagahan, si Jacob ay maagang bumangon at kinuha ang batong kanyang inilagay sa ulunan niya, at kanyang itinayo bilang bantayog at kanyang binuhusan ng langis. Ang ipinangalan niya sa lugar na iyon ay Bethel, subalit ang dating pangalan ng lunsod ay Luz. Si Jacob ay nagpanata na sinasabi, “Kung makakasama ko ang Diyos at ako'y iingatan sa daang ito na aking nilalakaran, at ako'y bibigyan niya ng tinapay na makakain, at damit na maisuot, at ako'y makabalik na payapa sa bahay ng aking ama, kung gayon ang PANGINOON ang magiging aking Diyos. Ang batong ito na aking itinayo bilang bantayog ay magiging bahay ng Diyos; at sa lahat ng ibibigay mo sa akin ay ibibigay ko ang ikasampung bahagi sa iyo.”
Basahin GENESIS 28
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: GENESIS 28:10-22
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas